Main Story

US bases, pinalayas na pero nasa Pinas pa


Setyembre 16, 1991, pinalayas ng mga Pinoy ang mga base militar ng United States sa Subic at Clark. Pero hindi talaga sila umalis.

Magtatayo ng military repair hub ang United States (US) Department of Defense (DOD) sa Pilipinas ngayong taon. Ayon sa ulat ng Nikkei Asia nitong Set. 4, dito na gagawin ang pagkumpuni, maintenance at overhaul ng mga barko, eroplano, sasakyan at mga kagamitang pandigma ng US.

Bahagi ito ng regional sustainment framework ng DOD na layong padaliin ang pag-deploy ng mga kagamitang pandigma sa Indo-Pasipiko sa pamamagitan ng mas mahigpit na pakikipagtulungan sa mga alyado nitong bansa sa rehiyon.

Paliwanag pa ng DOD, mas madali at matipid kung sa mga bansang malapit sa mga naka-deploy nitong puwersa gagawin ang pagkumpuni, maintenance at overhaul kaysa dalhin pa ang mga barko at iba pang kagamitan sa US.

Ayon kay US Defense Assistant Secretary for Sustainment Christopher Lowman, hindi na nila kakailanganing magtayo ng mga bagong pasilidad, kundi gagamitin o pauunlarin na lang ang mga pasilidad ng mga alyadong bansa.

“Sinasamantala natin kung anong mayroon na at gumagawa ng kinakailangang pagbabago para tugunan ang mga espesipikong pangangailangan ng US sa pamamagitan ng mga joint venture arrangement,” ani Lowman sa isang panayam.

Sinamahan ni Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang pag-inspeksiyon ni United States Indo-Pacific Command chief Gen. Samuel Paparo sa bagong Enhanced Defense Cooperation Agreement site sa Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga noong Ago. 28. Armed Forces of the Philippines

Noong Marso pa nakipagpulong si Lowman kay Philippine Department of National Defense Assistant Secretary Joselito Ramos sa Pilipinas para talakayin ang kapasidad sa logistics, maintenance at overhaul ng mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa.

Bukod sa Pilipinas, magtatayo rin ng mga repair hub ang US sa South Korea, Japan, Singapore at Australia ngayong 2024, at sa iba pang mga bansa sa Europa at Latin America sa mga susunod na taon.

“Ang plano ay gawing isang higanteng talyer ang Asya para sa mga sasakyang pandigma ng US. Senyales ito ng papalaking deployment ng mga sasakyang pandigma at bahagi ng paghahanda ng US sa giyera sa rehiyon,” sabi ni Renato Reyes, pangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Dagdag niya, dapat tutulan ang ganitong mga pakana dahil hindi ito magdadala ng seguridad sa bansa kundi lalo pa aniyang magpapalala ng sitwasyon sa rehiyon.

“Nakakaladkad tayo sa giyera na hindi naman natin gusto o wala sa interes natin,” ani Reyes.

Nitong Ago. 30, inispeksiyon ni Admiral Samuel Paparo, hepe ng US Indo-Pacific Command (Indopacom), ang Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga, isa sa mga unang tinukoy na EDCA site sa bansa. Umabot na sa P1.8 bilyong ginastos ng US sa pagsasaayos at pag-upgrade ng naturang base na itinuturing ngayong pinakamalaking proyekto ng EDCA sa bansa.

Nangako naman ang US ng $500 milyong (P29 bilyon) ayudang militar kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo.

Itatayo ang military repair hub ng DOD sa Pilipinas 33 taon matapos ang makasaysayang pagpapalayas sa mga base militar ng US sa Subic Naval Base sa Zambales at Clark Air Base sa Pampanga.

Ginamit ang Subic at Clark bilang himpilan ng mga tropang militar at pagawaan at imbakan ng suplay ng US at naging pinakamalaki nitong base militar sa labas ng Amerika matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Naging sentro rin ang mga ito ng operasyong militar ng US sa buong Asya at lunsaran ng mga pagsalakay ng US sa Vietnam, Korea, Iran at iba pang bansa sa Gitnang Silangan noong Gulf War.

Mula 1947, nakapagtala ng mahigit 30 kaso ng pagpatay, pamamaril, pagdukot at panggagahasa ng mga sundalong Amerikano laban sa mga Pilipino sa loob ng Subic at Clark. Lumaganap ang prostitusyon at karahasan sa kababaihan sa paligid ng mga base ng US.

Sa loob ng limang dekada, tuloy-tuloy na inilaban ng sambayanang Pilipino ang pagpapaalis sa mga base militar ng US sa bansa. Naitulak ang Senado na ibasura ang panukalang palawigin ang Military Bases Agreement noong Set. 16, 1991 kasunod ng protestang nilahukan ng mahigit 170,000 Pilipino.

Pero ang pinalayas, hindi umalis. Lalo pang dumami at dumalas ang presensiya ng mga tropang militar ng US sa Pilipinas. Nagpapabalik-balik ang mga tropa ng US sa pamamagitan ng “rotational deployment” sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) na pinirmahan noong 1998.

Noong 2014, pinirmahan naman ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang EDCA na nagpahintulot sa US na gamitin ang limang kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang base militar ng US. Tinustusan ng Pilipinas ang libreng paggamit ng US sa mga EDCA site bilang imbakan ng mga sasakyan, sandata, kagamitan at tropang militar.

Sa pagbalik ng mga base militar ng US, nagbalik rin ang mga kaso ng karahasan at pagsasamantala, lalo na sa kababaihan. Nahatulang guilty pero napalaya at nakabalik ng US ang mga sundalong Amerikano sa Subic Rape Case noong 2005 at Jennifer Laude Murder Case noong 2014.

Naging batayan ang pagpirma ng EDCA sa pagsasampa ng kasong impeachment laban kay Aquino noong 2014 dahil sa paglabag nito sa Konstitusyon at soberanya ng bansa.

Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kina United States Defense Secretary Lloyd Austin III at State Secretary Antony Blinken sa Malacañang noong Hulyo para pag-usapan ang pagpasok ng mas maraming tropang Amerikano sa Pilipinas para umano depensahan ang bansa at ang Indo-Pacific region sa banta ng China. Presidential Communications Office

Pinalawig naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kasunduan at nagbigay pa sa US ng apat na karagdagang EDCA site sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela at Palawan noong 2023.

Ayon naman sa Communist Party of the Philippines (CPP), may walo pang lihim na base ang US sa loob ng bansa bukod sa siyam na deklaradong EDCA site.

“May ilandaang tropang Amerikano na nakapakat sa bansa. Tinatauhan nila ang hindi bababa sa 17 base militar ng US, kabilang ang siyam na itinayo sa balangkas ng EDCA, pati na ang iba pang base militar na hindi nila isinasapubliko,” sabi ng CPP.

Kahit wala na ang mga base sa Subic at Clark, pabalik-balik pa rin ang mas maraming sundalong Amerikano sa bansa sa sunod-sunod at malakihang joint military exercise na ginagawa sa bansa.

Sa tala ng CPP, may inilulunsad na war games ang US sa Pilipinas kada dalawang araw mula noong Enero hanggang Enero nitong Agosto.

“Naitala ang mga war games na ito sa loob ng hindi bababa sa 105 sa 244 araw, kung saan pinakamatagal at walang-patlang mula Abril 7 hanggang Hunyo 21 (76 araw). Sa kabuuan, lumahok sa mga ito ang hindi bababa sa 21,000 tropang Amerikano, mga sundalong Australian, Canadian, Japanese, French at iba pang mga dayuhang tropa,” sabi ng CPP.

Kakatapos lang nitong Ago. 30 ng Whole of Government (WOG) interagency counterterrorism exercise Tempest Wind 2024 na ginanap sa bansa at nilahukan ng mahigit 350 tauhan mula sa iba’t ibang ahensiyang sibilyan at militar ng US at Pilipinas. Layon umano ng pagsasanay na pahigpitin ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa paglaban sa terorismo.

“Kabi-kabila ang mga ‘humanitarian mission’ ng tropa ng US sa Pilipinas para gawing ‘normal’ ang presensiya ng mga sundalong Amerikano sa mga sibilyang komunidad,” ayon sa CPP.

Ayon sa administrasyong Marcos Jr., makakatulong ang dagdag na EDCA sites sa pagdepensa mula sa banta ng China sa mga teritoryo at soberanya ng Pilipinas.

Pero mula nang pirmahan ang EDCA, lalo pang dumami ang mga instalasyon at pasilidad militar ng China sa mga bahurang saklaw ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Lalo namang tinambakan ng puwersang militar ng China ang West Philippine Sea (WPS) nang buksan ni Marcos Jr. ang mga bagong EDCA site.

Dahil naman sa sunod-sunod na insidente ng salpukan ng mga barko ng Philippine at China Coast Guard sa nakalipas na buwan, humirit ang US sa Pilipinas na paigtingin pa ang presensiya nito sa WPS sa pamamagitan ng pagpapalawig ng Mutual Defense Treaty (MDT).

Pinirmahan ng US at Pilipinas ang MDT noong 1951 na nagbibigay pahintulot sa US na manghimasok sa oras na may sumalakay sa isa mga partidong bansa.

Ikinabahala ito ng mga Makabayang kongresista dahil maaring magdulot pa ito ng higit na presensiya at base miiltar ng US sa bansa.

“[Ang pagpapalawig ng MDT] ay lalo lang magtatali sa Pilipinas sa geopolitical na ambisyon ng US na magkokompromiso sa ating pambansang soberanya,” sabi ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas.

Pagpupulong ng mga kinatawan gobyerno at militar ng United States at Pilipinas sa Baguio City noong Ago. 29 para sa pagpapaigting ng Mutual Defense Treaty. Kasama sa pulong sina United States Ambassador MaryKay Carlson, United States Indo-Pacific Command chief Gen. Samuel Paparo at Armed Forces of the Philippine chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. United States Navy

Sa pakikipagpulong naman ni Paparo kay AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. para sa 2024 Mutual Defense Board and Security Engagement Board (MDB-SEB) Meeting nitong Ago. 29, inalok nitong samahan ng mga barkong pandigma ng US ang mga re-supply mission ng AFP sa WPS.

Pero para sa mga mangingisdang Pilipino, hindi pagtulong ang layunin ng US sa alok ni Paparo kundi pang-uudyok lang ng tensiyon sa China.

“Sakaling matulak ang China na mas maging marahas sa mga Pilipino dahil sa presensiya ng mga barko ng US, siguradong tayo ang mapupuruhan at sasalo ng mas malaking pinsala, hindi ang tropa ng Amerika,” sabi ni Ronnel Arambulo, pangalawang tagapangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas).

Perhuwisyo na aniya sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino ang tunggalian ng US at China.

“Wala kaming nakikitang ibang solusyon sa lumalaking presensiya ng China Coast Guard vessels sa WPS kundi itulak ang demilitarisasyon sa teritoryal na pangisdaan ng bansa. Saklaw nito hindi lang ang mga barkong militar ng China, kundi maging ng mga bansang karibal nito tulad ng US, Japan at Australia,” ani Arambulo. 

Dapat din aniyang ipamalas ng mga Pilipino ang sariling paninindigan para sa karapatan sa teritoryo laban sa China nang walang impluwensya ng dayuhang kapangyarihan.

“Nananawagan kami sa mga Pilipinong mangingisda, mga patriyotikong indibidwal at tagapagtaguyod ng pambansang soberanya na huwag payagang maging kasangkapan ang Pilipinas sa giyerang inihahanda ng US na maghahatid sa atin sa higit na paghihirap at kawalang kalayaan,” sabi ni Arambulo.

Ipinaalala naman ng CPP ang kahalagahang balikan at isabuhay ang pakikibaka ng mamamayan laban sa mga base militar ng US. Sinabi rin nitong, ikasasawi ng kalayaan ng Pilipinas kung kakalimutan ang mahabang kasaysayan ng makabayang pakikibaka.

“Karugtong na pakikibaka para sa tunay na kalayaan ang kasalukuyang pakikibaka laban sa bagong mga base militar ng US, mga tagibang na kasunduang militar, at nagpapatuloy na panghihimasok at pamamayagpag ng mga puwersang militar ng US sa Pilipinas,” sabi ng CPP.