1 taon ng desisyon ng SC: Hacienda Luisita, di pa rin naipapamahagi
Isang taon nang napagtagumpayan ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang kanilang laban sa lupa sa Korte Suprema. Isang taon na, ngunit wala pa ring lupang naipapamahagi; wala pa ring pangako ng gobyernong Aquino ang natutupad. Mula Abril 24 hanggang 27, naglakbay ang mga magsasaka mula sa Tarlac patungong Maynila upang muling igiit ang pamamahagi […]
Isang taon nang napagtagumpayan ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang kanilang laban sa lupa sa Korte Suprema. Isang taon na, ngunit wala pa ring lupang naipapamahagi; wala pa ring pangako ng gobyernong Aquino ang natutupad.
Mula Abril 24 hanggang 27, naglakbay ang mga magsasaka mula sa Tarlac patungong Maynila upang muling igiit ang pamamahagi ng lupa, isang taon matapos magdesisyon dito ang korte pabor sa kanila. Pero hindi simpleng pamamahagi–kundi libreng pamamahagi ng lupa–ang kanilang panawagan.
Sa loob ng apat na araw, nagmartsa ang mahigit 250 na magsasaka, sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala) at United Luisita Workers Union (ULWU).
Ayon kay Lito Bais, tagapangulo ng ULWU, “long overdue” na ang pamamahagi ng lupaing mahigit anim na dekada nang nasa kamay ng pamilya Cojaungco-Aquino. Iginigiit nilang hindi sila dapat magbayad ng “ni isang kusing” sa gobyerno bilang amortisasyon, na umano’y isang paraan lamang sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (Carper) para maibalik ang asyenda sa kontrol ng mga panginoong maylupa.
Mainit na suporta
Sa ikatlong araw ng Lakbayan, dumaan ang mga magsasaka sa Angeles City kung saan sinuportahan at pinaghanda sila ng tutuluyan ng obispo ng Pampanga. Umani rin ng suporta ang mga magsasaka pagdating nila sa Bulacan, nang pinagalmusal at pinagmisa sila ng Diocese ng Malolos. Mula rito, nag-caravan na ang mga magsasaka patungong Monumento kung saan ipinagpatuloy nila ang martsa hanggang sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City.
Nang makarating ang grupo sa DAR bandang alas-siyete ng gabi noong Abril 26, makikita ang suporta ng iba’t ibang mga sektor ng lipunan na nakikiisa sa kanila. Mayroong mga nakihanay na maralitang lungsod galing pa sa Pampanga at Bulacan. Mayroon ring mag-anak na nakitang nakimartsa mula sa San Roque, isa sa mga lugar na idinedemolis sa QC.
May mga kabataang nakianib rin sa martsa, at sa Solidarity Night noong kinagabihan. Nagsipagtanghal ang mga estudyante mula sa Unibersidad ng Pilipinas, at iba pang progresibong mga banda, sa inorganisang maliit na konsiyerto. Mayroong ilang propesyunal, gaya ng mga doktor at nars, na nakisali sa kilos-protesta para sa tunay na repormang agraryo.
Lupa ng magsasaka, babawasan?
Ibinalita ng UMA ang umano’y bagong utos ni Pangulong Aquino at tiyuhin nitong si Peping Cojuangco sa DAR na “bawasan” ang erya ng lupaing ipapamahagi sa mga dating manggagawang-bukid. Sa isang pahayag, sinabi nitong iginigiit ng DAR na tanging ang mga produktibong bahagi ng 4,335 na ektarya ng asyenda lamang ang sasaklawin ng mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA), batay sa kanilang inspeksiyon.
Ayon sa UMA, wala ito sa desisyon ng Korte Suprema noong nakaraang taon. Inireklamo rin ng Ambala at ULWU na hindi sila isinama ng DAR sa umano’y “ocular inspection” na isinagawa sa asyenda noong Marso 8 hanggang 14. Si Cojuangco rin umano ang namuno sa isang pulong sa Max’s Restaurant bago ang nasabing inspeksiyon.
Nakapanayam ng Pinoy Weekly si Francisco Dizon, isang opisyal ng ULWU. Ilang taon na raw siyang nakikibaka para sa dapat umano’y libreng pamamahagi ng lupa sa kanila. Mapait ang alala niya sa mga panahong sumusuweldo siya ng P194.50 kada araw sa pabrika ng asukal, na kinakaltasan pa ng manedsment para sa kung anu-anong mga “benepisyo.” Samantalang ang natitira na lamang sa mga manggagawang-bukid ay P9.50 kada araw.
Sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema, nakikita niyang matatagalan pa ang pamamahagi ng lupa, at na madali itong mapapasakamay muli sa mga Cojuangco-Aquino kung magbabayad sila ng amortisasyon sa ilalim ng Carper. “Kaya’t nagtataka rin kami, bakit ganon?”
Taong 1957 nang mangutang ang pamilya Cojuangco sa GSIS at Central Bank para makuha ang Hacienda Luisita, sa kasunduang ibabalik ang lupain sa mga magsasaka sa loob ng 10 taon. Dumating ang termino ni dating pangulong Corazon Aquino at ipinasa ang CARP, ngunit ipinagkakait pa rin sa mga magsasaka ang lupaing binungkal pa ng kanilang mga ninuno.
Pagkatapos ng 35 na taon ng CARP, isinilang naman ang Carper dahil sa kabiguan mismo ng programa na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. Nakasaad sa Carper na sa loob ng 5 taon, dapat maipamahagi ang mga lupain sa pamamagitan ng amortisasyon. Nangangahulugang dapat hulugan ng mga magsasaka ang lupa upang tuluyan itong mapasakanila.
Dito umano nagkakaproblema ang mga magsasaka. Dahil sa halip na libreng ipamahagi ang lupa, binibigyan pa ng kaukulang kompensasyon ang mga panginoong maylupa. Dahil dito, nakakasela rin ang CLOA ng mga magsasaka na walang kakayahang magbayad ng taunang mortgage fee. Nadadagdagan pa ng interes ang kanilang prinsipal na binabayaran, kaya’t nababaon pa sila lalo sa utang.
Sa kaso ng Hacienda Luisita, hindi pa rin resolbadong usapin ang halaga ng ibabayad na kompensasyon ng gobyerno sa pamilya Cojuangco-Aquino.
“Ang DAR ngayon ay nagiging instrumento na lamang ng gobyerno at ng mga landowner, [kung saan] ang kanyang isang kamay ay namamahagi kuno ng lupa, [habang] sa kabilang kamay ay binabawi at kinakansela ang mga CLOA,” paliwanag ni Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon.
Kaya patuloy ang laban ng magsasaka, kasama ng kanilang mga tagasuporta, para sa libreng pamamahagi ng lupa sa Hacienda Luisita, ang nagpapatuloy na simbolo ng kabiguan ng gobyerno sa pagpapatupad ng reporma sa lupa.
Gayundin, ilalaban umano nila ang P1.33 Bilyon na inutos ng Korte Supremang ibigay sa mga magsasaka. Nagmula ang halagang ito sa pagbenta ng mga Cojuangco-Aquino sa mahigit 580 na ektarya ng asyenda. Ayon sa mga grupo, kapansin-pansin na nananatiling tahimik ang DAR at gobyernong Aquino hinggil sa usaping ito.