Main Story

NTF-Elcac, gatasan ng militar, perhuwisyo sa bayan

,

Sagad sa buto ang korupsiyon sa gobyerno’t militar. Imbis na ilaan ang pondo sa makabuluhang serbisyo publiko, ginagamit pa sa panlilinlang sa mamamayan at paglabag sa mga karapatan sa ngalan ng kontra-insurhensiya.

Sa kabila ng bilyon-bilyong pisong ibinuhos ng gobyerno sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) mula nang itatag ito noong 2018, nananatiling mailap ang ipinangakong “kapayapaan” at “kaunlaran” sa kanayunan. Sa halip na ginhawa, takot at korupsiyon ang hatid ng ahensiya sa mga komunidad.

Habang minamadali ng Kongreso ang ratipikasyon ng pambansang badyet para sa 2026 bago matapos ang taon, muling lumutang ang mga iregularidad sa pondo ng NTF-Elcac. Ang pagmamadaling ito’y nagaganap sa gitna ng sunod-sunod na pagbubunyag ng mga anomalya sa paggamit ng pera ng bayan.

Batay sa 2026 National Expenditure Program (NEP) ng administrasyong Marcos Jr., nasa P8.1 bilyon ang nakalaan para sa Barangay Development Program (BDP) ng NTF-Elcac. Ayon sa ahensiya, ang badyet na ito’y para umano sa 808 na mga barangay sa buong kapuluan na hindi pa “cleared” mula sa rebelyon. 

Dahil dito, nananatili ang pangamba ng mga mambabatas, bantay-karapatang pantao, at nasa mismong komunidad na tinuturing nitong “rebel-infested” na magsisilbi lang itong “gatasan” ng mga tiwaling opisyal, lalo na sa hanay ng militar, habang papalapit ang halalan sa 2028.

Hindi na bago ang bansag na “generals’ pork barrel” sa pondo ng NTF-Elcac. Mula sa kuwestiyonableng completion rate ng mga proyekto hanggang sa pilit na pagpapasuko sa mga sibilyan para sa pabuya, negosyo na ang kontra-insurhensiya.

Ipinagmamalaki ng NTF-Elcac ang BDP bilang sagot sa kahirapan sa mga barangay sa kanayunan na diumano’y “nalinis” na sa impluwensiya ng New People’s Army (NPA)

Sa kanilang naratibo, ang pagbuhos ng semento at pera ang solusyon sa dekada nang armadong tunggalian.

Bawat barangay na mapapabilang sa listahan ay pinapangakuan ng P20 milyon, na kinalauna’y naging P10 milyon at P2.5 milyon sa mga sumunod na taon, para sa mga farm-to-market road, health center at pailaw. Taliwas sa reyalidad, ang mga proyektong ito’y madalas na nananatiling pangako o ‘di kaya’y nagiging gatasan ng mga kontratista at opisyal ng militar.

Ang pinakanakakaalarma, sinabi ng Commission on Audit (COA) nitong Dis. 1 na maging ang Department of National Defense (DND) ay nabigong gamitin nang wasto ang pondo ng task force.

Ayon sa ulat ng COA, lumalabas na P4.6 milyon lang o 31.8% ang nagamit ng DND mula sa P14.3 milyong pondo ng NTF-Elcac mula 2020 hanggang 2024. 

Sa loob ng apat na taon, mahigit sa kalahati ng pondo ang natengga. Dahil sa kapabayaan, napilitan ang ahensiya na ibalik ang P7.6 milyon sa kaban ng bayan—isang malinaw na indikasyon ng ‘di maayos na paggamit ng pondo sa gitna ng paggigiit ng karagdagan pa.

Maging ang Kabataan Partylist at Gabriela Women’s Party, ilang beses nang kinuwestiyon ang mabagal na paggamit ng pondo at hindi tapos na mga proyekto sa mga nakaraang pagdinig.

Sa datos na nakalap ng Pinoy Weekly, lumalabas ang larawan ng kapabayaan at panlilinlang gamit ang pondo ng NTF-Elcac.

Sa probinsiya ng Abra, halimbawa, naging tampulan ng galit ng mga residente ang ipinangakong pamamahagi ng mga baboy at kalabaw sa ilalim ng “agricultural support” ng BDP.

Sa halip na mga biik o kalabaw na inaasahan para sa kabuhayan, binigyan lang ang mga residente ng tig-aapat na sisiw. Ang iba, ilang piraso lang ng pananim ang natanggap.

Hindi rin nakaligtas sa puna ng COA ang Bikol. Sa rehiyong ito na madalas tamaan ng kalamidad, ang pondo’y nilulustay sa mga maanomalyang transaksiyon.

Sinita ng komisyon ang Philippine National Police (PNP) Region V sa pagbili ng kagamitang nagkakahalaga ng P6.66 milyon gamit ang pondo ng NTF-Elcac nang walang sapat na dokumento. Walang maipakitang proof of posting o request for price quotations, isang malinaw na paglabag sa procurement laws na nagbubukas ng pinto sa ghost projects.

Sa Eastern Visayas, matingkad ang nangyari sa Barangay Hitapi-an, Catubig, Northern Samar. Inabot ng halos apat na taon ang pagpapasemento sa kalsadang may haba lang na 400 metro. 

Nasa P14 milyon o tumataginting na P35,000 kada metro ang halaga ng proyekto. Walang silbi ang kalsada dahil tumigil ito sa gilid ng katabing barangay at malayo sa sentro ng komersiyo.

Sa Mindanao, kung saan ibinuhos ang pinakamalaking porsiyento ng pondo, talamak din ang katiwalian. Ang Davao Region, na balwarte ng pamilyang Duterte, ang nakakuha ng “lion’s share” na umabot sa P5.22 bilyon, ngunit inirereklamo ng mga residente ang mga substandard na kalsada.

Kamakailan, inamin mismo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mayroong ghost projects sa militar. Noong Dis. 2, iniulat ng AFP na 252 sa kanilang mga proyektong imprastruktura ang pinondohan ngunit hindi kailanman naipatupad.

Sa halip na kaunlaran, ang pondo ay nagiging gasolina para sa “makina ng panunupil”.

Sa Mountain Province, gamit na gamit ang taktikang “whole-of-nation approach” para ipitin ang mga aktibista at kanilang mga pamilya.

Talamak ang recycling ng mga “surrenderee” sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) para lamang makakubra ng pabuya. Sa mga bayan ng Natonin, Bauko, Tadian at Besao, nasa 25 sibilyan ang iprinisenta bilang mga “sumuko.”

Naging matingkad din ang koneksiyon ng korupsiyon at red-tagging. Ang red-tagging ay ginagamit na sandata para patahimikin ang sinumang tumututol sa mga proyekto o nagtatanong sa katiwalian sa pamamagitan ng gawa-gawang pagpaparatang at pag-uugnay sa mga komunista.

Sa Kalinga, winasak ng red-tagging ang “innabuyog” o sistema ng pagtutulungan ng mga residente. Ang “innabuyog” ay isang katutubong kaugalian ng bayanihan na nagbubuklod sa komunidad, ngunit pilit itong sinisira ng militar dahil sa hinalang ginagamit ito ng mga rebelde.

Sapilitang pinabuwag ng militar ang Maluda, isang organisasyon ng mga magsasaka sa Pinukpuk, Kalinga at pinapirma ang mga magsasaka ng oath of allegiance kapalit ng ipinangakong proyekto.

Sa mismong ikapitong taon ng pagkakatatag ng NTF-Elcac noong Dis. 4, muling nanawagan ang grupong Karapatan sa harap ng tanggapan ng Department of the Interior and Local Government na buwagin na ang mapanupil na ahensiya.

“Sayang ang napakalaking pondong inilalaan dito,” ani Jonila Castro ng Kalikasan People’s Network for the Environment na dinukot ng militar noong 2023 sa Bataan. Aniya, ang totoong priyoridad ng administrasyon ay supilin ang paglaban ng mamamayan sa halip na pondohan ang serbisyong panlipunan.

Sa tala ng Karapatan, nasa 11 milyong indibidwal ang apektado ng harassment at intimidasyon. Labing-apat na katao na rin ang naitalang sapilitang iwinala ng estado, kabilang ang pinakahuling biktima na si Gary Buban, isang researcher at agriculturist na nawala sa Camarines Sur noong Nob. 28.

Para kay Kej Andres ng Student Christian Movement of the Philippines, malinaw na si Marcos Jr. ang dapat singilin.

“Si Marcos Jr., bilang commander-in-chief ng AFP at chairperson ng NTF-Elcac, ang responsable sa katiwalian at abuso na nagaganap sa ilalim ng mga ahensiya at programang ito,” aniya.