Kawani ng gobyerno, nagprotesta vs tanggal-benepisyo
Kolektibong pagpinta ang mga kawani ng pamahalaan para ipakita ang kanilang pagkadismaya sa administrasyong Aquino sa pagkaltas sa kanilang mga benepisyo at wala pa ring umento sa kanilang sahod. Pinangunahan ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) ang nasabing pagkilos sa harapan ng National Housing Authority sa Quezon City. Kaugnay din […]

Kolektibong pagpinta ang mga kawani ng pamahalaan para ipakita ang kanilang pagkadismaya sa administrasyong Aquino sa pagkaltas sa kanilang mga benepisyo at wala pa ring umento sa kanilang sahod.
Pinangunahan ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) ang nasabing pagkilos sa harapan ng National Housing Authority sa Quezon City. Kaugnay din ito ng kanilang paghahanda sa nalalapit na malaking pagkilos sa Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

“Wala pa ring natatanggap na anumang pagtaas sa sahod o ipinanukala man lang mula nang maupo si Aquino sa pwesto para sa mga kawani ng pamahalaan. Bagkus, patuloy na pagtanggal sa mga benepisyong nauna nang naipagtagumpayan ng mga kawani (ang ginagawa ng kasalukuyang administrasyon),” ayon kay Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Courage sa panayam ng Pinoy Weekly.
Mula noong 2012 hindi pa nakatatanggap ang mga kawani ng pamahalaan na umento sa kanilang mga sahod sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin at mga bayarin sa mga batayang serbisyo, dagdag ni Gaite.
Sa kasalukuyan, nakatatanggap ang isang kawani ng pamahalaan ng P9,000 bilang minimum na sahod. Hindi pa kasama rito ang awtomatikong mga ikinakaltas.
“Representasyon ng mga benepisyong ito ang mga batayang kompensasyon gaya ng bigas, pagkain, transportasyon, at iba pa. Hindi katulad ng mga opisyal ng gobyerno ang mga kawani ng pamahalaan dahil nabubuhay lamang kami sa aming nakagugutom na sahod,” ayon kay Gaite.
Maliban pa rito, nagpapahirap din sa kawani ng pamahalaan ang mataas na buwis na binayaran ng mga kawani maging sa kanilang mga benepisyo.
“Kakarampot na nga lamang ang natatanggap ng kawani (sa pamahalaan) ginigipit pa ng BIR (Bureau of Internal Revenue). Ano na ang nangyari sa mga malalaking isda gaya nila Lucio Tan, ng mga kartel sa langis, mga mining companies? Kriminal ang ginagawang ito ng gobyerno,” ayon kay Gaite.