Sundalong Kano na suspek sa pagpaslang sa Pinoy, pinasusuko
Hiniling ng progresibong mga grupo sa administrasyong Aquino na igiit sa gobyernong US, lalo na sa US Navy, na isuko ang sundalong Amerikano na suspek sa pagpaslang sa isang Pilipino na nasa kustodiya nito.
Hiniling ng progresibong mga grupo sa administrasyong Aquino na igiit sa gobyernong US, lalo na sa US Navy, na isuko ang sundalong Amerikano na suspek sa pagpaslang sa isang Pilipino na nasa kustodiya nito.
“Kailangang igiit ng gobyernong Pilipino ang pambansang kasarinlan at criminal jurisdiction sa sundalong Amerikano. Hindi siya dapat payagang umalis ng bansa at dapat na agad na isuko siya sa mga Pilipinong awtoridad para sa sapat na imbestigasyon at pagkulong,” sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Isang Pilipinong transgender ang natagpuang patay sa Celzone Lodge sa Olongapo City matapos huling makita kasama ang isang “dayuhan”, na nagpag-alamang isang US Marine, noong Sabado, Oktubre 11.
Naglunsad ng imbestigasyon ang lokal na pulisya ng lungsod. Pero ayon sa mga ulat, pinigilan ito ng US Navy na makapasok sa mga barkong pandigma na nakadaong ngayon sa piyer ng Olongapo City.
Kinumpirma ng publikasyong Marine Corps Times, batay sa isang “internal Navy memo”, na “ikinulong” sa barkong pandigma ng US Navy na USS Peleliu ang di-pinangalanang US Marine habang iniimbestigahan ng US Naval Criminal Investigative Service ang insidente.
R&R ng sundalong Kano
Ayon sa mga saksi, pumasok sa isang hotel ang biktima, kasama ang isang Amerikanong sundalo na nakilala nito sa isang bar sa Magsaysay Drive sa nasabing lungsod.
Pero matapos lamang ang ilang minuto, lumabas nang mag-isa ang dayuhan sa hotel. Isang attendant ang nakadiskubre sa labi ng biktima sa comfort room ng inupahang kuwarto ng dalawa. Pinaghihinalaan ng lokal na pulisya ng Olongapo City na pinaslang ng sundalong Kano ang Pilipino dahil sa kasarian ng huli.
Iniulat ng Marine Corps Times na nagmula sa “2nd Battalion, 9th Marines” na nakabase sa Camp Lejeune, North Carolina, USA ang suspek. Ang naturang infantry unit ay nasa Pilipinas bilang bahagi ng ehersisyong militar sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Pinangangambahan ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus na maaaring maulit ang inhustisya na dulot ng VFA sa kababaihang inabuso, ginahasa at pinatay ng mga sundalong Amerikano dahil sa ipinauubaya ng gobyerno ng Pilipinas ang mga salarin sa kamay ng armadong puwersa ng US.
“At lalo na ngayon, sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA, ang regalo ni Noynoy (Aquino) kay US Pres. (Barack) Obama, ibabalik pa ang military bases ng Kano, kaya lalong maglilipana ang prostitusyon at human rights violations sa buong bansa,” ayon kay De Jesus.
Mga barkong pandigma, huwag paalisin
Nanawagan ang grupong pangkabataan na Anakbayan sa gobyerno na pigilan ang pag-alis ng USS Peleliu sa Pilipinas para maimbestigahan at agad na arestuhin ang Amerikanong sundalo na sangkot sa pagpatay.
“Hindi dapat pahintulutan makatakas at dapat managot ang mga sundalong Amerikano. Gayundin, ang EDCA at lahat ng operasyon ng US sa bansa ay dapat agad na itigil,” ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.
Kinatigan ito ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, na nagsabing dapat na pangunahan ng gobyerno, lalo na ng Department of Foreign Affairs, ang pagpigil na makaalis ang mga barkong pandigma ng US na nakadaong sa Olongapo habang iniimbestigahan ang kaso.
Para naman kay De Jesus, hindi na dapat maulit ang masaklap na karanasan ng biktimang si “Nicole” (hindi tunay na pangalan) nang hayaang makatakas patungong US si Lance Corporal Daniel Smith kahit nahatulan sa kasong rape noong 2009.
“Sana naman, magkaroon ng paninindigang makabayan itong si Pangulong Aquino at igiit na iharap as hukuman ng Pilipinas ang suspek, at huwag hayaang yurakan muli ng VFA ang ating soberanya,” ayon kay De Jesus.
Hate crime?
Nakiisa ang Kapederasyon, organisasyon ng mga miyembro ng sektor ng LGBT sa pagkondena sa krimen.
“Nananawagan kami ng isang masusing imbestigasyon at mabilis na hustisya, at binabalaan ang gobyerno (dahil) magiging mapagmatyag tayo sa mga hakbang para pagtakpan ang katotohanan ng kaso at bigyan ng espesyal na pagtrato ang suspek na kinilala na isang sundalong Amerikano,” sabi ni Corky Hope Maranan, tagapagsalita ng Kapederasyon.
Sinabi rin ni Maranan na patunay ang kaso ng matinding diskriminasyon at pang-aapi sa mga miyembro ng LGBT, lalo na sa hanay ng mga militar na nasanay sa “kulturang patriyarkal at macho“.
“Magpapatuloy ang kawalang-paraya (intolerance) na ito hangga’t patuloy na kinukunsinti ang di-normal na pagtrato sa LGBTs. Nakakaambag din sa pagpapatuloy ng kultura ng kamuhian at karahasan sa aming sektor ang kawalan ng batas na tumutugon sa problemang ito,” sabi pa ni Maranan.
Tinatayang umabot sa 4,000 US Navy personnel ang nasa bansa dahil sa taunang “Phiblex navy exercises” mula Setyembre 29 hanggang Oktubre 10. Nasa Olongapo ang maraming barkong pandigma na lumahok sa ehersisyong militar para sa “rest and recreation” (R&R).
Ayon sa Gabriela, kadalasang nagaganap ang mga R&R na ito ng mga sundalong Amerikano sa mga bar at iba pang katulad na lugar sa Olongapo City, Zambales at Angeles City, Pampanga. Sa mga lugar na ito, natutulak ang maraming kababaihan na lumahok sa prostitusyon dahil sa kahirapan, sabi ng grupo.