Sa palaruan ng mga sundalong Kano

May 30, 2014

base-militar-iconIto ang una sa serye ng mga artikulo sa Pinoy Weekly na tumatalakay sa epekto-sosyal (social effects o social costs) ng pagmantine ng base-militar ng Estados Unidos (US) sa Pilipinas, mula 1946 hanggang 1991. Layunin ng serye na balikan ang dinanas ng mga mamamayang Pilipino noong may permanenteng base ang mga tropang Kano sa bansa. Silip din ito sa posibleng epekto ng mistulang pagbabalik ng permanenteng base ng tropang Kano sa Pilipinas, sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement na nilagdaan noong Abril 28, 2014.

* * *

Walking Street ng Fields Avenue sa Angeles City, Pampanga. <strong>KR Guda</strong>

Walking Street ng Fields Avenue sa Angeles City, Pampanga. KR Guda

I.

Naaalala pa ni Carol Luna ang dekada ’80. Parang kahapon lang ang mga protesta. Ang target nila, base militar ng Kano sa Angeles City, Pampanga. Ang lugar, Fields Avenue. Kapag dumaraan sila rito, binabato pa ang mga aktibista ng mga babaing nagtatrabaho rito. Galit sila at di maintindihan kung bakit may protesta pa. Bakit pa raw galit ang kapwa nilang mga Pilipino sa mga Kano na “nagbibigay sa amin ng hanapbuhay.”

Pero hindi pangkaraniwang hanapbuhay ang natagpuan ng kababaihang Pilipina sa Fields Avenue. Noong panahong iyon, alala ni Carol, nagmistulang eksklusibong lugar ito para sa mga Kano. Isang maikling kalsada ito o barangay na parang teritoryo na ng Amerika. Parang hindi na batas ng Pilipinas ang umiiral. Sa halip, eksotikong mga pantasya ng mga sundalo ang nasusunod.

“Iyang Clark (Air Base, baseng militar ng Amerika sa Angeles City noon), iyang Fields Avenue, halos off limits sa mga Pilipino. Hindi ako nakatuntong sa Clark, maliban na lamang noong may kaibigan akong nagtatrabaho doon na nagsama sa akin,” kuwento niya. Pero ang mga Amerikanong sundalo, labas-masok sa Angeles. Dagsaan sila, tuwing may rest and recreation o R&R. “Mapapansin mo agad ang mga sundalong Kano. Kahit ngayon, alam mo ang hitsura nila – bata, naka-crew cut,” kuwento ni Carol.

Miyembro ng United Church of Christ in the Philippines ang pamilya ni Carol. Sa simbahan nila, maagang nasangkot siya sa paglaban sa base militar. Naging miyembro siya ng League of Filipino Students. Pinag-aralan nina Carol ang di-pantay na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Amerika. Napunta siya sa mga grupong pangkababaihan (at kalaunan, sa Gabriela) dahil sa isang kaibigan na naging madre. Ang grupong Forum for Women’s Concerns, na pinopondohan mula sa isang grant ng Dominican order, ang may programa noon para sa paghamig sa bar girls ng Angeles.

“Mga club sa labas ng Fields, mga inuman” sila nagrerekluta. Mas maraming Pilipinong kostumer dito kaysa mga dayuhan. Pero iyung Fields Avenue, off limits talaga sa mga Pilipino, lalo na sa mga rehiliyosong grupo o progresibong kababaihan.

“Matapos ang anim na buwan, magbabago (ng bar girls ang isang establisimyento). After six months, nasa Olongapo na, nasa Malate (Maynila) na (nagtatrabaho). Hindi rin tumatagal,” kuwento niya. “Ang kalakalan kasi sa mga bar, ang gusto nila laging may bago.”

Ani Carol, kung may naoorganisa man sila sa prostituted women ng Angeles, “sa 100 (babae), mga tatlo lang” ang napapapunta sa FWC. Napapapunta tuwing may Bible study. “Makasalanan” daw ang kanilang trabaho. Pero marami pa rin namang Katoliko sa kanila. Kalaunan, tumutungo rin ang usapan hinggil sa karapatan nila bilang babae. “May dalawang narekrut kami noon na nag-staff ng center,” pagmamalaki niya.

Napansin nina Carol ang unti-unting pagdami ng mga tumututol sa baseng militar ng Kano sa mismong Angeles at Olongapo. Huling bahagi ng dekada ’80 ito. “Hindi naman talaga buong Angeles (ang pabor sa baseng militar). Yun lang talagang may mga trabaho sa Clark, yung mga babae sa Fields. Pero yung buong Angeles, hindi,” kuwento niya.

Walang-tigil na nangampanya sina Carol sa Angeles at Olongapo. Sinikap nilang ipaalam sa mga kababayan ang mga pang-aabuso ng mga Kano. Ipinakalat ang mga datos sa paglaganap ng prostitusyon (hindi prostitute ang kababaihan, kundi prostituted women). Sa pag-ikot sa mga barangay, binatikos nila ang mistulang pag-angkin sa dapat ay teritoryo ng mga Pilipino sa Clark at Subic. Kapansin-pansin, ani Carol, ang unti-unting paglaki ng mga kilos-protesta. “Unti-unting lumuwag (para sa mga Pilipino) ang mga lugar (tulad ng Fields). Pero kanila pa rin ito,” aniya.

Pero noong Setyembre 16, 1991, nagdesisyon ang Senado: basura na ang kontrata ng baseng militar ng Kano sa Pilipinas. Pinabilis pa ng pagsabog ng bulkang Pinatubo ang pag-alsa-balutan ng mga Kano. Pansamantalang tumumal ang negosyo sa mga bar. “Pero mga dalawa, tatlong taon lang,” ani Carol. Nakaisip din ang lokal na pamahalaan at mga may-ari ng bars ng bagong estratehiya: Ibukas sa ibang lahi ang bars. Mga Australyano, Hapon, Europeo. Lalo na mga Koreano. Globalisado na ang pagsasamantala sa kababaihan ng Angeles.

Bar girl at "kostumer" sa Walking Street. <strong>KR Guda</strong>

Bar girl at “kostumer” sa Walking Street. KR Guda

II.

“Balingkinitan ang gusto nila, hindi yung malalaking babae. Maliliit na maiitim.” Ganito inilarawan ni Nanay Rose (di-tunay na ngalan), ang mga bar girl na natitipuhan ng mga sundalong Kano noong panahon ng base. Maliliit, payat, madaling buhat-buhatin, aniya.

Mamasan, o bugaw, sa isang bar si Nanay Rose. Hindi niya ikinuwento ang edad niya, pero mukhang mahigit 60 anyos na siya. Marami siyang alaga noon, bago magretiro sa bar. “Kinakausap ko ang mga babae, sigurado ba sila (sa pinapapasukan nila)?” Siyempre, marami sa mga babae, galing sa mahihirap na pamilya. At sa kung saan-saang probinsiya. Pero karamihan sa mga kinukuha niya, galing Visayas.

“(Bilang mamasan), kailangang kumukha ka ng babae na hawak mo sa leeg. Mula sa panty niya, hanggang damit, galing sa mamasan. Para makontrol mo siya,” aniya. Marami sa mga galing probinsiya, mahiyain. Kung kaya pinagagamit ni Nanay Rose ng bawal na gamot ang mga babae niya. “Hiringgilya dito [itinuro ang sentido], ayos na. Wala na ang hiya, kargado na,” sabi pa niya.

May treyning, may seminar sa bawat babaeng papasok ng bar, ani Nanay Rose. “Ano ang gagawin mo, ano ang gusto mo? Bawat isa, may pangarap. Kahit iyung may lima nang anak. ‘Gusto ko, businessman na ako pagdating ng araw’. Ang sabi ko sa kanila, ibibigay ko sa kanila, pero kailangang kayanin nila,” kuwento niya.

Nagrerekluta raw siya sa mga probinsiya para maging yaya o tindera. Pero sinasabi rin niya ang tunay na magiging trabaho sa Angeles. Nahihiya ang mga babae, ayaw sabihin sa pamilya ang tunay na trabaho. Pero kailangang kumita, alang-alang sa kanila.

“Iiwanan ko ang pamilya ng isanlibo. Tuwang tuwa na sila,” sabi pa niya. Pero pagdating sa Angeles, mahirap ang trabaho. Sa mga pagsasanay, inaaral ang iba-ibang teknik, ang pagsayaw, ang mga pasikat. Kung matapos ang isang buwan, hindi pa rin nagpapa-bar fine (bayad sa bar para ilabas ng kostumer ang bar girl—para gawin siyang escort, o kaya makipagtalik sa kanya) ang babae, kakausapin na rin ni Nanay Rose: “Baka hindi ito ang trabaho para sa iyo”.

Pinapayuhan niya ang mga babae niya: Kilatisin ang mga kostumer na dayuhan na gustong gawing girlfriend sila. “Halagang P25,000, parang asawa na sila,” ani Nanay Rose. “Minsan, ginagamit lang ang pangalan ng babae para magkaroon ng business sa Pilipinas. Magtatayo ng bar.”

“May umuuwi sa mga probinsiya, galing sa barko, hila-hila ang mga maleta nila. Maraming pasalubong, regalo pala ng mga Amerikano sa kanila. Mga Toblerone, mga tsokolate. Tinatanong sila, ‘Saan ka galing?’ Sinasabi nila, ‘Sa Amerika’. Dito lang pala sa Angeles galing. Parang ‘Los Angeles’, diba?” kuwento niya, sabay tawa.

III.

Klinika ng kababaihan sa Brgy. Balibago. <strong>KR Guda</strong>

Klinika ng kababaihan sa Brgy. Balibago. KR Guda

Pansin nina Carol ang unti-unting pagdami na naman ng mga kaso ng pang-aabuso sa mga babae sa Fields. Maliban sa pagiging lider ng Gabriela, istap din siya sa youth at women’s desk sa Brgy. Balibago, kung saan matatagpuan ang Fields Avenue at mayorya ng mga bar. Pero mahirap itala ang bilang; mayorya kasi ng mga kaso ng sexual assault, panggagahasa, atbp., hindi naman nairereklamo. “O kaya, naaareglo sa pulis,” aniya.

Pinangangasiwaan ng barangay ang kaisa-isahang pampublikong Social Hygiene Clinic sa buong Balibago at Angeles. Ang iba, mga pribadong klinika (lima ito). Marami sa mga klinikang ito, nababalitang may koneksiyon sa city hall, o kaya sa may-ari pa ng mga bar.

Sa mga klinikang ito, kumukuha ng clearance ang bar girls. Hawak ang kanilang mga “pro book” o professional books, pinatatatakan nila ito sa mga klinika na nagsasabing “malinis” sila at walang nakakahawang sakit. Tinatatakan sila matapos lang pumasa sa smear test. “Dati, umaabot sa 6,000 kada linggo ang nagpapa-smear sa amin,” ani Carol.

Pasko o Valentines? Pribadong klinika sa Angeles. Madalas, dagsa ang mga bar girl dito. Nakapila pa lang sila, pinaghuhubad na. Walang masyadong privacy, reklamo ng mga babaing pasyente. <strong>KR Guda</strong>

Pasko o Valentines? Pribadong klinika sa Angeles. Madalas, dagsa ang mga bar girl dito. Nakapila pa lang sila, pinaghuhubad na. Walang masyadong privacy, reklamo ng mga babaing pasyente. KR Guda

Pero magmula nang luwagan ng city hall ang mga rekisito para sa bar girls, bumaba ang bilang na ito. Marami ang nagpapatsek sa mga pribadong klinika. Pero doon, mabilisan. “Wala nga silang ginagamit na speculum,” sabi ng isang nars sa klinika ng Balibago na tumangging pagpakilala. Kung kaya, hindi rin tiyak ang kalidad. Isa pa, “pinapapila lang sila, minsan nakahubad na,” ani Carol. “Mas gusto nila minsan sa amin, kasi isa-isa sila na tsinetsek. At hindi matataray ang nagtsetsek.” Nanindigan din ang kapitan ng barangay na istriktuhan ang pagbigay ng rehistro sa mga natatrabaho sa bar.

May 15,000 na rehistradong bar girls sa Balibago. Noong huling buwan, ani Carol, tila dumarami uli ang nagpapatsek-up. Idineklara ng city hall na wala na raw na bar fine sa Angeles – ibig sabihin, bawal na ang prostitusyon (bawal naman talaga sa batas). Pero sa praktika, hindi naalis ito. Dumami pa nga. Napakalaki ng kita ng bars, at ng buwis na binabayad nito sa lokal na pamahalaan. Sa Balibago pa lamang, umaabot sa 40 porsiyento ng mga trabaho ay nakatali sa industriya ng entertainment—mga bar, restawran, inuman, hotel, atbp.

Bawal daw ang bar fine, hindi raw pinapayagan ng city hall ang prostitusyon. Pero bakit linggu-linggong nagpapa-smear ang mga babae? Saan naman sila posibleng magkasakit kundi sa (puwersahang) pakikipagtalik?

"Military appreciation, for active duty personnel. Must present ID at the time of purchase." Tila naghahanda na ang mga bar sa inaasahang pagdagsa ng mga sundalong Kano. <strong>Joms Salvador/Gabriela</strong>

“Military appreciation, for active duty personnel. Must present ID at the time of purchase.” Tila naghahanda na ang mga bar sa inaasahang pagdagsa ng mga sundalong Kano. Joms Salvador/Gabriela

IV.

Isa si Jade, 18, sa mga bar girl na nagpapa-smear sa klinika sa Balibago. Taga-General Santos City siya, at nagtapos ng hayskul. Sumama lang siya sa pinsan noong nakaraang taon para magbakasyon. Pero napasok siya sa mga bar. “Hiyang hiya na ako umuwi,” umiiyak niyang kinuwento.

Bukod sa hirap ng trabaho, pati pagpapahirap ng mga pulis, pinoproblema nila. Noong nakaraang buwan, kuwento ni Jade, nireyd ng mga pulis ang Texas, isang bar sa Fields. Kasama siya sa mga nahuli. Kinailangan ng may-ari na magbayad para muling makapag-opereyt. “Dati, P220 kada gabi ang bayad sa amin. Ngayon, P180 na lang,” sabi pa niya.

“Baka nga hindi 18-anyos siya, mukhang menor-de-edad,” tantiya ni Carol kay Jade. Kuwento ni Carol, marami sa mga babae, hindi naman totoong edad ang ibinibigay. Siyempre, bawal ang menor-de-edad sa bar. Lalong bawal ang makipagtalik sa menor-de-edad. Pero tulad ng anumang batas, basta’t may pagkakakitaan (ang bar owner at mamasan), nalulusutan.

Naririnig-rinig umano nina Carol ang mga kuwento hinggil sa bagong porma ng pagkuha ng mga sundalong Kano ng mga babae. Magmula noong naging pambansang isyu ang Subic Rape Case (panggagahasa ng limang sundalong Kano sa isang Pilpina, si Nicole, sa Subic noong 2005), naging mas maingat sila. “Minsan nakikita mo sila sa SM. Minsan, naglalakad dito,” ani Carol. Pero hindi na tulad noong panahon ng base, na mistulang hari sila ng Clark at Fields.

Ang kuwento (di-kumpirmado): Isinasakay sa mga bus ang mga babae at inihahatid sa mga barko. Doon, may catalogue ng mga babae ang mamasan: Maaaring umorder ng babae na parang sa restawran ang mga Kano. Dumadalas pa naman ang mga Balikatan, sabi pa ni Carol. Nilagdaan na ng gobyerno ng Pilipinas at Amerika ang Enhanced Defense Cooperation Agreement. Balik-base sa Pilipinas ang mga Kano.

Nagpapakahusay na sila sa pag-oorganisa, sabi ni Carol, ng mga maralita sa Angeles, mga manggagawa sa engklabo, pati ng mga barl girl sa Fields. “Noong Mayo Uno, nakapagrali kami ng isanlibo. Sa unang pagkakataon uli, (ganun kalaki),” aniya. Katuwang ang mga taong simbahan at mga eskuwelahan. Muli, desidido silang labanan ang presensiya ng mga tropang Kano, at ang mapagsamantalang kultura ng prostitusyon sa Angeles.

Ngayon, tulad ng dati, marami sa mga bar girl sa Fields ay pabor sa muling pagdami ng mga Kano sa Angeles. “Lumakas man lang ang kita namin,” sabi ng isang bar girl, tumangging magpakilala, na nakatambay sa bungad ng Walking Street sa Fields.

Pero tiwala si Carol. Maiintindihan din nila kung bakit dapat tutulan ang baseng militar ng Kano. “Napaalis natin sila dati, mapapaalis din natin sila uli.”