Mga Larawan | EDCA at pork barrel, patunay ng ‘kawalan ng kalayaan’ sa ilalim ni Aquino
June 14, 2014

Si Pio Emmanuel Mijares (naka-pula) sa Naga City, matapos makapagpiyansa, Hunyo 13. Kontribusyon/Vince Casilihan
Nitong Hunyo 12, ipinakita ng rehimen kung papaano nito ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan: sa pamamagitan ng pagkumpiska ng simbolikong mga baril ng mga Katipunerong nagsasagawa ng street play malapit sa embahada ng Amerika. Sa parehong umagang iyon, inaresto ng Presidential Security Group ng Pangulo ang isang estudyante, ang 19-anyos na si Pio Emmanuel Mijares ng Ateneo de Naga University, matapos sumigaw siya ng “Walang pagbabago, sa ilalim ni Aquino!”, “Aquino, patalsikin!” at iba pang islogan na dapat sanang hinahayaang iparinig sa Pangulo sa isang malaya at demokratikong lipunan.
Ito naman kasi ang mismong mensahe ng mga nagprotesta, na pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) malapit sa embahada ng US sa umaga, at malawak na alyansang kontra-pork barrel na #AbolishPork Barrel Movement sa hapon: Hindi tunay na malaya ang bayan na pinangingibabawan ng isang dayuhang (at imperyalistang) bansa sa pulitika at ekonomiya, at pinamumunuan ng isang gobyerno na nagkukunsinti ng malawakang pangungurakot sa porma ng sistemang pork barrel.
Ipinagkita ng dalawang pagkilos ang direktang pagkakaugnay ng dalawang problema, ng imperyalismo at ng sinasabi nitong burukrata-kapitalismo. Malawak ang hanay ng mga lumalaban sa pork barrel; kahit mga alyado ng Pangulo at mismong si Aquino, nagsasabing kontra sila sa pork barrel (kahit pinananatili ang sistemang ito sa ilalim ng 2014 Badyet at sa pagpapanatili ng Disbursement Acceleration Program o DAP na kontrol mismo ni Aquino). Pero sa mga progresibong lumahok (aabot ng halos 10,000, sa tantiya ng marami) sa protesta noong umaga at hapon, hindi magkahiwalay ito. May nangingibabaw na dayuhang interes, na siya namang nagkukunsinti sa mga katiwalian ng lokal na elite para patuloy na mapasunod ito. Samantala, matindi pa rin ang monopolyo sa lupa ng lokal na mga elite, at di pa rin malaya ang mayoryang magsasaka na pagyamanin ang lupa.
Iyan, sa maikling salita, ang Pilipinas. Iyan, sa maikling salita, ang kawalan ng kalayaan, mula 1898 hanggang sa kasalukuyan.
Mga larawan nina Boy Bagwis, Macky Macaspac, Pher Pasion, LJ Pasion, at Ilang-Ilang Quijano:

Mistulang street theater ang bumungad sa mga pulis sa protesta ng Bayan sa embahada ng US: ang lider-obrero na si Sammy Malunes bilang Andres Bonifacio, kasama ang mga Katipunerong lumaban para sa kalayaan ng bayan noong rebolusyong 1896. Pher Pasion

Nakaumang ang mga “baril” na props sa pagsasadula ng mga aktibista sa rebolusyong 1896, sa harap ng mga pulis sa embahada ng Amerika. Nasa kaliwa si Gabriela Rep. Emmi de Jesus bilang Katipunera / Inang Laya. Macky Macaspac

Tuloy ang protesta kahit malakas na bumuhos ang ulan. Nasa larawan si Garry Martinez ng Migrante International. Pher Pasion

Pinatutukuyan ng KMP ang Comprehensive Agrarian Reform Program na nabigo umanong mapagpasyang buwagin ang monopolyo sa lupa ng iilan, kung kaya wala pa ring tunay na kalayaan sa mga magsasakang Pilipino. Macky Macaspac

Pinagbabato ng kababaihan ang imahen ng Pangulo at mga alyadong sangkot sa pork barrel scam. LJ Pasion

Mother Mary John Mananzan ng Babae Laban sa Katiwalian (Babala) at #AbolishPork Movement. Boy Bagwis

Muling dala ng Bayan sa protesta ng #AbolishPork Movement, hapon noong Hunyo 12 sa Liwasang Bonifacio, ang “Golden Baboy” na mistulang sinasamba umano ng mga pulitiko na sangkot sa eskandalo ng pork barrel sa bansa ngayon. LJ Pasion

Sina Dante JImenez ng Volunteers Against Crime and Corruption, Archbishop Emeritus Oscar Cruz at dating Bayan Muna Rep. Teddy Casino. Macky Macaspac

Bungo na simbolo ng kamatayan ng kalayaan ng bansa ang paglagda umano ng Enhanced Defense Cooperation Agreement. Ilang-Ilang Quijano