Mga ritmo ng kabayanihan


Ilang tala hinggil sa “Lean” ng UP Repertory Company at “The Guerrilla is a Poet” nina Sari at Kiri Dalena Pansin kong dumarami ngayon ang ipinapalabas na mga dokumentaryo’t TV specials na nagpapaalala sa atin sa kabayanihan ng mga Aquino. Noong ika-30 anibersaryo ng Ninoy Aquino assassination, nitong nakaraang anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar, […]

Ilang tala hinggil sa “Lean” ng UP Repertory Company at “The Guerrilla is a Poet” nina Sari at Kiri Dalena

Itaas: "The Guerrilla is a Poet"; Ibaba: "Lean"
Itaas: “The Guerrilla is a Poet”; Ibaba: “Lean”

Pansin kong dumarami ngayon ang ipinapalabas na mga dokumentaryo’t TV specials na nagpapaalala sa atin sa kabayanihan ng mga Aquino. Noong ika-30 anibersaryo ng Ninoy Aquino assassination, nitong nakaraang anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar, at tiyak sa susunod na anibersaryo ng unang People Power “revolution”, paulit-ulit na ipapaalala sa atin ang istatus sa kasaysayan ng mga Aquino bilang tagapagligtas ng bayan, noon at ngayon.

Tumpak ang timing ng mga pagpapaalalang ito. Sangkot ngayon ang administrasyon ni Noynoy Aquino sa korap na sistema ng pork barrel, habang nadadawit naman ang kapatid na si Ballsy sa isang tangkang extortion sa isang kompanyang Czekh. Samantala, walang mararamdamang pagbabago sa bansa; patuloy ang monopolyo ng iilang panginoon sa lupa, bumababa ang halaga ng sahod ng mga manggagawa, nagtataas ang mga bilihin. At di pa rin tunay na naipapamahagi sa mga magsasaka ang lupa sa Hacienda Luisita.

Ipinapaalala sa atin ng mga palabas na ito ang Aquino mystique: ang tila natural daw na kabayanihang dumadaloy sa dugo ng mga kaanak nito. Noong eleksiyong 2010, nangumbinsi ang manunulat na si Conrado de Quiros na iluklok si Noynoy sa Palasyo dahil, bilang Aquino, di raw ito gagawa ng anumang dudungis sa pangalan ng kanyang mga magulang. (Fast forward sa 2013: Kinain na kaya ni De Quiros ang mga salita niya?). Sa eleksiyon ngayong taon, kahit ang totoy na walang-karanasan-sa-pulitika na si Bambam Aquino, nagamit ang mystique para mapasok sa Senado. Kayo na, mga Aquino, kayo na.

Pero paano ba nagiging bayani?

Ito, palagay ko, ang sinagot kamakailan ng dalawang produksiyong pangkultura. Ang sabdyek ng dalawang produksiyong ito ay sina Leandro “Lean” Alejandro at Jose Maria “Joma” Sison, na kumakatawan din sa pagbabagong panlipunan na mas bagay na tawaging “rebolusyonaryo” kaysa sa pag-aalsa sa EDSA noong 1986. Si Lean, lider-aktibista na namuno sa paglaban ng kabataan noong dulong bahagi ng diktadurang Marcos, ay sabdyek ng muling pagtatanghal ng musical play na “Lean”, sinulat ng tanyag na kompositor at mang-aawit na si Gary Granada. Si Joma naman, na tumahak sa rebolusyonaryong landas na kasabay halos ng pag-usbong ng diktadurang Marcos, ang sabdyek ng pelikula na dinirehe ng progresibong filmmakers na sina Kiri at Sari Dalena.

Magkaiba man ang porma ng sining na ginamit sa dalawa, maganda rin ang timing na halos magkasabay na lumabas ang “Lean” sa teatro at “The Guerrilla is a Poet” sa sinehan. Sa unti-unting paglantad sa mito ng mga Aquino bilang tagapagligtas ng mga Pilipino, o sabi ng iba, bilang kampeon ng middle class, nakakatuwang nataon ang muling pagpapakilala sa dalawang personaheng nagkaroon ng susi o tanyag na tungkulin sa paglansag sa diktadura (bagamat hindi natin pinapareho ang ambag ni Lean sa ambag ni Joma).

Bagamat may indibidwal na kahanga-hangang mga katangian, ang punto ng dalawang palabas, at ang punto ng kabayanihan nina Joma at Lean, ay ang pagkakaugat nila sa isang malawak na kilusang makabayan — isang kilusan na isa sa batayang mga prinsipyo ay ang pagsalig sa kabayanihan ng karamihan, ng masa. Sila, ayon sa kanta ng mga aktibista noong panahong dekada’60, “ang siyang tunay na bayani.”

* * *

Vencer Crisostomo (kanan) bilang Lean at Chyrene Moncada bilang Lidy.
Vencer Crisostomo (kanan) bilang Lean at Chyrene Moncada bilang Lidy. (Macky Macaspac)

Una sa lahat, aaminin ko: Isa ako sa mga tumaas ang kilay sa balitang ire-restage ng UP Repertory Company (UP Rep) ang “Lean.” Mahabang kuwento; sabihin na lang nating para sa marami-rami ring aktibista noong dekada ’90 sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), kinatawan ni Lean Alejandro ang bahagi ng kilusang estudyante na noong dekadang iyo’y mistulang tumalikod sa militanteng paninindigan at pagkilos. Siyempre, mali ang pagtinging ito, dahil makikita sa mismong buhay ni Lean ang militansiyang tinalikuran ng sinasabing mga tagahanga niya sa Diliman noon. Militanteng aktibista si Lean, at bahagi ng tradisyon ng radikal na kilusan sa UP at sa bansa, aminin man ng mga tagahanga niya o hindi, ano man ang sabihin ng katsokaran ni G. Ricky Torre.

 Sa kanyang sanaysay hinggil kay Lean sa librong Serve the People: Ang Kasaysayan ng Radikal na Kilusan sa Unibersidad ng Pilipinas, ikinuwento ni Tess Vistro ang kanyang mga alaala kay Lean bilang lider-aktibista. “Bibo, palabati, palangiti at parating nakaabot ang kamay sa aktong pakikipagkamay,” ang ilan sa pagsasalarawan ni Vistro kay Lean. “Parang spongha” siyang nag-a-absorb ng ideya.

 Sa musical, na dinirehe ni Kathryn Manga at ginawan ng bagong areglo sa musika ni Karl Ramirez, makikita ang katangiang ito ni Lean. Nakatulong, siyempre, na karismatiko at maganda ang rehistro ng boses nina Third Alub at Vencer Crisostomo bilang Lean, at ng buong cast. Pero higit sa lahat, masining na isiniwalat ng libretto at musika ni Granada ang karakter niya. Di sikreto ang henyo ni Granada sa paggawa ng musikang may malalakas na melodya at nakatulong ito para ihayag ang lyrics na nagpapamalas ng ilang katangian ni Lean bilang lider.

 Pumagitna siya sa mga usapin, sa mga debate. Si Lean na napakabata pa sa kilusan, ani Vistro, ang isa sa mga nabigyang responsabilidad na itrapik ang kung anu-anong kaisipan sa unibersidad – marami sa mga kaisipang ito’y mapaminsala. Sa usapin ng kampanyang boykot sa eleksiyong 1985, tumalima si Lean sa desisyon ng mayorya. Gayunman, sa kabila ng maligalig na kilusang boykot noong 1985, at pagbuntot ng mga progresibo sa pag-aalsang 1986, kabilang si Lean sa mga aktibistang di-nawalan ng loob. Nalungkot siya sa kantang “Sabi Ko na Nga sa Iyo”, pero mabilis na bumangon at muling pumagitna sa mga kampanyang masa sa “Mendiola” at kahit matapos mapaslang ang karakter na Bobby sa “Buhay na Inalay sa Bayan.” Sa salaysay ni Vistro at sa musical, tunay na rebolusyonaryo si Lean.

Higit sa indibidwal na kasiningan ng kompositor, umareglo, direktor at mga gumanap, makapangyarihan ang musical na ito dahil optimistiko ito sa hinaharap. Sa kabila ito ng sakripisyo (sa eskuwela at sa pagpapamilya), pagkakamali, trahedya, buhay ang diwa ng paglaban ni Lean. May pait-lungkot sa pamamaalam niya sa “Parating na Ako,” pero sa kahuli-hulihan, maririnig pa rin ang awit ng paglaban, ang awit ni Lean na katunog ng awit ng sambayanan. Walang duda na hindi natigil sa pagpaslang kay Lean ang paglaban, at nagpapatuloy pa rin ang kabayanihang ipinamalas niya.

* * *

Eksena ng pagtatag ng CPP sa pelikulang "The Guerrilla is a Poet" (mula sa Facebook page ng pelikula)
Eksena ng pagtatag ng CPP sa pelikulang “The Guerrilla is a Poet” (mula sa Facebook page ng pelikula)

Samantala, dumaloy rin sa pelikulang “The Guerrilla is a Poet” ang optimistikong mga awit. Binaybay ng pelikula ang isang bahagi ng buhay ng lider-rebolusyonaryo na si Jose Maria Sison—ang pagtatag sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army, ang dalawang organisasyong muling nagsulong ng radikal na pagbabago sa bansa sa pamamagitan ng armadong rebolusyon.

Katulad ng “Lean”, optimistiko rin ang “Guerrilla”. Pero mas malinaw ang dahilan ng pelikula para maging optimistiko: dahil sa inaasahang pagtagumpay ng rebolusyon. Sa kahabaan ng pelikula, hindi nahinto ang daloy ng rebolusyonaryong mga awitin na inareglo ni Datu Arellano – kahit na unti-unting nagiging mapanganib para sa mga karakter ang rebolusyon, kahit na naharap sa maraming suliranin sina Joma sa pagpapalapad ng saklaw ng digmang bayan sa mga probinsiya, at kahit na mabuwal ang marami at mahuli si Amado Guerrero at Kumander Dante.

Bukod sa musika, may indayog ding sinusundan ang pelikula, tulad ng ritmong sinusunod sa pagbigkas ng tula. Mahusay ang paggamit ng aktuwal na panayam at pagbigkas ng tula sa present-day na Joma sa Utrecht, the Netherlands para i-frame ang kuwento ng rebolusyonaryong lider noong panahon ng Batas Militar. Kalkulado ang pagpatung-patong ng tensiyon, hanggang mabuwal si Teresa, mahuli si Puri, si Dante at madakip at matortyur sina Joma at Julie. Hindi na kakaiba ang istrukturang ito sa mga pelikula. Pero ang mahusay sa “Guerrilla” ay ginamit ang pamilyar na narrative arc na ito para ipahayag ang mensahe ng rebolusyonaryong optimismo, ang mensahe na sa sama-samang paglahok at pagkilos para sa rebolusyon, may maaliwalas na bukas na tinatanaw.

Kaya naman may kaunting agam-agam ako sa ending – sa pagpapakita sa dalawang may-katandaan nang rebolusyonaryo na nakatanaw sa malamig na ilog ng Utrecht habang papadilim na. Malungkot ang imaheng ito, at malamang na isinama para paigtingin ang simpatya sa dalawa. Pero tila nagsisilbi itong anti-climax sa naunang ipinakitang tableau ng mga karakter na nagbibigkas ng tula ni Joma at nagmamartsang mga rebolusyonaryo (buhay at patay, at si Joma sa kanyang kabataan). Malungkot ang imahe, na tila tapos na ang pakikibaka ng tumatanda-nang-rebolusyonaryo. Mas mainam, marahil, na tinapos ang pelikula sa pagpapakita ng pagpapatuloy ni Joma sa rebolusyonaryong gawain – ang pagpapatuloy niya sa pagsusulat, ang pulitikal na pakikisangkot, ang pagtula, kahit nasa malamig na bansa. Hindi tumigil ang daloy, ang ritmo, ng rebolusyon ni Joma nang madistiyero siya sa Europa.

Gayunman, sa kabila nito, hindi maitatanggi ang makapangyarihang musika na dumadaloy sa “Guerrilla”. Sabi nga ni Joma, madaling maalala at maisapuso ng masa ang mga ideya kung ito’y kinakanta. Sa “Lean” at “Guerrilla”, maririnig ang awit ng kabayanihan ng dalawang indibidwal, sina Lean at Joma, na di-maihihiwalay sa kabayanihan ng bawat Pilipinong lumalahok sa radikal na pagbabago ng lipunan.

Basahin ang rebyu ni Yanni Fernan ng pelikulang “The Guerrilla is a Poet”