Makamasa, makabayan, siyentipikong edukasyon para sa mga bata

Hanggang ngayon, patuloy ang Parent’s Alternative on Early Childhood Care and Development, Inc. para magbigay ng edukasyon sa mga anak ng mga full-time na manggagawang pangkaunlaran.

Sa kauna-unahang paglunsad ng summer class ng Bahay Lunduyan Learning Center (BLLC) noong Mayo 4 hanggang 27, patuloy na hinasa ang kasanayan ng mga bata sa pagsulat, pagbasa, paglikha, pakikisama at pagiging kritikal sa mga isyung panlipunan.

Isa lang sa mga laboratory school ng Parent’s Alternative on Early Childhood Care and Development, Inc. (PAECCDI) ang BLLC. Naitatag ito noong 1980 bilang tugon sa mga pangangailangan ng mga anak ng mga bilanggong politikal at mga biktima ng extrajudicial killing sa panahon ng batas militar ni Ferdinand Marcos Sr. 

Ang Executive Director na si Nel Artisuela sa pagtatapos ng programa para sa Summer Class 2026. Marty Apuhin/Pinoy Weekly

Hanggang ngayon, patuloy ang organisasyon para magbigay ng edukasyon sa mga anak ng mga full-time na manggagawang pangkaunlaran mula sa iba’t ibang sektor.

Binigyang-diin ni PAECCDI executive director Nel Artisuela ang kahalagahan ng paglalaro at pakikisama bilang gabay sa pag-unlad ng kasanayan at kaalaman ng isang bata tungkol sa kanilang sarili, komunidad at lipunan.

“Kaya naman naglunsad kami ng summer class ay para pagkatapos ng school year, may ginagawa din ang mga bata,” ani Artisuela. “At siyempre, para matulungan ang kanilang mga magulang sa tuloy-tuloy nilang gawain. Mas magandang maunawaan ng mga bata ang trabaho ng mga magulang nila.”

Isa sa mga manunulat na nakikipaglaro sa isang mag-aaral. Marty Apuhin/Pinoy Weekly

Dagdag ni Artisuela, ang kanilang pagtuturo sa mga bata ay nakahango sa MMS o ang Makamasa, Makabayan at Siyentipikong edukasyon. Sa ganitong anyo ng pag-aaral, mas mabilis ang pagkatuto at pag-unlad ng mga bata gamit ang limang pandama habang natututuhan din nilang maging mabuting mamamayan.

Ibinida rin ng BLLC ang estilo ng pag-aaral sa paraan ng praktikal na aplikasyon kung saan hindi lang pinapagana ang utak ng bata mag-isip kundi aktibo silang nakikilahok sa pinag-aaralang paksa. Sa murang edad, tinuturuan at sinasanay silang makipamuhay at makipagkuwentahan sa mga magsasaka, mga nanininda sa palengke at mga tsuper.

Ang mga manunulat na nakikipaglaro sa mga mag-aaral ng Bahay Lunduyan Learning Center. Marty Apuhin/Pinoy Weekly

“[The best talaga sa pag-aaral] ang pakikipamuhay at pakikisalamuha, kaya nga may isang aktibidad kami at nagpunta kami sa mga magsasaka. Last year ito, pumunta kami sa Pook Aguinaldo bilang bahagi sa aming kurikulum, hindi nakapagtanim [ang mga bata] kasi kaka-harvest lang. So ang ginawa ng mga bata ay nagdamo-damo, nilakad namin ‘yong pilapil, hulog-hulog sila, ang saya-saya nila, [at] marami silang insektong nakita,” ani Artisuela.

Bukas ang enrolment ng BLLC para sa lahat ng mga magulang na may batang nasa edad na 3-6. Ihanda ang photocopy ng Birth Certificate at 2×2 ID picture. Para sa karagdagang detalye sa enrolment, bumisita sa Facebook page ng Parent’s Alternative on Early Childhood Care and Development Inc.