Mga manggagawa ng NXP, tagumpay sa paggiit ng karapatan
Idineklara ng mga manggagawa ng NXP Semiconductors Cabuyao ang tagumpay sa paggiit ng kanilang mga karapatan sa harap ng diumano’y paniniil sa kanila ng manedsment sa gitna ng negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA). Matapos ang serye ng mga kilos-protesta at pangangampanya sa loob at labas ng bansa, naitulak ng NXP Semiconductors Cabuyao Incorporated […]

Idineklara ng mga manggagawa ng NXP Semiconductors Cabuyao ang tagumpay sa paggiit ng kanilang mga karapatan sa harap ng diumano’y paniniil sa kanila ng manedsment sa gitna ng negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA).
Matapos ang serye ng mga kilos-protesta at pangangampanya sa loob at labas ng bansa, naitulak ng NXP Semiconductors Cabuyao Incorporated Workers’ Union-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno ang manedsment na ibalik sa trabaho ang 12 sa 24 lider-unyon na tinanggal nito. Kasabay nito, nilagdaan din ng unyon at ng manedsment ang CBA na sasaklaw sa taong 2014 hanggagn 2016.
“Ang paglagda ng CBA ay nagmamarka ng pagtatapos ng pinakahuling laban namin para maseguro ang pagpapabuti ng aming mga kondisyon sa trabaho sa pamamagitan ng pagkamit ng pagpapaunlad sa CBA, na tinapatan ng manedsment ng ilegal na pagdismis sa 24, o halos lahat, ng aming mga lider-unyon noong Mayo 5,” pahayag ng unyon.

Sinabi pa nito na nagtagumpay ang mga manggagawa sa paglaban sa tangka ng manedsment na buwagin ang unyon.
“Malinaw na binubuyo kami ng manedsment na gawin ang mga aksiyon na magiging dahilan para buwagin ang aming unyon. Gusto nitong ipagkait sa mga manggagawa ng NXP ang nararapat sa amin: mas maunlad na CBA na naglalaman ng signipikanteng dagdag-sahod at regularisasyon ng mga kontraktuwal,” sabi pa nito.
Signipikante rin umano ang tagumpay ng mga manggagawa ng NXP dahil ang unyon nito ang isa sa pinakamatanda at pinakamalaking unyon sa bansa. Ito rin ang isa sa iilang unyon sa “special economic zones” sa bansa, na notoryus sa mababang sahod ng mga manggagawa, malawakang pag-empleyo ng mga kontraktuwal at pagkait ng mga karapatan ng mga manggagawa na nagtatrabaho sa nga engklabong ito.
“Sa tagumpay na ito, napalakas at mapatibay ang isang importanteng unyon, at nagsilbing inspirasyon sa mga manggagawang Pilipino na nagnanais na mag-unyon,” sabi pa nito.
Maliban sa pagbalik sa trabaho ng 12 sa 24 na ilegal na dinismis, kabilang sa mga nakamit ng unyon sa CBA ang pagbigay ng “disenteng separation package” sa 12 di naibalik sa trabaho; dagdag-sahod para sa mga manggagawa (5.25 porsiyento sa unang taon), 3.5 porsieynto sa pangalawang taon, at 3.5 porsiyento sa pangatlong taon); at halos 200 kontraktuwal ang ireregularisa.
Kapalit nito, nagkasundo ang manedsment at unyon na di-ipagpatuloy ang pagsampa ng mga kaso sa isa’t isa.

“Gusto pa sana namin (ng mas malaking tagumpay), kaugnay ng bilang ng mga opisyal na maibabalik sa trabaho, dagdag-sahod na maipapatupad at ibang ng mga kontraktuwal na ireregularisa. Pero malinaw na signipikanteng pag-abante ang nakamit natin kumpara sa kung ano ang gustong ibigay ng manedsment sa atin noong una,” sabi pa ng unyon.
“Naging malinaw sa amin na di na aaabante pa ang manedsment sa pagtupad sa ating mga hiling at kailangang magsakripisyo sa bahagi natin para makamit ang pinakamagandang kasunduan batay sa kasalukuyang kondisyon,” sabi pa nito.
Pinasasalamatan ng unyon ang mga miyembro nito, gayundin ang mga kaanak ng mga manggagawa, kapwa-manggagawa, progresibong mga organisasyon at grupong party-list, institusyong maka-manggagawa, mambabatas, mga migrante, at kamanggagawa at mamamamayan mula sa ibang bansa na sumuporta sa laban ng mga manggagawa ng NXP.
“Maraming leksiyon na nakamit sa paglabang ito. Pangunahin dito ang pangangailangan ng pagkakaisa at kolektibong pagkilos sa pagdepensa at pagtaguyod ng mga karapatan ng mga manggagawa,” sabi pa ng unyon.