Alaala ng pagkabata sa mga larong Pinoy
Para muling ipakilala ang mga na larong kalye, narito ang ilan sa mga hindi malilimutang laro na tiyak na magpapaalala sa ating pagkabata.
Isa sa hindi malilimutang bahagi ng ating pagkabata ang mga larong Pinoy na unang sumubok sa ating lakas at husay. Saksi ang kalye sa ating pakikipagtagisan sa mga kaibigan na nakasama natin sa mga hiyawan, tawanan at kuwentuhan. Isang simpleng lugar ngunit punong-puno ng mga matatamis na alaala na kay sarap balikan.
Sa patuloy na modernisasyon ng mundo, hindi na larong kalye ang kinamulatan ng mga bata kundi ang mga laro gamit ang teknolohiya.
Sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga larong Pinoy sa bagong henerasyon, muli natin buhayin ang naglalahong kultura at ipamana ang magandang karanasang naidulot nito sa ating pagkabata.
Para muling ipakilala ang mga na larong kalye, narito ang ilan sa mga hindi malilimutang laro na tiyak na magpapaalala sa ating pagkabata.
Tumbang preso
Sinong hindi makalilimot sa tumbang preso na lata at tsinelas lang ang kailangan para makapaglaro? Dapat mapatumba ang lata na nasa sentro gamit ang tsinelas para makatakbo pabalik ang ibang manlalaro. Ang mahuhuli ng taya, siya ang susunod na taya na magbabantay sa mga manlalaro ng kabilang grupo.
Chinese garter
Kung pataasan ng talon, hindi magpapahuli ang Chinese garter na kailangan maabot mula paa hanggang sa ulo. Kailangan mapanatili sa pagitan ng mga binti ang garter habang tumatalon o ‘di kaya makatalon sa pagitan ng garter patungo sa kabilang bahagi. Ang hindi makakagawa sa grupo’y maaaring isalba ng kapwa miyembro at “mother” nito. Ngunit kung mabibigo, ang katunggaling grupo ang sunod na maglalaro.
Patintero
Diskarte naman ang labanan sa patintero kung saan nagbabantay sa mga linya ng parihaba ang kalaban na grupo. Kinakailangan makarating ang mga manlalaro mula sa simula hanggang sa dulong linya at makabalik sa pinagmulang puwesto nang hindi nahawawakan ng mga taya. Isa lang ang mataya, talo na agad ang grupo.
Piko
Galing sa pagbalanse at paghagis ng pato ang bida sa piko kung saan kailangang mahakbangan ang lahat ng kahon sa loob ng malaking parihaba na iginuhit sa kalsada o lupa. Hindi dapat maapakan ang kahon kung nasaan ang pato, matumba at maapakan ang linya. Ang matagumpay na makadadaan mula sa una hanggang sa huling bilang ay maaaring makapili ng kanilang bahay sa alinmang kahon sa pamamagitan ng paghahagis ng pato.
Luksong tinik, baka at lubid
Susubukin ng luksong tinik, baka at lubid ang iyong husay sa pagtalon ngunit nagkakaiba kung paano ito ginagawa.
Sa luksong tinik, kailangan mong tumalon sa magkakapatong na paa at kamay ng dalawang tao, habang sa luksong baka’y mismong taong nakakurba na animo’y pormang baka ang dapat na malundagan. Sa luksong lubid naman, dapat masabayan ang mabilis na pagpapaikot ng lubid habang tumatalon sa gitna.
Ang madidikit o sasabit sa tinik, baka o lubid ay matatalo at papalitan ng susunod na manlalaro.