Pulis at sundalo sa kampus, banta sa akademikong kalayaan
Isang senyales ng lumalalang banta sa akademikong kalayaan at layunin sa ligtas na espasyo para sa mga mag-aaral ang patuloy na militarisasyon sa mga pamantasan.
Sa kabila ng pagkakaroon ng mga pagkilala at proteksiyon sa akademikong kalayaan, patuloy na nakaamba ang iba’t ibang banta para supilin ang kalayaan sa pagpapahayag at kritikal na pag-iisip sa mga paaralan sa bansa dahil sa presensiya ng mga pulis at militar sa mga kampus.
Noong Hun. 30, 1989, nilagdaan ang University of the Philippines-Department of National Defense (UP-DND) Accord na may layuning hadlangan ang pagpasok ng mga pulis at sundalo sa pamantasan.
Isinagawa ang kasunduan matapos ang kaso ng pagdukot kay Donato Continente, staff ng Philippine Collegian at miyembro ng Kabataan Para sa Demokrasya at Nasyonalismo noong Hun. 16, 1989.
Ngunit noong Ene. 15, 2021, makaisang panig na pinawalang-bisa ng DND ang kasunduan na naglagay ng matinding panganib sa komunidad ng UP at nagresulta sa sunod-sunod na atake sa akademikong kalayaan.
Ayon kay Brell Lacerna, pambansang tagapagsalita ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), simbolo ng patuloy na pag-atake sa kabataan at sa kanilang mga karapatan ang pag-urong sa kasunduan.
“Patunay ito na mula noon, hanggang ngayon, patitindihin ng estado ang pang-iintimida at paniniktik sa mga kabataan o sinuman na kritiko ng gobyerno,” aniya.
Naging kontrobersiyal din ang pagpirma ni UP President Angelo Jimenez noong Ago. 8 sa isang deklarasyon ng kooperasyon sa pagitan ng UP at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagpapahintulot sa presensiya ng militar sa pamantasan.
Kinumpirma rin kamakailan ng Commission on Higher Education (CHED) at Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (Cocopea) ang kanilang pagiging kasapi sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).
Mariing kinondeda ni Lacerna ang mga hakbang na ito ng administrasyon ng UP, CHED at Cocopea.
“Hindi kailanman katiwa-tiwala ang NTF-Elcac dahil sila ang nangunguna sa red-tagging na ayon sa Supreme Court ay panganib sa buhay ng mamamayan. Binabalewala ng NTF-Elcac ang konstitusyonal na karapatan ng mamamayan na maging [kritikal],” aniya.
Presensiyang militar
Nagbigay-daan sa mas malawak na pagmamanman at panghihimasok ng militar sa mga kampus ang deklarasyon ng kooperasyon ng UP-AFP at pagkansela ng UP-DND Accord.
Sa UP Cebu, dalawang insidente noong Set. 27 at Nob. 16 ang naitala, kung saan may nagtangkang pumasok na armadong pulis sa kampus, habang isa pang pulis ang namataan malapit sa UP Cebu High School, kasabay ng isang paralegal training.
Sa UP Diliman, namataan ang mga banner na naglalaman ng red-tagging sa Anakbayan na may pirma ng “UP Admin” noong Okt. 20.
Sa UP Mindanao, may anim na armadong tauhan ng 11th Regional Community Defense Group (11th RCDG) ang nagsagawa ng military exercises sa harap ng Cultural Complex noong Okt. 24.
Ayon kay Maria Juliana Garcia, pangalawang tagapangulo para sa Mindanao ng Katipunan ng Sangguniang Mag-aaral sa UP, mas nagiging prominente ang takot dahil malapit lang sa kampo ng yunit ng Philippine Army ang kanilang kampus.
“Katabi lang namin ang 11th RCDG at hindi rin sikreto ang mga nangyaring pang-iintimida sa mga lider-estudyante at mga progresibong indibidwal kaya naman may mga pag-aalinlangan sila sa pagkilos,” paliwanag ni Garcia.
Isang senyales ng lumalalang banta sa akademikong kalayaan at layunin sa ligtas na espasyo para sa mga mag-aaral ang patuloy na militarisasyon sa mga pamantasan.
Para kay Sean Latorre, pangalawang tagapangulo ng UP Diliman University Student Council, nagdudulot ng pangamba sa akademikong kalayaan at seguridad ng mga mag-aaral ang mga ganitong uri ng insidente.
“Hindi dapat nanghihimasok ang militar sa loob ng kampus dahil sa kanilang kasaysayan ng surveillance, intimidation, red-tagging, at harassment. Ang pagpasok ng militar sa kampus ay isang malinaw na banta sa ating kaligtasan,” aniya.
Paniniktik sa kabataan
Sa gitna ng tumitinding militarisasyon, iniulat din ang ilang kaso ng paniniktik at pandarahas mula sa mga armadong tauhan na nagmamanman sa kilos ng mga kabataan.
Sa Bikol, iniulat ng The Democrat, pahayagan ng mga mag-aaral ng University of Nueva Caceres, na sinundan ng militar ang kanilang mga editor matapos mag-cover ng komemorasyon ng batas militar sa Plaza Rizal sa Naga City.
Sa UP Tacloban naman, idinawit umano sa “terrorist recruitment” ang mga lider-estudyante dahil sa kanilang progresibong paninindigan.
Idinagdag din ni Garcia ang pandarahas ng pulisya sa kilos-protesta ng mga lider-estudyante at konseho ng mag-aaral ng UP System sa Tacloban City. Aniya, patunay ito ng pag-target sa mga kritikal at aktibong lider-estudyante.
Sinabi rin Lacerna na patuloy na nararanasan ng mga pahayagang pangkampus at ng kanilang organisasyon ang red-tagging at iba pang porma ng panunupil sa iba’t ibang paaralan sa buong bansa.
“Talamak na kaso ng paniniktik ay sa Bikol at Kordilyera kung saan ang mga [editor] ng mga publikasyon ay sinusundan ng militar sa kanilang bahay. Gayundin, kami rin ay palaging nire-red-tag sa mga [forum] ng militar sa mga pamantasan, tulad ng nangyari sa Saint Louis College sa Ilocos Norte at University of the Eastern Philippines sa Northern Samar,” aniya.
Dagdag pa niya, mula lungsod hanggang kanayunan, tumitindi ang paglulunsad ng mga seminar ng red-tagging ng AFP na nakapakete umano sa oryentasyon ng Reserve Officers’ Training Corps.
Epekto sa akademya at aktibismo
Dahil sa patuloy na militarisasyon, nagiging limitado ang espasyo para sa kritikal na diskurso sa pamantasan, lalo na sa mga isyu ng hustisya, karapatang pantao at pagabagong panlipunan.
Ayon sa mga lider-estudyante, direktang nakakaapekto ang militarisasyon sa seguridad, akademikong kalayaan at pagkamit ng dekalidad na edukasyon.
Nagreresulta ito ng takot sa mga mag-aaral na sumali sa mga progresibong organisasyon at maging aktibo sa mga isyung panlipunan.
“Karamihan sa mga estudyante ay natatakot sumali ng mga pahayagang pangkampus. Target ng estado ang mga pahayagang pangkampus sapagkat ang mga institusyong ito ay naglalabas ng mga kritikal na balita. Tumitindi ang represyon dahil sa sabwatan ng militar at ng school administrators na ikontrol kung paano maglabas ng impormasyon ang mga pahayagang pangkampus,” ani Lacerna.
Para naman kay Latorre, maaari itong magdulot ng dalawang magkaibang epekto: may mga estudyanteng mas lumalakas ang paninindigan sa gitna ng intimidasyon, ngunit mayroon ding natatakot at nananahimik na lang.
Binigyang-diin naman ni Garcia na may direktang epekto ang presensiya ng militar sa pisikal at mental na kalusugan ng mga estudyante.
“Ang seguridad at mental health problems ay lalong lumalala dahil sa patuloy na paniniktik at pang-iintimida ng militar. May mga pagkakataon kung saan hindi nila ramdam na safe sila sa pamantasan,” aniya.
Pagkilos at panawagan
Sa kabila ng mga hamon, nananatiling matatag ang kabataan sa paglaban para sa kanilang mga demokratikong karapatan.
Nagkakaisa ang mga lider-estudyante at organisasyon sa panawagang ipaglaban ang kanilang karapatan sa isang ligtas at malayang espasyo sa edukasyon.
Hiling nila na ibalik ang UP-DND Accord at ibasura ang mga polisiya na nagpapahintulot sa presensiya ng militar sa mga pamantasan tulad ng UP-AFP Declaration of Cooperation.
Ayon kay Latorre, patuloy na hinihikayat ng kanilang konseho ang administrasyon ng UP na tumindig laban sa militarisasyon at protektahan ang kanilang komunidad.
Aktibo silang nagsasagawa ng mga paralegal training, kilos-protesta at pagbibigay ng bust cards na naglalaman ng impormasyon tungkol sa karapatan at proseso upang mas mabigyan ng kaalaman ang mga mag-aaral kung ano ang gagawin kapag nilapitan o kinausap ng pulis o sundalo.
Hinikayat naman ni Garcia ang mga administrador ng mga pamantasan at pamahalaan na tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga estudyante at mamamayan sa dekalidad na edukasyon, mga batayang serbisyo at ligtas na espasyo.
“Unahin ang basic student services at iba pang basic services na kailangan ng taumbayan. Hindi bala, intimidasyon at pamamasista ang sagot sa mga kumakalam na tiyan ng mga mamamayan,” aniya.
Dagdag pa ni Lacerna, “Ang tunay na dapat pagtuunan ng gobyerno ay ang pagpapabuti ng kalidad at aksesibilidad ng edukasyon, hindi ang paggamit ng pondo para sa militarisasyon.”
Patuloy ang CEGP sa pagdokumento ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao at pagkumbinsi sa iba pang mga pamantasan na magsalita laban sa mga pang-aabuso.
Sa gitna ng lumalalang banta, patuloy ang panawagan ng kabataan na gawing ligtas at makatarungan ang edukasyon at itaguyod ang kalayaan sa loob ng mga akademikong institusyon.