Pangakong bonus sa guro, di pa rin binibigay
Sumugod sa tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga guro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) para singilin ang nasabing ahensiya sa di pa rin pagbigay sa kanila ng performance-based bonus (PBB) mula pa noong Setyembre. “Setyembre ang pangako, hanggang ngayon wala pa. Tanong namin kung may darating pa ba dahil marami […]
Sumugod sa tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga guro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) para singilin ang nasabing ahensiya sa di pa rin pagbigay sa kanila ng performance-based bonus (PBB) mula pa noong Setyembre.
“Setyembre ang pangako, hanggang ngayon wala pa. Tanong namin kung may darating pa ba dahil marami na sa mga guro ang nagtatanong sa amin. Hindi tuloy namin maiwasan isipin kung saan napupunta ang pondo para sa benepisyo ng mga guro,” ayon kay Joy Martinez, mula sa ACT-National Capital Region.
Ang PBB na ibibigay sa mga kawani ng gobyerno ay anyo ng bonus na binibigay nang minsanan sa mga kawani ng gobyerno sa halagang P5,000 hanggang P35,000. Depende ang halaga sa makukuhang ratings ng mga ito na itinatakda ng bawat ahensiya.
Sa kaso ng Department of Education, ito ang drop-out rate, national achievement test performance, at liquidation ng operating funds ng eskuwelahan.
“Nagdaan na ang bagyong Ruby, marami sa mga guro ang naging biktima lalo na sa mga nasalantang lugar ang nangangailangan na nito. Hindi kami ng lilimos sa inyo (DBM), ito’y karapatan namin dahil hanggang ngayon matatapos na ang taon wala pa ring malinaw kung kailan ninyo ibibigay ito,” sabi pa ni Martinez.
Bagamat hinihiling ng mga guro ito ngayon, tutol ang ACT sa iskemang PBB dahil mapanghati umano ito. Hindi na raw kailangang ibatay pa sa performance ng mga guro ang kanilang bonus dahil sobra-sobra na kung tutuusin ang serbisyong ibinibigay nila, ayon sa ACT.
Mauuwi lamang umano ito sa pag-aaway-away ng mga guro sa bansa. Nanawagan silang ibalik ng gobyerno ang P10,000 performance enhancement incentive (PEI) na tinanggal sa mga guro.
“Wala na ngang dagdag na suweldo. Binabawasan pa tayo ng mga benepisyo,” ayon kay Martinez.
Hindi rin kasalanan ng mga guro kung tumataas ang bilang ng drop-outs. Iba’t iba umano ang dahilan ng drop-outs, gaya ng nasunugan ng bahay, nawalan ng hanapbuhay ang mga magulang, dinemolis ang mga kabahayan, at iba pa, ayon sa ACT.
“Kung nais nilang maging produktibo higit ang mga guro sa bansa, dapat taasan ng gobyerno ang badyet sa edukasyon. Seryosong tugunan nila ang kakulangan sa mga publikong paaralan gaya ng klasrum, upuan, libro, at iba. Higit sa lahat, dapat taasan ang sahod ng mga guro para makagampan ng maayos sa kani-kanilang tungkulin,” ayon kay Martinez.
Wala namang inilaan na dagdag na sahod para sa mga guro ang ipinasang badyet sa Kongreso para 2015.
Tanging si Pangulong Aquino lang sa lahat ng naging presidente ang di-nagbigay ng dagdag-sahod sa mga guro. Panawagan ng ACT na itaas ang sahod ng mga guro mula P18,500 tungo sa P25,000 at P15,000 mula P9,000 para sa mga kawani.