Kababaihan Main Story

Mga batang salamin ng lipunan


Madalas ituring ang mga bata na isang biyaya. Liban sa pag-asa sila sa kinabukasan, nakapagbibigay sila ng tuwa sa bawat pamilya, at nakakaalis din ng pagod. Sa kanilang taglay na katangian, nararapat lang na arugain sila, pakainin, pag-aralin, gabayan at hayaang sa kanilang paglalaro at pakikisalamuha sa kapwa ay ganap na umunlad at lumaking kapaki-pakinabang […]

Si Petang, batang sakada. <b>Cynthia Espiritu</b>
Si Petang, batang sakada. Iya Espiritu

Madalas ituring ang mga bata na isang biyaya. Liban sa pag-asa sila sa kinabukasan, nakapagbibigay sila ng tuwa sa bawat pamilya, at nakakaalis din ng pagod.

Sa kanilang taglay na katangian, nararapat lang na arugain sila, pakainin, pag-aralin, gabayan at hayaang sa kanilang paglalaro at pakikisalamuha sa kapwa ay ganap na umunlad at lumaking kapaki-pakinabang na mamamayan. May mga karapatan silang dapat kilalanin, ipagtanggol at proteksiyunan.

May mga batang ikinukubli o tinataboy ng gobyerno para di mailantad ang bakas ng kahirapan. Pero mayroon din sa kanila na sadyang nakatago, hindi nakikita pero laganap sa buong bayan. Sila ang mga batang manggagawa. Tulak ng labis na kahirapan, napipilitan silang magtrabaho para makatulong sa kabuhayan ng pamilya.

Sa pananaliksik ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), napag-alamang sa bawat 10 pamilya, may dalawang bata na sa edad lima hanggang 17 na nagtatraho. Ayon kay Anna Leah Escresa-Colina, executive director ng Eiler, “Hindi tamang maliitin ang datos dahil kinakailangang matiyak na walang batang nagtatrabaho at napagsasamantalahan.”

Ang higit pang nakakapag-alala ay ang katotohanan sa likod ng mga datos. Ang dinadanas nila sa araw-araw at ang mga sitwasyong ninanakaw ang kanilang lakas at kabataan para sa kanilang kinabukasan.

Ang buhay ni Jeraldine Macapaar Aboy, o kilala sa palayaw na Petang, beneficiary ng Eiler sa programa nitong Bata-Balik Eskwela Project, ay larawan din ng iba pang mga batang manggagawa at sumasalamin sa kasalukuyang kalagayan ng ating lipunan.

Sa loob ng plantasyon

Si Petang, 14, ay ipinanganak sa San Nicolas, Don Carlos, Bukidnon. Siya’y pangalawa sa limang magkakapatid. Mula siya sa tribo ng Manobo Pulangihon na may konting impluwensiya ng Moro. Isa siyang sakada na nagtatrabaho sa isang plantasyon ng tubo.

Isinalaysay ni Petang ang kanyang mga karanasan sa loob ng plantasyon.

“Nagsimula ang aking buhay bilang batang manggagawa nang ako’y sumama sa aking ama na nagtatrabaho sa tubuhan. Limang taong gulang pa lang ako noon,” ani Petang. “Habang nag-aani ng tubo ang aking ama, ako nama’y tagapulot ng kanyang inaning tubo para ikarga sa truck. Halos isang buwan kaming nakatira sa loob ng plantasyon at tumatanggap lamang ng P120 kada araw ang aking ama.”

Subalit nang magkasakit ang ama niya, nagpaalam siya sa “amo” nila na makauwi sa bahay. Pero para mangyari ito, kailangang may kapalit daw, dahil malaki na ang “bale” (advance) nila. Kalakaran sa plantasyon ang mangutang muna bago magkatrabaho, kaya maliit na lang ang natatanggap na sahod. Dahil dito, maiisipan na nilang mangutang.

Ang mga bata ay nagsisilbing ekstensiyon ng lakas paggawa ng mga magulang. Hindi sinasahuran at itinuturing na natural na bahagi ng buhay-bukid ng mga magsasaka at manggagawang bukid ang kanilang partisipasyon sa produksiyon. Sa kabila nito, napakababa pa ng sinasahod ng kanilang magulang.

“Walong taong gulang ako nang maging kapalit ng aking ama sa pagtatrabaho. Kasama ko ang aking tiyuhin na 16 taong gulang,” kuwento ni Petang.

Magkasabay daw silang magtrabaho at magkampo sa tubuhan dahil buwanan bago sila payagan ng amo na makauwi.

Sumasahod lang raw siya ng P120 kada araw. Kapos na kapos ito para tustusan ang pagpapagamot ng ama niya at para din sa pagkain ng pamilya.

“Takot na takot ako noon, lalo na sa gabi, dahil hindi ko na kasama ang aking ama kaya hindi na ako kumportable. Pero kapag naiisip kong kailangan kong buhayin ang aking pamilya biglang lumalakas ang loob ko. Minsan lamang magkaroon ng trabaho ang aking ina dahil inaalagaan din niya ang nakatatanda kong kapatid na ‘special child’ kaya sa murang edad ay kailangan kong magbanat ng buto.” aniya.

Kuha ni <b>Cynthia Espiritu</b>
Kuha ni Iya Espiritu

Natutulak ang mga bata sa paghahanap-buhay hindi dahil gusto ng kanilang mga magulang. Sitwasyon ang nagpupuwersa sa kanila. Pero paano matitiyak na ligtas ang mga bata sa pagsasamantala o pagmomolestiya kung sila’y walang masasandigan at mapagkakatiwalaan sa mga ganitong kundisyon?

“Mahirap sa loob ng tubuhan. Mainit, nakakapagod at nakakatakot dahil may mga ahas,” kuwento pa ni Petang. “Takot ako sa ahas dahil minsan nasaksihan ko nang makagat ang isang batang kasama ko nang kami ay magdamo. Minsan naman, nasugatan ako nang pagkalaki-laki na halos nawalan ako ng ulirat dahil sa dami ng dugo.”

Hindi man lang daw siya pinagamot ng kanyang amo. Nilagyan na lamang ng isang herbal treatment ng tiyuhin niya ang sugat at muling bumalik sa pagtatrabaho. Ganito din ang dinadanas ng iba pang mga bata na nasusugatan, aniya.

Walang proteksiyon

Ayon sa United Nations Declaration on the Convention on the Rights of the Child (UNDCRC), kinakailangang proteksiyunan ang mga bata sa lahat ng pagkakataon, ilagay sila sa ligtas na kalagayan at malayo sa kapahamakan.

Kadalasan hindi lamang aksidente ang inaabot ng mga bata. May mga kaso din ng pagmomolestiya, rape at pisikal na pang-aabuso na nakakarating sa tanggapan ng Eiler. Pero ayon sa grupo, nangangailangan pa rin ng hiwalay na pananliksik tungkol dito.

May mga batas din sa Pilipinas tulad ng Anti-Violence Against Women and Children (Anti-VAWC) at iba pa. Pero hindi nito matiyak ang kaligtasan ng mga bata.

Ayon sa Center for Women’s Resources (CWR), isang institusyong nananaliksik sa kapakanan ng kababaihan at bata, may isang babae o bata na dumaranas ng pambubugbog o pisikal na pang-aabuso kada 55 minuto. Isang babae o bata ang nagagahasa kada 21 minuto, at may 75 porsiyento na mga menor-de-edad na biktima ng panggagahasa. Sa kundisyon ng mga batang manggagawa hindi imposible na sila dumanas din sila ng ganitong mga tipo ng karahasan.

Salaysay ni Petang, “Sampung taong-gulang ako nang matigil sa pag-aaral. Akala ko wala na akong pag-asa kaya nagkasya na lamang akong mangarap bilang isang singer. Dinaan ko lahat ng sakit at hirap sa pagkanta habang nagtatrabaho sa loob ng tubuhan.”

Napatigil siya sa pag-aaral ng apat na taon at Grade IV lamang ang inabot niya dahil nga tumutok na lamang siya sa pagtatrabaho.

“Nawalan na ako ng pag-asa na makapag-aral muli dahil walang mapagpipilian kundi ang mapilitang umako ng responsabilidad. Mahirap talaga ang maging mahirap. Kundi lang naagaw ang aming lupa, ang lupa ng aming ninuno di sana’y may kabuhayan pa kami. Ang kahirapan at kawalan kasi ng lupa ang naging dahilan kung bakit kaming mga batang katutubo ay napipilitang maging batang manggagawa,” kuwento pa ni Petang.

Ang paglutas sa lumalaking bilang ng mga batang manggagawa ay hindi nahihinto sa pagkakaroon at pagpapatupad lamang ng mga batas, ayon sa Eiler. Habang hindi inuugat ang suliranin sa kawalan ng lupa ng mga maralitang magsasaka, hanggang ang lupang tinubuan ay nasa kamay ng iilang panginoong maylupa at kapitalista, mananatiling laganap ang presensiya ng mga batang manggagawa sa ating lipunan.

Pagbawi sa pagkakataon

Masalimuot man ang buhay-bata ni Petang, hindi siya napanghihinaan ng loob ngayon dahil sa kagustuhang matupad ang kanyang mga pangarap. Laking tuwa niya dahil may mga grupo tulad ng Eiler na sumusuporta sa kanya upang makabalik sa paaralan.

Sa pagtatapos ni Petang, hindi lamang ang sarili ang kanyang nais makabangon.

“Mabuti na lang at napunta sa aming lugar ang programa ng Eiler. Nagkaroon ako ng pag-asa na makapag-aral muli. Hindi nga alam ng aking mga magulang noon na kusa akong pumasok sa Bata-Balik Eskwela Project. Sana marami pang mga batang manggagawa ang matulungan ng programang ito. Alam kong ito ang magiging tulay ng aking mga pangarap,” sabi pa niya.

Karapatan ng bawat bata ang makapag-aral. Pangarap din ito ng bawat magulang sa kanilang mga anak. Pero hindi libre ang edukasyon sa bansa. Nauudlot ang pag-aaral ng mas nakararami at kulang sa kalidad ang serbisyong pang-edukasyon ng gobyerno. Sa harap nito, patuloy ang paggiit ng iba’t ibang organsiasyong masa sa gobyerno para huwag talikuran ang tungkuling magbigay ng serbisyong panlipunan.

Kapag namamalas ang kalagayan ng mga bata, nasasalamin na rin kung anong uri ng lipunan mayroon sa kasalukuyan. Kung kayat ang paglutas sa kanilang abang kalagayan ay kasabay din ng pagkamit ng batayang mga kahilingan ng kanilang mga magulang: Tunay na reporma sa lupa na magbibigay daan upang magkaroon ng marangal na hanapbuhay at tunay na pagbabago sa lipunang Pilipino.