‘Toboso 19,’ maaaring pinaslang na walang laban
Posibleng pinatay nang walang kalaban-laban ang limang sibilyang biktima ng masaker sa Toboso, Negros Occidental ayon sa paunang resulta ng autopsy ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun sa mga labi.
Posibleng pinatay nang walang kalaban-laban gamit ang mataas na kalibre ng baril ang limang biktima ng masaker sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19 ayon sa paunang resulta ng autopsy ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun sa mga labi.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), nagkaroon umano ng engkuwentro ang militar at mga rebelde sa Barangay Salamanca sa nasabing bayan. Ngunit batay sa imbestigasyon ng grupong Karapatan, siyam ang sibilyan at 10 ang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi sa insidente.
Kabilang sa mga sibilyan ang lider-estudyanteng si Alyssa Alano, community journalist na si RJ Nichole Ledesma, mga tanggol-magsasaka na sina Maureen Santuyo at Errol Wendel at mga aktibistang Pilipino-Amerikano na sina Lyle Prijoles at Kai Sorem.
Ibinahagi ni Fortun na sa limang katawang sinuri niya, dalawa ang babae at tatlo ang lalaki na nasa edad 22 hanggang 40. Dalawa sa kanila ang nakitaan na ng senyales ng pagkaagnas dahil natagalan bago maiahon sa tubig.
Isinagawa ang autopsy sa mga labi ayon sa hiling ng kani-kanilang pamilya. Dumating ang unang labi noong Abril 24, sumunod ang dalawa noong Abril 28 at ang huling dalawang katawan kinabukasan. Dahil sa dami ng tama ng bawat biktima, naitala na tatlo sa kanila ang nagtamo ng bala sa ulo, lima sa itaas na bahagi ng katawan at tatlo sa ibabang bahagi.
Ayon kay Fortun, kapareho sa ginagamit ng militar, tulad ng riple, ang mga nakuhang bala. Maaari sanang matukoy ang mga ito, ngunit mahirap nang isailalim pa sa eksaminisasyon dahil sa kapalpakan ng sistema ng imbestigasyon sa bansa.
“In the first place, all of these cases should’ve undergone basic homicide investigation, which means CSI (crime scene investigation) pa lang mayroon nang [datos],” giit ni Fortun.
‘Walang sistema’
Pinuna ng doktor ang kondisyon ng mga labi na walang mga kasuotan at inilagay lang sa plastik. Wala ring pagkakakilanlan o pangalan ang ilan sa mga ito.
Mula sa sinuring katawan ni Fortun, isa ang nakabalot ng plastik ang buong katawan, habang may isang mukhang matagal bago naiahon mula sa tubig. Dalawa naman sa mga balot ng damit ang may maling pangalan at isa ang walang indikasyon ng pagkakakilanlan.
“It’s inevitable to make mistakes kung wala kang sistema,” ani Fortun sa pagdodokumento ng insidente at pangangasiwa sa mga labi.
Idiniin din ni Fortun ang pangangailangan ng independiyenteng imbestigasyon sa Toboso 19, lalo na dahil sa mga paratang na nagtatanim ang militar ng ebidensiya tulad ng mga baril o vest na hindi nakarating sa espesyalista.
“‘Yan ang problema sa Pilipinas e. ‘Yong pumatay ang nag-iimbestiga or sila ‘yong in control of everything,” aniya.
Dagdag pa niya, hindi nakabatay sa siyensiya ang pagtingin ng ilan sa mga kasong tulad nito, kaya’t wala ring nagtatanong ng mga nararapat na tanong.
Maling identidad
Inilantad din ni Fortun na maling bangkay na ibinigay ng militar sa pamilya ni Errol Wendel. Hindi tugma ang tangkad, ngipin at peklat sa katawan ni Wendel. Nanawagan siya na maisauli ang mga labi sa pamilya.
“My appeal to the families, tulungan ho ninyo ‘yong pamilya na namatayan din. Kasi, sabi ko sa kanila, it will not make sense if you retrieve this body which is not yours.”
Sinabi ni Fortun ng huwag muna i-cremate o ipaembalsamo ang mga katawan upang masuri pa.
Aniya, idinaing ng ilang pamilya na hindi man lang ipinakita ng mga pulis sa kanila ang mukha ng mga biktima. Sinabihan na lang umano sila na iyon ang kanilang nawawalang kaanak bago inabot ang mga labi.
“Some of the families said we were never shown the face, we were never told what was the basis, we were just told that that is our missing relative,” ani Fortu
Inusisa din ni Fortun ang napakalawak at hindi espisipikong sanhi ng pagkamatay sa mga death certificate. Nakalagay lang aniya rito ay “gunshot wound,” kaya kailangan pa itong iharap sa korte upang maiwasto at madetalye.
Tao rin
Bukod sa kakulangan ng tamang sistema, pinalutang din ni Fortun ang posibilidad na hindi nanlaban ang ilang nasangkot sa umano’y palitan ng putok dahil sa mga natamong sugat.
Aniya, isang babaeng biktima ang unang tinamaan ng bala sa hita, na nasundan ng tatlo pang bala sa kaniyang likuran. Indikasyon umano ito na natumba na ang babae mula sa unang tama at sadyang binalikan pa upang siguraduhing patay na.
“This is homicide. May pumatay e,” sabi ni Fortun.
Binuweltahan din ni Fortun ang kumakalat na panlalait online, kung saan inihahalintulad ng ilan ang hitsura ng mga duguang nasawi sa “corned beef.”
“They don’t look anything like corned beef. I’ve seen a lot of dead bodies. You know what they look like? Tao. People. People with injuries. People who were killed, and that could be you,” aniya.
Dagdag pa niya na dapat igalang ang mga patay, lalo na ang mga biktima ng pandarahas. “Everybody please step up, nakakahiya naman kayo,” paalala niya.
Panawagan sa hustisya

“I’m angry. I think it’s 19 lives that were taken. And I think everyone should be angry as well,” wika ni Marienne Cuison, asawa ni Prijoles na bumiyahe pa mula California, United States para maiuwi ang mga labi.
Ikinabahala rin ni Cuison ang inilabas na pahayag ng US Embassy na nagpapayo sa mga Pilipino-Amerikano na lumayo sa mga lugar tulad ng Negros Occidental dahil sa banta sa seguridad kasunod ng masaker.
Ayon naman kay Julianne Agpalo ng National Union of Peoples’ Lawyers, magkakaroon ng paglilinaw sa datos at paghahanap ng tamang labi para sa mga pamilyang nakakuha ng maling katawan sa tulong ng Commission on Human Rights.
Patuloy na igigiit ng mga kaanak ng biktima, abogado at tanggol-karapatan ng independiyenteng imbestigasyon sa insidente at panagutin ang mga may sala sa mga pamamaslang.