Espesyal na Ulat Main Story Manggagawa

Tinakasan ng kapitalista, ipinagkanulo ng gobyerno

Isang halimbawa ang kaso ng Carina Apparel sa Laguna ng kung papaano nakikipagkuntsabahan sa gobyerno ang malalaking kapitalista (na kasosyo ng dayuhang mga kapitalista) para lalong magkamal ng kita at abusuhin ang mga manggagawa nito. Ni Ilang-Ilang D. Quijano

Laban ng mga manggagawa ng Carina Apparel: Kaanib ng paglaban ng manggagawang Pilipino sa kontraktuwalisasyon, mababang sahod at neoliberal na mga polisiya. <strong>King Catoy</strong>
Laban ng mga manggagawa ng Carina Apparel: Kaanib ng paglaban ng manggagawang Pilipino sa kontraktuwalisasyon, mababang sahod at neoliberal na mga polisiya. King Catoy

Hindi makapaniwala ang halos 3,600 na manggagawa ng Carina Apparel Inc. sa sinabi sa kanila ng manedsment na magkakaroon sila ng isang linggong paid leave. Sa kanilang 15 taon na pagtatrabaho, hindi pa sila pinagbakasyon nang may sahod. Nagsuspetsa nila na may mali.

Hindi sila nagkamali. Noong Pebrero 21, huling araw ng kanilang “leave,” pinatawag ng manedsment ang mga manggagawa at sinabi ang kanilang kinatatakutan: magsasara na ang kompanya; nalulugi raw ito.

Imposible ang sinasabi ng kompanya, ayon sa mga manggagawa. Kamakailan lang, pinamadali sa kanila na matapos ang napakalaking order: 10 container vans ng mga bra, panty, at iba pang lingerie na may mamahaling international brands gaya ng Victoria’s Secret, Dillard’s, Marks & Spencer, Uniqlo, at iba pa.

Mamahaling lingerie, murang sahod

Pabrika ng Carina Apparel.
Pabrika ng Carina Apparel.

Ang Carina Apparel sa Laguna International Industrial Park ang pinakamalaking pagawaan sa bansa ng imported na lingerie. “Akala ng mga Pinoy sa labas ginagawa, dito lang gawa ‘yon,” sabi ng isang manggagawa. Ang mga manggagawa rito’y sinasahuran ng mula P337 hanggang P408 kada araw para sa masinsing paggawa ng mga produktong binebenta sa merkado nang mula $18 hanggang $70 kada isa.

Noong Pebrero, dapat sana ay papasok na ang kanilang unyon sa panibagong round ng Collective Bargaining Agreement. Pero nagsara na nga ang kompanya, bago pa man ihapag ng mga manggagawa ang kanilang mga kahilingan, pangunahin ang dagdag-sahod.

Karamihan sa kanila, nagmula na sa iba’t ibang pagawaan ng garments (sister companies ng Carina), na ‘ilegal’ ding nagsara rin noong dekada ’90. Hinala nila noon, isinara ang dating mga kompanya at itinayo ang Carina para mabuwag ang mga unyon at makapagtanggal ng mga manggagawa.

Ngayon, sa ‘ilegal’ na pagsasara naman ng Carina, parehong dahilan ang kanilang nakikita: pambubuwag ng unyon, pagtatanggal ng regular na mga manggagawa para palitan ng kontraktuwal. O di kaya, ang paglilipat ng mga operasyon sa Sri Lanka, kung saan sinasabing lalong mas mura ang lakas-paggawa.

Piketlayn ng mga manggagawa ng Carina. <strong>King Catoy</strong>
Piketlayn ng mga manggagawa ng Carina. King Catoy

Sa ngayon, wala pang pinatutunguhan ang paghahabol nila sa Department of Labor and Employment (DOLE) ng kasong illegal closure sa mga may-ari ng kompanya, na pinangungunahan ng dayuhang si Andrew Sia ng ACE Style Intimate Apparel Ltd., mother company ng Carina na nakabase sa Hong Kong. Kailanman, hindi nakita ng mga manggagawa ni anino ni Sia. Hindi rin maobliga ng DOLE ang may-ari na humarap sa mga manggagawa, lalo pa at sinasabi ng mga abogado ng kompanya na nagpalit na ang mga may-ari ito.

“Sa ngayon, hindi namin alam kung saan kami kukuha ng ng ikabubuhay, kung paano kami makakapagsimula ulit. Dapat humarap ang may-ari at panagutan ang pinsalang ginawa niya sa aming manggagawa,” sabi ni Elmer Mercado, bise-presidente ng unyon.

Sa ngayon, marami ang napipilitang manahi sa ibang pagawaan sa piece rate, o napakababang halaga na 20 sentimos kada piraso. Umaabot lang sa P150 ang kinikita nila maghapon—sapat lang, umano, para sa isang kilos bigas at galunggong na ipangkakain sa pamilya.

“Walang pangangalaga (si Pangulong Aquino) sa amin. Napakaraming foreign investors ang tinakasan ang mga manggagawa, at hinahayaan lang ng gobyerno na panay ang akit sa padating nila,” dagdag ni Mercado. Aniya, milyun-milyong Pilipino na nga ang walang trabaho, madadagdagan pa ng 3,600 mula sa kanilang hanay.

Mga ‘pahirap’ ni Aquino

Noong Mayo 1, Araw ng Paggawa, muling pangungunahan ng sentro ng paggawa na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang malakihang mga pagkilos ng mga manggagawa at iba pang sektor ng lipunan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nanawagan silang wakasan na ang pagpapahirap umano ni Pangulong Aquino sa mga mamamayan, lalo na sa mga manggagawa.

“Galit ang mga manggagawa sa polisiya ng murang paggawa ni Aquino. Bigo ang pangulo na lumikha ng disenteng trabaho para sa mga Pilipino, at lalo pang pinahirapan ang mga manggagawa,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Ayon sa sarbey ng Social Weather Stations noong huling kuwarto ng 2013 nasa 12.2 milyong Pilipino ang walang trabaho. Tinatantiya rin ng Migrante International na 4,000 Pilipino ang umaalis kada araw para magtrabaho sa ibang bansa, dahil sa kakulangan ng trabaho at mababang sahod sa bansa.

Sa loob ng apat na taon, ayon sa KMU, hindi dininig ni Aquino ang panawagang P125 dagdag-sahod ng mga manggagawa
sa buong bansa. Barya-barya kung mag-utos man ang gobyerno ng taas-sahod. Ipinatupad ang Two-Tiered Wage System, na kinakaltasan pa ang sahod ng  mga manggagawa o di kaya’y pinapako ito sa napakababang halaga.

Lumala rin ang kontraktuwalisasyon. Sa tantiya ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research o Eiler, mahigit pa sa apat na milyon ang mga manggagawang kontraktuwal sa bansa. Kalahati nito ay mga agency-hired, na tumatanggap ng mas mababang sahod kaysa direct-hired.

Sinabi ng KMU na hangga’t walang pundamental na mga pagbabago sa lipunan, lalala lamang ang kawalang trabaho at pagpapahirap sa mga manggagawa.

“Sa gita ng pandaigdigang krisis, kailangan natin ng pag-eempleyo na hindi nakaasa sa dayuhang pamumuhunan para lumikha ng mga trabaho. Kailangan palayain ang potensiyal ng ating mga produktibong puwersa sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon,” ani Labog.

Pero kabaligtaran nito ang ginagawa ni Aquino. Ayon nga sa tinakasang mga manggagawa ng Carina, “walang maasahan” sa gobyernong nagkanulo sa kanila. Nabigla man sila sa pagtanggal sa kanila sa trabaho, handang-handa naman silang lumaban.