Pagkilala na malayo sa realidad ng mga bata
Tanggal na ang Pilipinas sa listahan ng mga bansa na may malubhang paglabag sa karapatan ng mga bata. Ngunit, ayon sa mga tanggol-bata, hindi naiuulat nang maayos ang mga kaso kaya nagmukhang bumuti ang kalagayan.
Nitong Marso 24, 2026, natanggap ng Pilipinas ang isang maganda sanang balita matapos ang 22 taon—tinanggal na ang Pilipinas mula sa listahan ng United Nations (UN) ng mga bansa na may malubhang paglabag sa mga karapatan ng mga bata kaugnay sa armadong tunggalian.
Ibig sabihin nito, kinikilala ng UN na may makabuluhang pagpapabuti sa pagpapatupad ng mga batas para sa proteksiyon ng mga bata.
Ang pagkilalang ito’y tinanggap ng Commission on Human Rights. Itinuring ng komisyon na isang “milestone” ang naging progresong ito. Sabi nila, ito’y bunga ng koordinasyon ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
“Tinitiyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang mga batang nakakasalamuha nila sa kanilang mga operasyon ay itinuturing na mga biktima at may mga karapatang taglay. Pinangungunahan naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pangangalaga, kustodiya at pagre-refer sa mga bata, na kinikilala bilang mga nakaligtas na nangangailangan ng proteksyon at rehabilitasyon. Naglabas din ang Department of Education (DepEd) ng mga alituntunin na nagtataguyod sa mga paaralan bilang Zone of Peace at nagbabawal sa paggamit ng mga ito para sa layung pang-militar,” pahayag ng CHR sa Ingles.
Ngunit ano ba talaga ang tinutungtungan ng pagkilala na ito?
Taliwas sa naging pagtanggap ng CHR sa pagkilalang ito, naalarma ang mga tanggol-bata. Nananatili pa rin anila ang mga malubhang paglabag sa mga karapatan ng mga bata ngunit hindi lang ito naitatala nang maayos dahil sa hindi epektibo at aksesibleng mekanismo ng pag-uulat.
Ang hindi pag-uulat nang maayos ay dala ng takot ng mga pamilya na makaranas ng pagganti mula sa mga militar.
Hanggang ngayon, naglipana pa ring ang mga sundalo sa mga sibilyang komunidad. Nagdudulot ang presensiyang militar ng takot sa mga residente dahil talamak ang mga insidente ng red-tagging at pag-aaresto nila nang walang warrant.
Nitong Abril 20 lang, iniulat ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns ang nagpapatuloy na paghahasik ng lagim ng AFP sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Sa kanilang pahayag, sinabi nilang sapilitang pinapasuko sina Emman Yanay, 17, at Mercel Yanay, 15, sa 19th Infantry Battalion Headquarters para mapalitaw ang kanilang ama na si Edwar Yanay na isang magsasaka at matagal nang pinaparatangang may kaugnayan sa rebolusyunaryong kilusan sa kanilang lugar.
Sabi pa ng grupo, matagal nang binabalik-balikan ng mga sundalo ang pamilya Yanay habang gumagamit umano ang mga ito ng gawa-gawang pangalan para puwersahing magbigay ng impormasyon ang pamilya tungkol sa kinaroroonan ni Edwar.
“Walang karapatan mag-interrogate o mamilit ng kahit sinuman lalo ng mga inosenteng bata na pumunta sa headquarters lalo at hindi sila hukuman o walang kapangyarihan na magpasya sa mga bagay na ang mga hukuman lang ang maaaring gumawa kabilang ang pagpapatunay na terorista ang isang tao,” pahayag ng Salinlahi.
Kaya anila, “Kailangan managot ng 19th Infantry Batallion sa labis-labis na trauma na idinulot sa batang magkapatid na Yanay at itigil ang pag-ooperasyon sa mga sibilyan sa ngalan ng kontra-insurhensiya.”
Sa artikulo na inilathala ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), nakakaranas ng trauma ang mga batang naninirahan sa gitna ng militarisasyon. Kadalasan nilang kinakaharap ang pambobomba sa kanilang komunidad, sapilitang pagpapaalis sa kanilang mga tahanan at pagpatay sa kanilang mga mahal sa buhay.
Napag-alaman ng ICHRP sa kanilang fact-finding mission noong 2023 na ginagamit ng militar ng United States at Pilipinas ang mga klasrum sa panahon ng Balikatan joint military exercises.
Ang mga insidenteng ito’y nagdadala sa mga residente ng pagkatakot at pagkabahala lalo na’t ang espasyong ginagagamit ng militar ay dapat na nakalaan para sa mga bata. Ipinagbabawal din sa pandaigdigang batas ang paggamit ng mga armadong puwersa sa mga sibilyang institusyon at imprastruktura.
Hindi maaaring tanggapin bilang tunay na progreso ang rekognisyon ng pagkakatanggal ng Pilipinas sa listahan ng UN sa malulubhang paglabag sa mga karapatan ng mga bata sa konteksto ng armadong tunggalian kung hindi naman ito tumutugma sa aktuwal na kalagayan ng mga bata sa komunidad.
“Karapatan nilang mamuhay nang walang nararamdamang takot at nararanasang karahasan,” pahayag ng ICHRP.