Editoryal

Pagsikil sa mga karapatan, planado’t koordinado


Ngayong matindi ang pampolitika at pang-ekonomiyang krisis, hindi mapipigilan ng anumang dahas ng estado ang mamamayang Pilipino na labanan ang gobyernong hindi tumutugon sa kanilang mga matagal nang hinaing.

Sunod-sunod sa nagdaang mga linggo ang mababangis at masasahol na atake ng mga puwersa ng estado sa mga karapatan ng mamamayan. Kasama dito ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso, ilegal na pag-aresto, pagdukot at sapilitang pagkawala, walang habas na pambobomba at walang awang pamamaslang.

Sa tala ng bantay-karapatang pantao na Karapatan, nasa 240,000 ang biktima ng panunupil at pandarahas ng estado mula Disyembre 2024. Kabilang dito ang 40 biktima ng pamamaslang, 34 na ilegal na pagdukot at higit 300 na kaso ng tortyur.

Hindi ito nagkataon lang, kundi koordinado at plinanong maigi sa ilalim ng National Action Plan on Unity, Peace and Development 2025-2028 (NAP-UPD) matapos lagdaan ni noo’y Executive Secretary Lucas Bersamin sa pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Memorandum Circular No. 83 noong Mayo 2, 2025.

Para ipatupad ang nasabing plano, kukuha ito ng pondo mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at pamahalaang lokal. Kabilang dito ang nakakalulang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) para sa Barangay Development Program na may kabuuang P8.1 bilyon o P10 milyon para sa bawat barangay sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.

Nagpahayag ng pagkabahala at pagkondena ang mga tanggol-karapatan sa NAP-UPD. Anila, isang “recycled” na counter-insurgency program ang nasabing plano na magpapalakas sa NTF-Elcac na malaon nang binabatikos sa red-tagging, ilegal na aresto, sapilitang pagkawala, pamamaslang at iba pang pag-abuso at paglabag sa mga karapatang pantao.

Walang sinisino ang mga ahente’t puwersa ng estado. Aktibista, kritiko, unyonista, abogado, mamamahayag, taong simbahan, tanggol-kalikasan, manggagawang pangkaunlaran at iba pang may malasakit at tumutulong sa naghihirap na mamamayan ang palagiang puntirya.

Liban pa rito ang pagsalakay at pambobomba sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo sa kanayunan para umano tugisin ang mga mandirigma ng New People’s Army (NPA) na patuloy na naglulunsad ng rebolusyon laban sa pamahalaan dahil sa hindi nalulutas na matinding kahirapan ng sambayanan at pagyurak sa mga karapatan.

Ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers, pinag-iibayo ng NAP-UPD ang kriminalisasyon ng pagkakaisa ng mamamayan, pinarurusahan ang pag-agapay at gawaing pangkaunlaran, at pinasasama ang prinsipyadong paglaban bilang “terorismo.”

Dagdag pa ng grupo ng mga manananggol, umiiwas sa usapang pangkapayapaan at nagbubulag-bulagan ang NAP-UPD sa mga suliranin ng kawalan ng lupa, kawalang ng trabaho, panunupil at sistemikong kapabayaan na mga ugat ng armadong pakikibaka ng mamamayan.

Halos walang pagkakaiba ang NAP-UPD sa mga naunang kampanyang kontra-insurhensiya ng mga nagdaang rehimen. Kung may pagkakaiba man, mas kasuklam-suklam at karimarimarim ang mga pamamaraan at resulta ng bawat kampanya laban sa mamamayang Pilipino.

Mula sa Oplan Katatagan ni Marcos Sr., Oplan Lambat Bitag I hanggang IV nina Corazon Aquino at Fidel Ramos, All-Out War Policy ni Joseph Estrada, Oplan Bantay Laya I at II ni Gloria Macapagal-Arroyo, Oplan Bayanihan ni Benigno Aquino III, Oplan Kapayapaan ni Rodrigo Duterte at hanggang sa NAP-UPD ni Marcos Jr., nakasunod ito sa dikta ng United States sa giya at suporta ng mga ahensiya nito tulad ng Department of State, Department of Defense at Central Intelligence Agency.

Ngunit sa kabila ng mababangis na kampanyang ito para umano puksain at tuldukan ang armadong paglaban ng masa sa nagdaang apat at kalahating dekada, nanatiling nakatindig ang mga sonang gerilya ng NPA sa gabay ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa maraming bahagi ng kapuluan.

Tinawag ng CPP na “de facto na batas militar” ang ginagawang paniniil at pang-aapi ng Armed Forces of the Philippines, kasabwat ang NTF-Elcac, sa mamamayan sa daan-daang barangay sa bansa, sa balangkas ng NAP-UPD.

“Pangunahing target ng pasistang rehimeng US-Marcos [Jr.] ang mga grupo o [puwersang] aktibo sa pagtatanggol sa karapatan ng masang magsasaka at manggagawa, at nagsusulong ng pambansa at demokratikong hangarin ng bayan,” sabi ng CPP.

Kahit walang NAP-UPD, magpapatuloy ang mga puwersa ng gobyerno sa pagpapahirap at pang-aabuso sa mamamayan. Nakaukilkil na sa kanilang mga kokote at sa mismong pasistang institusyon ng militar ang pagiging utak-pulbura.

Ngayong matindi ang pampolitika at pang-ekonomiyang krisis, hindi mapipigilan ng anumang dahas ng estado ang mamamayang Pilipino na labanan ang gobyernong hindi tumutugon sa kanilang mga matagal nang hinaing.

Sa lumulubhang kalagayan at patong-patong na problema ng lipunang Pilipino, hindi nakapagtataka na dumarami ang nagpapasyang tumangan ng armas at lumahok sa rebolusyon.