Kapirasong Kritika

Kulang ang Kalayaang Pang-akademiko


Ngayon ko lang talaga nabasa ang kontrobersyal na pahayag ng School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman tungkol sa protesta ng mga estudyante noong pumunta si Budget and Management Sec. Butch Abad sa naturang unibersidad noong Setyembre 17. Ito ang ubod ng kanilang pagkondena sa protesta: “Bilang inimbitahang bisita, saklaw si Secretary Abad ng balabal […]

Ngayon ko lang talaga nabasa ang kontrobersyal na pahayag ng School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman tungkol sa protesta ng mga estudyante noong pumunta si Budget and Management Sec. Butch Abad sa naturang unibersidad noong Setyembre 17. Ito ang ubod ng kanilang pagkondena sa protesta: “Bilang inimbitahang bisita, saklaw si Secretary Abad ng balabal ng kalayaang pang-akademiko at ligtas na pagpunta na ginagarantiyahan ng Unibersidad sa lahat ng tumutuntong sa kampus.” Dagdag pa nito, “Ang silbi ng matayog na pribilehiyong iyan ay ang garantiyahan ang malayang trapiko ng magkakaibang ideya – at ng magkakaibang taong yumayakap sa kanila – na siyang nagbibigay-lakas sa isang liberal na institusyong pang-akademiko.”

Maraming suliranin ang pag-apela ng UPSE sa kalayaang pang-akademiko. Una, tulad ng lahat ng kinikilalang kalayaan ngayon, ang kalayaang pang-akademiko ay nabuo at napatatag sa kasaysayan laban sa mga makapangyarihan sa lipunan – sa Simbahan, sa gobyerno, at maging sa malalaking kapitalista. Sa pahayag ng UPSE, ginagamit ang kalayaang pang-akademiko para ipagtanggol ang isang mataas na opisyal ng gobyerno (at isa sa pinakamakapangyarihan sa gobyernong ito) laban sa mga nagpoprotestang aktibista (na katunggali ng mga makapangyarihang grupo kahit sa loob ng UP). Laban sa mga makapangyarihan dapat bigyang-kahulugan ang “mga ideyang kontraryo at hindi uso,” at panlilinlang ang tawaging ganyan ang mga ideya ng isang Butch Abad.

Ikalawa, bagamat kinikilala ng lipunan ang kalayaang pang-akademiko, hindi ito ligtas sa pagsusuri at kritisismo. Pwede sigurong ihalintulad ito sa kalayaang bumoto, na mas pundamental rito: May kalayaang bumoto, pero pwedeng suriin kung wasto o mali ang paggamit dito ng isang tao o grupo ng tao. Sa pahayag ng UPSE, iwinawasiwas ang kalayaang pang-akademiko na parang hindi ito makukwestyon at dapat kilalanin sa simpleng dahilan na isinabuhay ito. Sa tingin ko, sa mga dahilang ipapaliwanag sa ibaba, mali ang paggamit ng University Student Council sa kalayaang pang-akademiko nang imbitahan nitong magsalita si Abad sa isang porum, at mali rin ang UPSE na gamitin ang kalayaang pang-akademiko para ipagtanggol ang naturang hakbangin.

Ikatlo, at kaugnay ng ikalawa, ang kalayaang pang-akademiko ay pamamaraan lamang na dapat ay naglilingkod sa iba pang prinsipyo labas dito. Halimbawa, dapat itong naglilingkod sa tungkuling panlipunan o social responsibility at sa siyentipikong pag-aaral. Sa pahayag ng UPSE, hindi binigyang-katwiran ang kalayaang pang-akademiko sa mga batayang ito, kundi sa “pagkadahop ng buhay-intelektwal at pagkupot sa debate sa isang monologo” lamang, na nagmumula sa makaisang-panig na paggigiit ng kalayaang pang-akademiko. Kahit sa mga prinsipyo ng UP na “dangal at kahusayan (honor and excellence)” na minsang kinasangkapan ni Prop. Solita Collas-Monsod ng UPSE, mas patungkol ang kalayaang pang-akademiko sa kahusayan, hindi sa dangal.

Mali na imbitahan si Abad para talakayin ang pambansang badyet dahil sa DAP o Disbursement Acceleration Program. Mali na imbitahan si Ferdinand Marcos para talakayin ang pagsusulong ng demokrasya dahil sa Batas Militar. Mali na imbitahan si Jovito Palparan para talakayin ang pagtatanggol sa karapatang pantao dahil sa Oplan Bantay Laya. Mali na imbitahan si Gloria Macapagal-Arroyo para talakayin ang pagtiyak sa malinis at matapat na halalan dahil sa Hello Garci. Mali na imbitahan si Henry Sy para talakayin ang pagtaguyod sa karapatan ng mga manggagawa dahil sa kontraktwalisasyon sa SM. Mali na imbitahan si Kris Aquino para talakayin ang halaga ng privacy dahil sa pag-anunsyo niya sa nangyari sa kanila ni Joey Marquez. At iba pa.

Mali ang pag-imbita sa naturang mga tagapagsalita para sa mga nabanggit na paksa dahil kinakatawan nila ang kabaligtaran o pagkasira ng mga nabanggit na paksa. Mali dahil ginamit na nila ang dominanteng midya para ilahad ang kanilang mga ideya. Mali dahil sila ang dapat pangaralan tungkol sa paksa nila, at wala silang awtoridad na talakayin ang naturang mga paksa. At ang pahintulutan silang talakayin ang naturang mga paksa ay ang magpagamit sa kanilang panlilinlang, sa halip na maging instrumento ng kaliwanagan para sa lipunan. Halimbawa, magyayabang si Abad tungkol sa pagpapalahok sa publiko sa proseso ng pagbabadyet, gayung ipinaglalaban niya ang kapangyarihan ng iilan na baguhin ang aprubadong pambansang badyet.

Pero may kaibahan ang pag-imbita kina Abad, Marcos, Palparan at Arroyo sa mga kahalintulad sa itaas kumpara sa pag-imbita kina Henry Sy at Kris Aquino. Ang mga tao sa unang bungkos, itinuturing ng lipunan na mga kriminal sa mga usaping nabanggit, habang ang mga nasa ikalawang bungkos ay hindi, o hindi pa. Dito mailulugar ang agresibong pagkondena – kalabisan ang tawaging “karahasan” – ng mga aktibista sa pagpunta ni Abad: hindi siya karaniwang bisitang tagapagsalita o panauhing pandangal kundi isang kriminal sa bayan. Dito rin mailulugar ang mariing pagkondena ng UPSE, at Malakanyang, sa ginawa ng mga aktibista: kinukwestyon nila ang hatol na kriminal si Abad at ipinupwersa ang isang reperendum tungkol sa kanya.

Isang sintomas ang pagwasiwas sa kalayaang pang-akademiko ng kaguruan ng UPSE nang walang pagsaalang-alang sa tungkuling panlipunan. Hindi ito papasa sa pamantayan ng tungkuling panlipunan: sa kasaysayan, ginamit nito ang kalayaan ng akademya para isulong ang kawalang-kalayaan sa lipunan. Ang maramihang pagpirma nito ay patunay ng mala-kulto nitong pagbubuklod para sa paglilingkod sa iilan, silang mga nangangaral ng indibidwal na interes sa mga klasrum at sulatin. Maliban sa pagkondena nito sa diktadurang Marcos sa bisperas ng pagbagsak ng huli, wala nang kaguruan sa UP na mas tampok at tuluy-tuloy na naglilingkod sa gobyerno at sa malalaking kapitalista at haciendero liban sa UPSE. Natural, ipagtatanggol nito si Abad.

Instrumento lamang ang kalayaang pang-akademiko sa paghahanap ng katotohanan, at kakatwa ang paggigiit ng UPSE ng kalayaang pang-akademiko sa kabila ng pagtambad ng mga katotohanan bunsod ng protesta: Hinahatulan ng papalaking seksyon ng lipunan si Abad na kriminal – “magnanakaw” sa salita ng mga nagprotesta. Dapat katambal ng kalayaang pang-akademiko ang tungkuling panlipunan; kung hindi, magiging instrumento ito ng pagtatangka ng mga kriminal na manlinlang. At kung mangyari ang huli, susugod ang protesta para agresibong kumondena. Sa bayang ito kung saan bulok ang sistemang pangkatarungan, gagawa at gagawa ng paraan ang mga walang kapangyarihan para idiin at isakdal ang mga gumawa ng krimen sa bayan.

Sabi ng mga nangangaral ng kalayaang pang-akademiko, “kaaway ng unibersidad” ang mga aktibista. Para sa marami at dumarami sa lipunan, kakampi sila ng katotohanan.

25 Setyembre 2014