Kumukuwestiyon sa legalidad ng Cybercrime Law, dumarami
Habang papalapit ang oral arguments sa Korte Suprema sa Enero 15, dumarami ang mga pagtitipon para kuwestiyunin ang pagiging constitutional (o sang-ayon sa Saligang Batas) ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Law of 2012 . Sa isang porum sa University of the Philippines-Diliman, inulit ni Harry Roque Jr., abogado, eksperto sa constitutional law at […]

Habang papalapit ang oral arguments sa Korte Suprema sa Enero 15, dumarami ang mga pagtitipon para kuwestiyunin ang pagiging constitutional (o sang-ayon sa Saligang Batas) ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Law of 2012 .
Sa isang porum sa University of the Philippines-Diliman, inulit ni Harry Roque Jr., abogado, eksperto sa constitutional law at isa sa limang lawyer-petitioners, na dapat lamang na marami ang kumwestiyon sa constitutionality ng RA 10175.
Sa oral arguments sa Korte Suprema, naatasan si Roque na talakayin ang Article 4c (4) ng RA 10175, hinggil sa nagpaparusa ng online libel. Sa naturang porum, inulit ni Roque na sabihin kung bakit kuwestiyonable ang naturang artikulo.
Halimbawa, aniya, napakahirap sabihin kung paano ang isang tao’y mayroong malice o masamang hangarin sa kanyang sinulat sa internet. Sinabi ni Roque na sa pangkalahatan, maaaring “ill will” o poot at “contempt” o paglait lamang ang ibig sabihin ng malice.
“Kung galit ka do’n sa taong ‘yun, maski katotohanan ang sinasabi mo, pupuwede ka pa ring maparusahan ng libel,” dagdag pa niya. At siyempre, ani Roque, hindi makatarungan ito.
Sa usapin naman ng cyber sex, sinabi ng abogado na plano niyang huwag na lang magdiskurso at sa halip, magpapakita na lamang siya ng mga larawang hubo’t hubad, pabiro niyang sinabi.
“Ang sasabihin ko, ang problema dito, sino ang magsasabi na itong larawan na ito na hubad-hubad ay lascivious at itong susunod na larawan ay hindi,” ani Roque.
Muli, walang malinaw na pamantayan umano ang batas – at malamang na magiging bulnerable ito sa abuso, laluna ng mga nasa kapangyarihan at mayayaman.
Diskarte sa korte
Sinabi pa ni Roque na gagawa silang mga abogado ng paraan para pahabain ang temporary restraining order (TRO) hanggang magkaroon ng resolusyon o desisyon ang korte.
“Pagkatapos po ng TRO, puwede na silang mandampot ng, o magkaso ang, ordinaryong mga mamamayan dahil sa pagpapatupad ng batas na ito. Diyan po papasok ngayon na hindi gagalaw ang institusyon kung hindi gagalaw ang mga mamamayan,” sabi pa ni Roque, na tila naghihimok sa publiko na lumahok sa mga protesta.
Samantala, tinuunan naman ng pansin ni JJ Disini, isa rin sa limang lawyer-petitioners, ang seksiyon 12 o ang real-time collection of traffic data. Sa naturang probisyon, may kapangyarihan ang Department of Justice na imonitor ang datos hinggil sa mga komunikasyon na dumadaan sa internet at sa information & communication technology – batay lamang sa reklamo o sa hinalang may ilegal na ginagawa ang naturang taong minomonitor.
Malamang umanong maaabuso rin ng mga nasa kapangyarihan, at ng mga malapit sa kanila, ang naturang kapangyarihang ibinigay ng RA 10175 sa mga awtoridad.
Maliban pa rito, sinabi ni Disini na maaaring mangulekta ng traffic data ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) kahit na walang search warrant.
“Kailangang usisain kung kailan sila magko-collect, kailan magche-check, gaano karami [ang] kukunin nila,” sabi pa ni Disini. Dagdag pa niya, walang privacy protection na naitatag ang Saligang Batas sa ganitong sitwasiyon.
Gayumpaman, sinabi ni Disini na inamyenda ng Kongreso ang Seksiyon 12 para pagbawalang mangulekta ng traffic data ang NBI at PNP nang walang court order.
Isa lang ito sa tila tingi-tinging pag-amyenda ng Kongreso, samantalang matagal nang itinutulak ng iba’t ibang grupo at sektor ang pagbasura sa mismong batas.
Panawagan sa pagkilos
Samantala, handang tumugon ang iba’t ibang sektor sa panawagang pagkilos laban sa Cybercrime Law.
Noong Biyernes, Enero 11, sinimulan na ng iba’t ibang grupo ng kabataan ang protesta sa harap ng Korte Suprema. Sa Enero 14 ng hapon, sisimulan nila ang isang vigil sa naturang lugar.
Ayon kay Cleve Arguelles, student regent ng University of the Philippines, “The Cybercrime Law, along with other policies of the present administration of (Pres. Benigno) Aquino III, has always been not serving the interest of his constituents, mainly us, the youth.”
Pinangunahan nina Vencer Crisostomo, pambansang tagapangulo ng Anakbayan, ang naturang Black Friday Protest sa Korte Suprema. Anila, sinisimbolo ng itim ang kamatayan sa kalayaan sa pamamahayag sa bansa kung magpapatuloy ang implementasyon ng RA 10175.
Panawagan nina Crisostomo: “Magsuot ng itim online and offline. Ang mga eskuwela, magput-up ng streamers, black streamers, magput-up ng black na materials, magsuot ng itim, ipakita natin ang paglaban sa ‘Cyber Martial Law’ ni Aquino.”
Mungkahi naman ng Computer Professionals’ Union (CPU), maliban sa paglalagay ng itim na profile picture sa social networking sites tulad ng Facebook, maaari rin nilang dungisan ang sarila nilang website bilang pagpapakita ng pagtutol sa Cybercrime Law.
Sinabi naman ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan, na dapat na punuin ang araw ng Enero 15 ng mga aktibidad at pagkatapos ng tanghalian.
“Ihatid ‘yong mga lawyers natin” papasok sa Korte Suprema, biglang pagkita ng suporta, ani Reyes.
Hindi umano dapat tantanan ang protesta, dahil sa paraang ito lamang mapapangalagaan ang ating mga karapatan – sa panahong mismong gobyerno ang sumisikil nito.