FEATURED

CHR, hinimok na imbestigahan ang ‘Himamaylan Massacre’


Mariin ding kinondena ng mga organisasyon ng mga magsasaka at progresibong grupo ang pagpasalang sa pamilya Fausto sa kanilang tahanan sa Himamaylan City, Negros Occidental.

Nanawagan ang iba’t ibang progresibong grupo sa Commission on Human Rights na imbestigahan ang pagpaslang sa pamilya Fausto sa isang pagkilos noong Hunyo 17 sa Quezon City. Larawan mula sa Umani Productions.

Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Tanggol Magsasaka sa Commission on Human Rights (CHR) na imbestigahan ang nangyaring pagpatay sa apat na miyembro ng pamilya Fausto sa Himamaylan City, Negros Occidental.

Gabi ng Hunyo 14 nang walang habas na pinagbabaril sa kanilang tahanan ang inang si Emilda Fausto, edad 50, at mga anak na sina Ben, 15, at Rabin, 12, habang natagpuan namang patay ang padre de pamilyang si Rolly Fausto, 55, sa tubuhan malapit sa kanilang bahay.

Mariin ding kinondena ng grupong National Network of Agrarian Reform Advocates Youth (NNARA-Youth) ang karumaldumal na pagmasaker sa pamilya.

“Na-ransack pa ng Philippine Army ang kanilang kubo noong gabi ng masaker habang inaakusahan sila bilang supporter ng NPA (New People’s Army). Walang ibang motibo at ganansya sa pagmasaker sa pamilyang Fausto kung hindi ang militar na hindi tinantanan ang pamilya sa paniniktik at pananakot,” ani NNARA-Youth spokesperson Marina Cavan.

Bago pa man ang nasabing masaker, biktima na ang pamilya ng sunod-sunod na red-tagging, physical at mental torture, grave coercion at illegal search mula sa mga ahente ng estado.

Kabilang si Emilda sa grupong Baklayan, Bito, Cabagal Farmers Association (Babicafa), organisasyong binubuo ng mga manggagawang bukid na kinikilala ng Department of Labor and Employment at lokal na pamahalaan ng Himamaylan City. Miyembro rin ang pamilya ng Iglesia Filipina Independiente na biktima rin ng red-tagging.

Nagpahayag din ng pagkondena ang Special Office for the Protection of Children of the National Democratic Front of the Philippines (SOPC-NDFP) sa nangyaring walang awang pagpaslang sa pamilya kabilang ang dalawang menor de edad na sina Ben at Rabin Fausto.

Ayon sa pahayag ng SOPC-NDFP, malinaw na nilabag ng militar ang international humanitarian law sa pagpaslang sa dalawang bata. Sa tala ng NDFP, may 22 kaso ng karahasan ng estado laban sa mga bata at kabataan mula 2020 hanggang 2022.

“Lumipas na ang rehimeng Duterte, pero nanatili ang karahasan ng Memorandum Order 32,” sabi ni Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (Uma) chairperson Ariel Casilao.

Nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Memorandum Order 32 noong 2018 upang atasan ang Department of the Interior and Local Government na makipag-ugnayan sa militar at pulisya para sa agarang deployment ng mga puwersa sa pagsugpo sa “lawless violence” at “acts of terror” sa Samar, Bicol at Negros.

Nagresulta ang pagpapatupad ng nasabing kautusan ng maraming paglabag sa mga karapatang pantao ng mamamayan sa mga nasabing lugar.

Patuloy na nananawagan ang iba pang grupo kabilang ang Uma sa CHR na sipatin ang kamay ng mga militar sa panibagong masaker na nangyari sa isla. Iginiit din ng mga grupo ng magsasaka sa pamahalaan na tuluyang ibasura ang Memorandum Order 32.