Mga grupo sa NCR, dumulog sa CHR vs red-tagging, militarisasyon


Nagsampa ng reklamo sa Commission on Human Rights ang mga residente at grupo mula sa Kamaynilaan kaugnay ng red-tagging, harassment at iba pang paglabag sa mga karapatang pantao.

Nagsampa ng reklamo sa Commission on Human Rights (CHR) ang mga residente at grupo mula sa National Capital Region (NCR) noong Hulyo 16 kaugnay ng red-tagging, harassment at iba pang paglabag sa mga karapatang pantao.

Pinangunahan ng Karapatan NCR ang pagsasampa ng mga reklamo laban sa mga kinauukulang ahensiya at elemento ng estado,  bahagi ng kampanya para sa Human Rights Defenders Protection Ordinance (HRDPO) sa mga pamahalaang lokal ng rehiyon.

Ayon kay Gabrielle Vistan, coordinator ng Karapatan NCR, magkakaugnay ang mga reklamong kanilang inihain matapos ideklara ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang NCR bilang “ground zero” ng programang kontra-insurhensiya.

Aniya, kasunod nito ang paglawak ng mga operasyon ng militar sa mga komunidad at paaralan.

“Napakaraming anyo ng red-tagging sa NCR na humahantong sa surveillance, intimidation, harassment hanggang sa mga ilegal na pag-aresto,” ani Vistan.

Kabilang sa mga naghain ng reklamo ang mga residente ng Agora Compound 2 sa Barangay Sto. Niño, Marikina City na tumutol sa anila’y “pakitang-taong serbisyo” ng 12th Civil-Military Operations (CMO) Battalion ng Philippine Army sa kanilang komunidad.

Isa si Joy, hindi niya tunay na pangalan, sa mga nagsampa ng reklamo matapos mamaga ang kaniyang ngipin kasunod ng pagpapabunot sa medical mission ng 12th CMO sa Agora. Aniya, naging rason pa ito nang hindi niya pagpasok sa trabaho nang dalawang linggo. Ayon sa ulat, hindi lang siya ang residenteng nakaranas ng maling pagkabunot ng ngipin.

Nanawagan ang mga taga-Agora na alisin ang presensiya ng militar sa kanilang komunidad, lalo na habang kinakaharap ng mga residente ang banta ng demolisyon. 

Nanawagan si Elizabeth Maynigo, pangulo ng Samahan ng Magkakapitbahay sa Agora 2, na itigil ang operasyon ng 12th CMO Battalion sa kanilang komunidad sa kilos-protesta sa harap ng CHR noong Hulyo 16. Janna Capule/Pinoy Weekly

Ayon kay Vistan, ikatlong lungsod na sa NCR ang Marikina City na nakaranas ng operasyon ng militar sa mga komunidad matapos ang mga naunang ulat sa Tondo, Maynila at Caloocan City.

Naghain din ng reklamo ang mga lider-estudyante at organisador mula sa Taguig City kaugnay ng online red-tagging at harassment.

Kabilang sa mga nagsampa ng reklamo sina Kashmir Cabides ng Action Taguig Against Korapsyon at Kamilah Joie Cabra, pangulo ng Polytechnic University of the Philippines Taguig Central Student Council (PUP Taguig CSC)

Hawak nina Kashmir Cabides (kaliwa) at Kamilah Joie Cabra (kanan) ang fact sheet ng kanilang reklamo laban sa “Taguig Unlimited” sa harap ng CHR. Janna Capule/Pinoy Weekly

Ayon kay Vistan, naging target sila ng mga online post na nag-uugnay sa kanila sa armadong kilusan na mapanganib sa kanilang seguridad.

Ayon sa PUP Taguig CSC, noong Hunyo 8, naglabas ang Facebook page na “Taguig Unlimited” ng mga post na nag-uugnay sa ilang estudyante at alumni ng PUP Taguig sa Communist Party of the Philippines at armadong pakikibaka. Bagaman naalis ang post matapos ang malawakang pag-re-report, iniulat ng konseho na muling naglabas ang pahina ng kaparehong mga larawan nang may ibang nilalaman.

Kasama rin sa mga naghain ng reklamo si Emman, hindi niya tunay na pangalan, kaugnay ng pang-aabuso ng pulisya.

Ayon sa Karapatan NCR, sinakal at pinagbinantaan ng isang pulis ng Manila Police District si Emman noong Oktubre 2025 sa Pandacan, Maynila. Dagdag ni Vistan, hindi umusad ang mga reklamong inihain ni Emman sa piskalya at National Police Commission.

Samantala, naghain naman ng reklamo si Aldrin Kitsune ng Kalayaan Kontra Korapsyon hinggil sa “legal harassment” matapos siyang maharap sa banta ng kasong sedisyon na isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police kaugnay ng pagdodokumento niya sa protesta laban sa katiwalian noong Set. 21, 2025.

Sa kasalukuyan, may umiiral nang HRDPO sa Quezon City habang isinusulong pa ng Karapatan NCR ang mga panukalang ordinansa sa Maynila at Parañaque City.

Para sa papalapit na State of the Nation Address (SONA), hinamon ni Vistan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itigil ang programa ng militarisasyon sa NCR at buong Pilipinas at harapin ang ugat ng mga suliraning panlipunan na kinakaharap ng mga mamamayan.