Peryodismong Pulahan: Sa alaala ni Christine Puche (1976-2013)

July 4, 2014

Parangal ng CPP kay Christine Puche, rebolusyonaryong mamamahayag.

Parangal ng CPP kay Christine Puche, rebolusyonaryong mamamahayag.

Sa mga pasilyo ng gusaling Plaridel ng Maskom, mga silid-aralan, dormitoryo, at tambayan ng UP Diliman, minsang tumuntong si Christine Puche, estudyanteng tubo sa syudad ng Legazpi sa probinsya ng Albay. Naaalala siya ng mga kakilala bilang miyembro ng isa o dalawang cause-oriented group sa unibersidad. Tahimik sa klase, tsinita, maliit ang katawan. Hindi man naging personalidad sa buong kampus, naging presidente si Christine ng pinakamalaking organisasyon ng mga estudyanteng Bikolano noong Dekada ‘90, ang UP Ibalon.

Taong 1997, nagtapos si Christine sa kursong Peryodismo o BA Journalism.

Ang pangalan ni Christine Puche ay magkakaroon ng napakaliit na puwang sa pambansang midya. Mahigit labinlimang taon matapos gumradweyt, biglang nabasa ang pangalan niya sa mga pahayagan, narinig sa radyo‘t telebisyon, at sandaling umugong sa social media network ng mga kaibigan. Ngunit  – hindi bilang bilang byline ng manunulat, mukha o tinig  ng kilalang brodkaster  o tagapag-ulat – kundi bilang bahagi ng datos sa mismong balita ng engkwentro sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng New People’s Army (NPA) sa Bikol.

Kasama sa walong (8) kaswalti ng NPA si Christine Puche sa labanan sa Barangay Calomayon, Juban, Sorsogon noong Hulyo 4, 2013.

Kinumpirma ng NPA na nasawi ang tagapagsalita (spokesperson) ng National Democratic Front (NDF) sa Bikol,  si “Greg Bañares” na ang tunay na pangalan ay Frankie Joe Soriano,  at ang kanyang asawang si “Ka Nel” – si Christine.

Si Soriano at isang pang nasawi, si “Ka Gary” o Ted Palacio, ay mga gradweyt ng Ateneo de Naga University. Si Palacio, dating propesor sa computer science. Ayon sa NPA, hors d’combat o wala nang kakayanang manlaban ang tatlo nang paslangin ng tropa ng AFP. Si Bañares ang lokal na “Ka Roger Rosal” – kinikilala ng midya sa Bikol, gaya ng pangalang “Ka Oris” sa Mindanao  o “Ka Filliw” sa Cordillera  na mga tagapagsalita rin ng NDF sa kani-kanilang lugar. Sa ulat ng AFP, si Christine  – o “Ka Nel/ Ka Abby” – ay editor din diumano ng “Dagundong ng Bikol.”

Si Puche, ayon na rin sa NPA, ay kasapi ng Public Information Bureau ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa Bikol: “Bahagi ng propaganda staff ng Silyab, rebolusyonaryong pahayagan; Dagundong ng Bikol, rebolusyonaryong programa sa radyo; Isnayp, rebolusyonaryong midya; Punla at Ang Gerilya. (K)atambal niya ang asawang si Ka Greg sa pagsisiwalat ng katotohanan at pagbibigay-tinig sa taumbayang lumalaban.” Pinarangalan ng NPA ang walong “martir ng rebolusyon,” at sina Puche at Soriano bilang “huwarang mag-asawa at lider.”

Kakaibang Peryodismo

Graduation picture ni Christine Puche sa UP Diliman.

Graduation picture ni Christine Puche sa UP Diliman.

Patuloy na paksa sa akademya ang rebolusyon: sa pag-aaral sa “panitikang saksi” o testimonial literature (Arinto, 1995); sa eksibisyon at pagsusuri ng obra ng rebolusyonaryong pintor na si Parts Bagani ng NPA-Mindanao (Lulu, 2007). Inilimbag ng UP ang mga aklat na gaya ng Muog: Ang Naratibo ng Kanayunan sa Matagalang Digmang Bayan sa Pilipinas (Guillermo, ed., 1998) at Agaw-dilim, Agaw-Liwanag (Abreu, 2009) na mula sa tuwirang karanasan ng mga awtor sa rebolusyonaryong kilusan.  Dinumog ng libu-libo ang University Theater sa parangal sa yumaong rebolusyonaryo na si Ka Roger Rosal nitong 2011.

Nang maging balita ang pagkamatay ni Puche noong nakaraang taon, binanggit ni Prop. Danilo Arao sa kanyang kolum sa Pinoy Weekly ang “kakaibang peryodismo” ni Christine, na minsang naging estudyante niya sa Maskom. Pero paano isasakongkreto ang sinasabing “peryodismong” ito? Noon ay sapat na ang kwento-kwento, at ilang sipi mula sa putikang notbuk ng mga nabuwal na rebolusyonaryo. Ngayon, mas madaling makikita ang “kakaibang peryodismo” ng mga gaya ni Christine Puche, dahil na rin sa inobasyon ng “rebolusyonaryong midya” sa mga bagong anyo at teknolohiya.

Isang klik sa internet ay tatambad ang mga publikasyon ng CPP-NPA sa Bikol sa panahong inilagi roon ng mag-asawang Puche at Soriano. Bilang tagapagsalita ng NDF, si Bañares (Soriano) ay di lang nagpaunlak sa mga interbyu sa radyo – may sarili siyang account sa Facebook, Twitter at may blog ng napapanahong mga pahayag na minsa’y singhaba rin lang ng text o tweet.

Ang Silyab na “pangmasang pahayagan” ng rebolusyonaryong kilusan sa Bikol ay lokal na bersyon ng Ang Bayan, ang opisyal na publikasyon ng CPP sa buong bansa. Maaaring iniimprenta pa rin ang ito sa lumang paraang mimyograp at V-type, pero ngayon ay madali nang mada-download bilang PDF. Ang punla ay pampanitikang dyornal na may mga tula, awit at kuwento. Magazine-format naman ang Gerilya, laman ang mga lathalain tungkol siyempre, sa buhay-gerilya.

Kung dadalawin ang philippinerevolution.net/publications, mapapansin na di lang sa Bikol masigla ang paglalathala ng mga rebolusyonaryong babasahin.  Sa mga publikasyong ito ay nagbubuklod ang mga rehiyonal na lengguwahe sa rebolusyonaryong paninindigan, at nagiging dinamiko ang samu’t saring anyo ng katutubong panitikan mula sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Sapat upang bumuo ng bagong edisyon ng antolohiyang Muog, saklaw ang panahon matapos ang unang paglilimbag noong 1998.

Inobasyon

Kabilang si Christine sa grupong Isnayp na di-miminsang napansin sa nasyunal at maging internasyunal na midya. Nitong 2011, naging kontrobersyal ang pagpapalaganap ng Isnayp sa isang torture video na sangkot ang mga opisyal ng 9th Infantry Division ng AFP sa akto ng pambubugbog sa mga sundalong treyni.

Pero hindi sa ganitong tipo ng unang nakilala ang Isnayp. Sa programang Frontlines na lumabas noong 2006 sa dating ABC-5 (ngayon TV-5), nabanggit nga ng dokumentaristang si Ed Lingao sa kasagsagan ng red-tagging ng rehimeng Arroyo sa mga itinuturing nitong “kaaway ng estado”: “Kung nababahala (ang gobyerno dahil) may NPA na sa midya, hindi na nila kailangang maghanap pa. Mismong mga NPA kasi, pinapapelan na ang trabaho ng midya.”

Noong maagang bahagi ng dekada 2000, ang “programa sa radyo” na Dagundong ng Bikol (DnB) ay nagsimulang maging anyong bidyo at pinalaganap sa masa sa VCD format. Ang pinakahuling episode ng DnB (2012) ay naka-upload sa channel na Isnayp Media kasama ang repositoryo ng 100 video clips mula sa Isnayp.

Ang DnB ay pinaghalong newsreel at news-magazine na laman ay balita tungkol sa digmang bayan sa Bikol: mga lokal na isyu at problema sa rehiyon at kaakibat nitong mga pagkilos at aksyong masa, at maging mga ambus at reyd ng NPA laban sa AFP – mga paksang madalas ay walang puwang o walang “patas” na pagbabalita sa dyaryo, radyo at telebisyon. Nakipagsabayan ang grapiks ng DnB sa karaniwang makikita sa TV, at nag-ere ng mga rebolusyonaryong kanta sa popular na pormang music video at videoke. May mga payak na drama, may tips o gabay-pangkalusugan, at sa dulo, may greetings portion din mula sa masang tumatangkilik. Maging sa naunang dokumentaryong “Propaganda War” ng ABS-CBN Correspondents noong 2004, pansin ng midya ang kakaibang produksyon sa “mobile newsroom ng Isnayp.  Sa “hiram na gamit at piniratang softwarenaprodyus ang dokumentaryong “Bagati (Kaluskos): Sa Bawat Hakbang ng Pulang Mandirigma” at ang buong “coverage” ng pagkabihag at pagpapalaya sa prisoners of  war(POW) na sina Lt. Fidelino at Pfc. Nemeno (2004).

“Kinainggitan” sila ng mga reporter dahil kayang solohin ng Isnayp ang pinag-aagawang exclusive– syempre, dahil ang may hawak ng kamera ng Isnayp ay kabilang din sa mga armado. Halos kasabayan lang ng Isnayp noon ang tinaguriang independent filmmakers at alternatibong midya sa “rebolusyonaryong inobasyon” sa paggamit sa bagong digital format sa bidyo at pelikula. Pero maitatanong: ano pa ba ang mas “rebolusyonaryo” kaysa sa paglikha ng pelikula sa gitna mismo ng rebolusyon? Sa pagbabalita ng lokal na midya sa engkwentro sa Sorsogon na kumitil sa buhay nina Soriano at Puche, makikitang inani ng “rebolusyonaryong midya” ang paghanga at respeto mula sa “katulad na mga mamamahayag” sa Bikol.

Sa unibersidad, hinuhubog ang mga estudyante bilang peryodistang responsable at kritikal, mulat sa pagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag, at huwaran sa pinakamataas na pamantayang propesyunal at etikal. Sa mundo ng midya ay hindi nagkapangalan si Christine Puche – manunulat at bidyograper siya na hanggang libing ay walang ibang sariling litrato kundi ang kanyang graduation picture bilang Iskolar ng Bayan. “Walang mukha at walang pangalan,” tinalikuran ni Christine Puche ang propesyon upang mag-armas at lumikha ng propaganda para sa rebolusyon.  Propaganda  – gaya ng marangal na gawain ni Plaridel, ang bayaning katukayo ng tinuntungan niyang gusali sa Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon.

Unang Bahagi ng Bagati ng Isnayp:

Pangalawang Bahagi ng Bagati: