Mga kawani-pangkalusugan: Pork barrel ilaan sa mga ospital


Muling nanawagan ang mga kawaning pangkalusugan na tuluyang ibasura ng gobyerno ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel at ilaan ang pondo sa mga serbisyong panlipunan gaya ng ospital . Inihayag nila ito sa isang kilos protesta sa harapan ng Lung Center of the Philippines (LCP) ngayon. “Sobra na ang sistema ng pork […]

Piket ng health workers kontra pork barrel sa harap ng Lung Center. (Pher Pasion)
Piket ng health workers kontra pork barrel sa harap ng Lung Center. (Pher Pasion)
Piket ng health workers kontra pork barrel sa harap ng Lung Center. (Pher Pasion)

Muling nanawagan ang mga kawaning pangkalusugan na tuluyang ibasura ng gobyerno ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel at ilaan ang pondo sa mga serbisyong panlipunan gaya ng ospital .

Inihayag nila ito sa isang kilos protesta sa harapan ng Lung Center of the Philippines (LCP) ngayon.

“Sobra na ang sistema ng pork barrel! Sobra na ang gobyerno ni Aquino at DOH (Department of Health) sa kanilang mga kasinungalingan na walang sapat na pondo para sa mga serbisyong pangkalusugan!” ayon kay Eliazar Sobinsky, presidente ng LCP Employees Association-AHW (LCPEA-AHW).

Ayon kay Sobinsky, magagamit na ang P10 Bilyong halaga ng pork barrel para sa 50,000 serbisyo sa mahihirap na pasyenteng may sakit sa baga na may halagang P200,000 kada operasyon.

Nasa P173.4 Milyon lamang ang inilalaan ng gobyerno para sa mga pasyenteng mahihirap ng LCP, ayon sa naturang grupo. Mas mababa ang halagang ito sa pork barrel ng isang senador para sa buong taon.

Wala ring pagtaas na matatanggap sa badyet ng LCP para sa taong 2014, ayon sa AHW.

“Dapat tunay na manindigan si Aquino laban sa pork barrel. Simulan niyang tanggalin ang sarili niyang pork barrel at i-rechannel ito sa mga serbisyong panlipunan gaya sa mga ospital. Kailangang makita ni Aquino ang mahihirap na pasyente ng PHC na namamatay dahil wala silang pera para sa operasyon,” ayon kay Bonifacio Carmona, presidente ngg PHC Employees Association-AHW (PHCEA-AHW).

Kinakailangang gumastos ng humigit kumulang P100,000 para sa “patient’s share” ng mahihirap na pasyente para sa operasyon. Nasa P350,000 hanggang P600,000 ang halaga ng bawat operasyon sa PHC.

“Kinakailangang agarang ibasura ang pork barrel at ilaan ng direkta sa mga ospital para mas makapagligtas kami ng mga buhay lalo na ang mga mamamayang karamdaman sa kidney,” ayon kay Joey Espanillo, presidente ng National Kidney and Transplant Institute Employees Association-AHW (NKTIEA-AHW).

Nasa P5,000 hanggang P10,000 ang ibinabayad ng bawat charity kidney patient kada linggo para sa dialysis, o katumbas ng P480,000 kada taon. Kahit bahagi lamang ng P25-B pork barrel para sa 2014 ang direktang ilaan sa NKTI, libong buhay na ang maisasalba nitong pasyente.

Mababawasan ng 6.8 porsiyento ang pondong inilaan para sa NKTI na makakatanggap lamang ng P189-M sa 2014 mula halos P203-M ngayong taon.

“Ang laban para sa pork barrel ay laban para sa buhay at kalusugan ng ating mga mamamayan. Bilang nangunguna sa serbisyong pangkalusugan, kaisa kami sa laban ng mga mahihirap na Pilipino sa laban sa sisteman ng pork barrel at panawagan sa dagdag at sapat na pondo para sa serbisyong pangkalusugan,” ayon kay Carmona.

Napaghayag din ang AHW ng palahok sa protesta sa September 13 sa Luneta bilang pakikiisa sa labang tuluyang ibasura ang sistema ng pork barrel sa anumang porma o anyo nito at direktang ilaan ang pondo sa mga panlipunang serbisyo.