Karapatang Pantao Main Story

Mga bata, gurong Lumad na nakipagdiyalogo sa DepEd, dismayado sa tugon ni Luistro


Dismayado ang mga bata at guro ng alternatibong mga paaralan ng Lumad sa Mindanao na di kaya umano sila kayang proteksiyunan ni Education Sec. Armin Luistro mula sa mga atake ng militar. Sinabi ng Save Our Schools (SOS) Network, grupong nangangampanya para sa proteksiyon ng mga paaralan mula sa atake ng militar, na tila nag-aatubili […]

Inawit ng mga batang Lumad ang Pambansang Awit ng Pilipinas bilang pagpapasimula ng kanilang klase sa harapan ng Dep-Ed. Macky Macaspac
Inawit ng mga batang Lumad ang Pambansang Awit ng Pilipinas bilang pagpapasimula ng kanilang klase sa harapan ng DepEd. Nagpasya ang SOS Network na sa harapan ng kagawaran ilunsad ang klase bilang protesta sa pananakop daw ng mga militar sa kanilang mga paaralan sa Mindanao.  Macky Macaspac

Dismayado ang mga bata at guro ng alternatibong mga paaralan ng Lumad sa Mindanao na di kaya umano sila kayang proteksiyunan ni Education Sec. Armin Luistro mula sa mga atake ng militar.

Sinabi ng Save Our Schools (SOS) Network, grupong nangangampanya para sa proteksiyon ng mga paaralan mula sa atake ng militar, na tila nag-aatubili si Luistro na proteksiyunan ang mga bata. Muli pa umanong hinihingal sila ng mga ulat ng pang-aabuso ng mga sundalo sa kanilang mga komunidad at eskuwelahan.

Nakipagdiyalogo kahapon, Disyembre 2, ang SOS Network kay Luistro hinggil sa pagbabasura ng department memo na ginagamit umano ng militar para okupahin ang kanilang mga eskuwelahan. Pero ayon kay Madella Santiago, tagaapgsalita ng SOS Network, tila pareho lang ang takbo ng pakikiapg-usap nila kay Luistro sa pakikipag-usap ng grupo kay Assistant Sec. Tonisito Umali noong isang linggo.

“Ito ang unang pagharap ni Sec. Luistro sa amin, matapos ang dalawang taon na pakikipag-usap sa mga opisyal ng DepEd. Pero nakakadismaya na sabihin niyang kailangan pa naming ulit ibigay sa kanya ang mga reklamo ng pang-aabuso ng militar sa mga paaralan sa Mindanao,” sabi ni Santiago.

Sa diyalogo, pinakinggan ni Luistro ang reklamo ng mga guro at istap mula sa Tribal Filipino Program, Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev), Salugpongan Tatanu Igkanugon Learning Center at ang Rural Missionaries of the Philippines na may mga eskuwelahan sa Mindanao.

Muling ipinanawagan nila na paalisin ang militar sa mga paaralan ng mga katutubo sa Mindanao o makumbinsi si Pangulong Aquino na paalisin o pagbawalan man lang ang militar na gamitin ang mga paaralang Lumad.

“Subukan kong iparating ang usapin pero hindi ko alam kung papakinggan ako,”  tugon ni Luistro sa grupo.

Sinabi rin niya na Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dapat sumagot sa isyu ng pagbabansag na paaralan ng rebeldeng New People’s Army ang alternatibong mga eskuwelahan ng mga Lumad

Hinikayat din ng kalihim na ayusin ang dokumentasyon ng mga reklamo at mabigyan sila ng kopya. Magpapatawag din daw siya ng espesyal na pulong ng Inter-Agency Committee on Children in Armed Conflict (IAC-CIAC) para ihapag at pag-usapan ang mga reklamo.

Binuo noong nakaraang taon ang IAC-CIAC, sa bisa ng Executive Order 138, para matutukan daw ang mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga bata na sa panahon ng armadong tunggalian.  Binubuo ito ng mga ahensiya ng gobyerno kasama ang AFP at DepEd, pero nasa pamumuno ng Council for the Welfare of Children.

Ayon kay Luistro, ito raw ang tamang ahensiya para resolbahin ang mga kasong inihahapag ng SOS Network.  “Ang aming kasunduan (SOS Network), pangungunahan ng DepEd at magiging tulay kami para mailahad ang lahat ng kanilang mga dokumento at mga salaysay at idudulog namin ito sa (komiteng) inter-agency,” aniya sa midya.

Humarap si Sek. Armin Luistro sa mga batang Lumad na kasama ng grupong SOS Netwrok.  Nangako ang kalihim na tutugunan daw niya ang mga reklamo ng mga ito.  Macky Macaspac
Humarap si Sek. Armin Luistro sa mga batang Lumad na kasama ng SOS Netwrok. Nangako ang kalihim na tutugunan daw niya ang mga reklamo nila. Macky Macaspac

Iginiit din ng kalihim na hindi kailangang magkaroon ng panibagong memorandum. Kailangan lang daw na magdagdag o mag-amyenda para maging mahigpit ang pagpapatupad sa Memorandum 221.

Actually, hindi siya bagong memo, kasi meron tayong Memo 221 (dahil) inilalahad doon ang basis: Unang-una, walang eskuwelahang pribado, NGO, o kaya ay public na nakakapasok ang mga lalaki, military uniformed personnel na hindi sinusunod ang ating guidelines,” sabi ni Luistro.

Pero may exemption daw para sa “non-military activities” tulad ng  “brigada eskuwela” at kailangan nakaayon pa rin sa guidelines.

Para sa SOS Network, malabo raw ito dahil bahagi ng kontra-insurhensiyang programa ng gobyerno ang “brigada-eskuwela” at iba pang civilian-military operation.  Mistulang inabandona raw ng DepEd ang  responsabilidad nito na proteksiyunan ang mga bata.

Ayon naman sa pagkakatiwalaang source ng Pinoy Weekly na ayaw pabanggit ng pangalan, matagal na raw nabigyan ng kopya ng dokumentasyon ng mga reklamo ang komiteng inter-agency. Sa katotohanan daw, nagpulong ang komiteng inter-agency noong Oktubre at kasama na sa naihapag ang kaso ng Salugpongan.

Gayundin, may hiwalay na mekanismo ang United Nations Children’s Fund (Unicef) para imonitor ang “six child rights violations” na inilahad ng UN at nakapaloob din sa Memo 221. Ayon sa naturang impormante, nabibigyan daw  ng kopya nito ang IAC-CIAC.

Ipinagtataka ng mga organisasyong nagtataguyod ng karapatan ng mga bata kung bakit hindi naaksiyunan at paulit-ulit ang tugon ng DepEd sa mga kaso.

“Nakapanlulumo ang mga sinabi ni Sec. Luistro sa dialogue. Matapos niyang pakinggan nang personal ang karaingan ng mga bata at guro, idadaan niya sa proseso ng burukrasya ang pagresolba nito,” ani Gabriela Rep. Emmi de Jesus, na umupo rin sa diyalogo.

Makeshift classroom ng mga batang Lumad sa harapan ng Dep-ed.  Macky Macaspac
Makeshift classroom ng mga batang Lumad sa harapan ng DepEd. Macky Macaspac

Sinabi pa ni De Jesus na kailangang agad na harapin ni Luistro ang usapin dahil nakataya ang seguridad ng mga bata at  guro na humarap sa diyalogo.  Hindi raw kasi ginarantiyahan ni Luistro ang kaligtasan ng mga ito sa pagtanggi niya na paalisin ang militar sa komunidad.

“Dapat ipakita niya ang kanyang lakas bilang kalihim ng DepEd, na ang para siya sa kagalingan ng bata. We will hold him accountable and his department kung may mangyari pa sa mga batang ito,” aniya.

Idinagdag naman ng SOS Network na bagamat dismayado sila, ipapasa nila ulit sa kagawaran ang dokumentasyon ng mga paglabag ng mga miilitar at iginiit ang pagbasura ng Memo 221.

“Gagawin namin ang bahagi naming at inaasahan namin na gagawin din ni Sec. Luistro ang kanyang commitment at huwag niyang ipasa sa ibang ahensiya ng gobyerno ang pagresolba sa problemang inhahapag naming sa kanya,” ani Santiago.

Bahagi ang SOS Network ng Manilakbayan ng Mindanao, ang kampanya ng mga grupong Lumad at grupong pangkarapatang pantao sa Mindanao na dalhin sa Kamaynilaan ang isyu ng malawakang paglabag ng karapatang pantao sa Mindanao.

Kasakuluyang nakakampo ang mahigit 300 Lumad na naglakbay mula Mindanao sa Liwasang Bonifacio hanggang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao sa Disyembre 10.