Istorya ng Linggo Main Story Manggagawa

Alipin ng kontraktuwal na paggawa


Palipat-lipat ng trabaho si Ellen. Pagktapos makakuha ng dalawang-taong kuro na electronics technology, unang pumasok si Ellen sa isang kompanya na gumagawa ng mga piyesa para sa DVD player sa Laguna. Pero limang buwan lang siyang namasukan. Ang dahilan, isa siyang kontraktuwal. Kaya’t hindi na bago sa mga manggagawa ang katawagang Endo (End of Contract). […]

Panawagan ng mga manggagawa na wakasan ang iskemang kontraktuwal.  Kuha ang larawan sa pagbubuo ng organisasyon Sama-Ako. (Macky Macaspac)
Panawagan ng mga manggagawa na wakasan ang iskemang kontraktuwal. Kuha ang larawan sa pagbubuo ng organisasyon Sama-Ako. Macky Macaspac

Palipat-lipat ng trabaho si Ellen.

Pagktapos makakuha ng dalawang-taong kuro na electronics technology, unang pumasok si Ellen sa isang kompanya na gumagawa ng mga piyesa para sa DVD player sa Laguna. Pero limang buwan lang siyang namasukan. Ang dahilan, isa siyang kontraktuwal. Kaya’t hindi na bago sa mga manggagawa ang katawagang Endo (End of Contract).

Talamak kasi ngayon ang kontraktuwal na paggawa o pleksibilisasyon. Isa itong paraan ng pagbalasa ng mga kapitalista sa komposisyon at laki ng suplay ng mga manggagawa para madaling iangkop sa pangangailangan ng palengke o merkado. Legal ang sistemang kontraktuwal. Nakasaad ito sa Herrera Law na nag-amyenda sa Labor Code at sinuhayan pa ng Department Order 18-02 noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa panahon ni Pangulong Aquino, muling sinuhayan ang kontraktuwal na paggawa sa Department Order 18-A. Kung titingnan ang batas, aakalaing para sa proteksiyon at kagalingan ng mga manggagawa ito. Pero para sa mga manggagawa, pagsadlak sa kanila sa aliping sahuran ang batas.

“Walong oras hanggang 14 na oras ang trabaho ko roon–mula Lunes hanggang Linggo, walang pahinga,” sabi ni Ellen. Ang sahod niya, P330 lamang.

Nakahanap ng malilipatang trabaho si Ellen sa isang garments factory sa Quezon City, pero hindi rin siya tumagal dito. Wala sa minimum ang kanyang sinasahod sa pabrika kaya nagpasyang magbitiw. Sa kasalukuyan, isa naman siyang kontraktuwal sa NXP, isang kompanya ng semiconductors sa Laguna.

Ayon sa tagapangulo ng unyon sa NXP, may 1,500 ang regular na manggagawa ang kompanya–lahat nakapaloob sa unyon. Pero mula noong nakaraang taon, lumobo ang bilang ng kontraktuwal na mga manggagawa.

Kasama sa bilang na ito si Ellen na direktang kinuha ng kompanya.“Dati, nasa 600 katao ang kontraktuwal. Dinagdagan nila ito ng direct hiring na 300 kataong kontraktuwal,” sabi ni Ruben Alcantara, tagapangulo ng unyon. Sabi pa niya, bukod daw sa direct hiring, may mga estudyanteng nasa dual training system na nasa ilalim ng on-the-job training.

Bukod pa sa dalawang ahensiya ng kontraktuwal na tig-200 katao, kasama raw ang mga manggagawa sa warehouse nila na naka-outsource na rin. “Sa kabuuan, 1,400 ang bilang ng kontraktuwal sa amin. Bukod ito sa regular na mga manggagawang unyonisado,” sabi ni Alcantara.

Idinadahilan daw ng manedsment ng kompanya na lumalaki ang demand sa produksiyon kaya kailangang damihan ang kontraktuwal. “Pero kapag humihingi kami ng dagdag-sahod na nakapaloob sa aming collective bargaining agreement (CBA), idinadahilan naman nila na nalulugi raw ang kompanya,” ani Alcantara.

Kasalukuyang nagaganap ang negosasyon sa CBA ng unyon at ng manedsment ng kompanya. Isa sa nais ng unyon ang maging regular ang mga kontraktuwal. “Kawawa ang mga kontraktuwal. Halimbawa, ‘yung mga OJT, 18 months ang training daw nila pero trabaho ng mga regular ang kanilang ginagampanan. May sahod naman sila P8,000 kada buwan ang pagkakaalam ko. Kaso kalahati ang napupunta sa training school,” dagdag ni Alcantara.

Kasama si Ellen na isang provisionary pa lang sa ipinaglalaban ng unyon na mairegularisa. “Sana nga maregular na kami. Kaso, ‘yung iba, pitong taon nang kontraktuwal pa rin,” aniya.

Trabahong bitin, sahod ng alipin

Iba’t iba ang iskema o paraan ng kontraktuwalisasyon ang laganap sa mga industriya, ayon sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler).

Sa ilalim ng kontraktuwal na paggawa, inaalisan ng kaseguruhan (security of tenure) ang mga manggagawa. Sinabi mismo ng Department of Labor and Employement (DOLE) na 44.32% ang non-regular workers. Pero sabi naman ng Eiler, konserbatibo pa ito.

% Non-regular

All industries

44.32%

Manufacturing

94.37%

Construction

81.21%

Accommodation
and Food Service Activities

50.26%

Information
and Communication

35.07%

Paliwanag ng Eiler, hindi na bago ang kontraktuwal na paggawa. Lumaganap ang kontraktuwalisasyon dahil sa patakarang neo-liberal na ipinatupad ng bansang Britanya at Estados Unidos noong dekada ’80. Tugon ito ng kapitalistang mga bansa sa tuluy-tuloy na pagbasak ng kanilang ekonomiya simula noong dekada ’50.

Ayon pa sa grupo, sa balangkas ng neoliberalismo, muling binabalik ng mga monopolyo kapitalista ang pinakamasahol na kalagayan ng mga manggagawa. Winawasak nito ang lahat ng karapatang naipagwagi ng kilusang paggawa sa daigdig ang rebolusyon at katuwang ang imperyalistang mga bansa at papet na gobyerno.

Sa paraang kontraktuwal, masahol ang kalagayan ng mga manggagawa, mababa ang sahod, walang benepisyo at anumang oras maaaring alisin sa trabaho.

Ipinaliwanag din ng Eiler na may iba’t ibang mukha ang kontraktuwalisasyon na ipinatutupad ngayon tulad ng iskemang “5-5-5”, paggamit ng labor cooperatives, re-engineering o streamlining, outsourcing/multiple subcontracting, sistematikong atrsiyon o bell curve, at iba pa. gaya ng pag-aalok ng early retirement package, pagtutulak ng pribatisasyon at apprenticeship na talamak sa special economic zones.

Sabi pa ng grupo, malaki ang nagiging epekto ng mga iskemang ito, lalo na sa kaseguruhan sa trabaho, pagkawala ng kanilang karapatan sa pag-uunyon at mababang pasahod. “Katumbas lang ng 15 minuto ang minimum na sahod ng mga manggagawa, sa otso oras na paggawa mahigit pitong oras ang tubo ng mga kapitalista,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno.

Sa kabilang banda, lumalaki naman ang kita ng mga negosyanteng nagpapatupad ng kontraktuwalisasyon. Halimbawa nito si Henry Sy na nasa pang-68 na bilyonaryo sa listahan ng Forbes noong 2013.

Mga manggagawang kontraktuwal na kasama sa pagbubuo ng Sama-Ako.  (Macky Macaspac)
Mga manggagawang kontraktuwal na kasama sa pagbubuo ng Sama-Ako. Macky Macaspac

Samantala, gaya naman ni Ellen, 11 taon nang kontraktuwal si John sa isang pabrika ng gatas sa Laguna. “Kontraktuwal na ako mula noong 2003, nasa isang cooperative ako ng mga kontraktuwal,” sabi ni John. Tumatanggap lamang ng P348 na sahod at P40 na alawans si John, kulang na kulang sa kanyang pamilya. At dahil nasa kooperatiba siya, walang kontrata siyang pinanghahawakan at anumang oras maari siyang alisin.

“May kasamahan nga ako na inalis agad dahil natumba niya ‘iyong salansan ng mga finished product. Mahirap ang trabaho namin, expose sa kemikal,” kuwento ni John. Tagalinis siya ng mga makina na ginagamit sa paggawa ng gatas, “pumapasok kami sa chamber, kinakaskas ang mga latak doon,” aniya.

Dagdag ng mga kasamahan ni John, lahat halos ng gawain ng regular na mga manggagawa, tulad ng forklift operator, computer data encoding at sanitation, ginagawa ng katulad niyang mga kontraktuwal.

Pagbangon

Tulad ni Ellen, John at iba pang kontraktuwal, nais nilang magkaroon ng boses para ilaban ang kanilang karapatan–lalo na ang kaseguruhan sa trabaho. Ilan lamang sila sa mga manggagawang lumahok sa pagbubuo ng isang organisasyon ng mga kontraktuwal–ang Samahan ng mga Manggagawang Kontraktuwal o Sama-Ako.

“Makabuluhan ang pagkakabuo ng Sama-Ako. Layunin nito na manawagan na wakasan ang kontraktuwalisasyon dahil pinipiga ng mga kapitalista ang mga manggagawang kontraktuwal para magkamal ng malaking tubo,” sabi ni Labog

Sinabi pa ni Labog na tungkulin ng regular na mga manggagawa na ipaglaban ang mga kapwa nila manggagawang kontraktuwal at organisahin sila.

“Noong una tinitingnan namin na banta sa aming mga regular ang pagpasok ng mga kontraktuwal dahil maaari kaming ipalit sa kanila sa trabaho,” paliwanag ni Alcantara. Sinabi niya na kailangang organisahin sila dahil isa lamang ang nagpapahirap at nagsasamantala sa kanila. “Nakakaawa ang kalagayan ng mga kontraktuwal sa loob ng pagawaan,” aniya.

Kaya’t hinihikayat nila ang mga kontraktuwal na magbuo ng sariling unyon para ilaban ang kanilang mga karapatan, tulad ng mga kontraktuwal ng Coca-Cola Bottlers Inc., na regular na manggagawa na ngayon matapos ang tatlong araw na welga noong nakaraang taon.

(Sinadyang baguhin ng awtor ang mga pangalan ng kontraktuwal na mga manggagawa para sa kanilang kaligtasan.)