Pagsali ng Cocopea sa NTF-Elcac, binatikos
Hinihikayat din ng mga progresibong grupo ang iba’t ibang miyembro ng sektor ng edukasyon na ipaglaban ang akademikong kalayaan at sama-samang labanan ang militarisasyon sa mga paaralan.
Nagpahayag ng mariing pagkondena ang iba’t ibang grupo ng kabataan at karapatang pantao sa desisyon ng Coordinating Council of Private Educational Associations (Cocopea) na maging bahagi ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).
Sa kabila ng banta ng red-tagging, itinulak ng Cocopea ang kanilang pagiging miyembro sa task force na magdadala ng takot sa humigit-kumulang 1,500 pribadong paaralan at sa milyon-milyong estudyanteng maaaring maapektuhan.
Ayon kay Karapatan secretary general Cristina Palabay, nagbubukas ng pintuan para sa mas malawak na red-tagging at paglabag sa karapatang pantao ang desisyong ito.
“Labis kaming nadismaya sa desisyon ng Cocopea na sumanib sa NTF-Elcac, kahit na kinikilala na ng Korte Suprema ang red-tagging bilang banta sa buhay, kalayaan at seguridad,” ani Palabay.
Dagdag pa ni Lloyd Manango, national chairperson ng League of Filipino Students, dapat na espasyo para sa kapayapaan ang mga paaralan, hindi para sa mga ahensiyang nagpapalaganap ng militarisasyon at panlilinlang.
Binansagan niyang “gate ng impyerno” ang pagpasok ng Cocopea sa task force dahil mas manganganib umano ang milyon-milyong mag-aaral sa disimpormasyon at militarisasyon.
Inilarawan naman ni Mhing Gomez, deputy spokesperson ng Anakbayan, ang mga programang “awareness” ng NTF-Elcac bilang Trojan horse na nagtatago ng masamang intensiyon at paninira laban sa mga estudyante.
Ganito rin ang naging pahayag ni Brell Lacerna, tagapagsalita ng College Editors Guild of the Philippines, na hindi umano maaaring itago ng NTF-Elcac ang red-tagging sa likod ng mga kunwaring seminar at mga kasinungalingan.
Samantala, pinuna ni Renee Co, tagapagsalita at first nominee ng Kabataan Partylist, ang kawalan ng konsultasyon sa mga stakeholder ng pribadong paaralan bago isakatuparan ang hakbang na ito.
“Malinaw na paglabag ito sa awtonomiya ng mga pribadong paaralan at tila isang pagtatangka ng Malacañang na kontrolin ang mga paaralan sa ilalim ng maskara ng NTF-Elcac,” aniya.
Dagdag pa ni Co, walang karapatan ang NTF-Elcac na makialam sa mga pribadong institusyon lalo na’t may mga isyu ng anomalya at hindi natapos na mga proyekto ang task force na lumalabas tuwing sinusuri ng Kongreso ang kanilang badyet.
“Dapat na itong buwagin dahil isa itong masalimuot at labis na gastusing task force na kumukuha ng pondo mula sa mga mamamayan na mas mainam sanang ilaan sa pagresolba ng learning crisis,” pahayag ni Co.
Puspusan ang panawagan ng mga grupo upang bawiin ng Cocopea ang kanilang pagiging kasapi sa NTF-Elcac at labanan ang anumang banta sa kalayaan at karapatan ng mga mag-aaral.
Hinihikayat din ng mga grupo ang iba’t ibang miyembro ng sektor ng edukasyon na ipaglaban ang akademikong kalayaan at sama-samang labanan ang militarisasyon sa mga paaralan.