Komentaryo Main Story

Halaga ng kanyang bisita


Kung mayroon mang pagkakataon sa modernong kasaysayan ng Metro Manila na literal na tumitigil ang halos lahat ng gawain at natipon ang mga tao sa isang lugar, ito’y tuwing bumibisita ang Santo Papa—ang lider ng Simbahang Katoliko. Walang sinabi ang mga panahon ng laban ni Manny Pacquiao. At kahit pa milyon din ang dumadalo sa enggrandeng […]

Ibinibentang Pope Francis paraphernalia, bago ang simula ng Pista ng Poong Nazareno. <b>KR Guda</b>
Ibinibentang Pope Francis paraphernalia, bago ang simula ng Pista ng Poong Nazareno sa Quiapo, Manila. KR Guda

PW-POPE-FRANCIS-SA-PINAS-iconKung mayroon mang pagkakataon sa modernong kasaysayan ng Metro Manila na literal na tumitigil ang halos lahat ng gawain at natipon ang mga tao sa isang lugar, ito’y tuwing bumibisita ang Santo Papa—ang lider ng Simbahang Katoliko. Walang sinabi ang mga panahon ng laban ni Manny Pacquiao. At kahit pa milyon din ang dumadalo sa enggrandeng mga pagtitipon ng Iglesia ni Cristo, nananatiling Katoliko pa rin ang mayorya ng mga Pinoy—at may matinding pagmamahal sa Santo Papa.

Pang-apat na beses pa lang ngayon na bumibisita ang Papa sa Pilipinas. Isang beses ko pa lang malay na naranasan ang pagbisita. Noong 1995, katulad ko ang milyun-milyong kabataan noon na lumahok sa World Youth Day sa Maynila. Freshman ako sa kolehiyo, at noo’y naisama ng mga kaibigan sa isang study center ng konserbatibong grupong Katoliko na Opus Dei para lumahok sa nasabing event. Ala-Woodstock—pero walang sex, drugs o rock n’ roll—na ilang-araw na nagkampo ang mga tao sa parke. Lahat siguro ng tindera, nasa Luneta. Walang pasok sa mga eskuwela. Pati petty criminals, sabi noon ng PNP, pansamantalang hininto ang trabaho.

opinyon-iconMahigit tatlong oras din kaming naghintay sa harap ng Papal Nuncio sa Taft Avenue para sa ilang segundong pagkaway ni Pope John Paul II sa bintana. “Viva Il Papa,” ang sigaw namin noon. At sa Luneta, nang paikutin ni John Paul II ang kanyang tungkod na para siyang si Charlie Chaplin, makabasag-eardrum ang sigaw ng kabataan. Higit sa sinumang artista ang turing ng mga Pilipino sa Papa. Kung milyun-milyon ang taun-taong halos magpakamatay para sa Poong Nazareno sa Maynila, Our Lady of Penafrancia sa Bikol, at maraming iba pa, lalo pa sa isang buhay na Santo Papa.

Hindi mahirap ipaliwanag ang penomenong ito. May dahilan kung bakit nananatili ang mga pamahiin sa mga Katolikong Pilipino kahit 21st century na. Ngayon, higit kailanman sa kasaysayan ng bansa, matindi ang kahirapan at pagsasamantala. Kung paniniwalaan ang mga sarbey, masasabing halos wala nang nakikitang pag-asa ang mga Pilipino para makaahon sa hirap. Isa sa natitirang source ng pag-asa ang kanilang pananampalataya at pamahiin.

Nagbabaka-sakali ang milyun-milyong Pilipino na magka-campout sa Luneta at Tacloban na may milagrong dumating sa buhay nila kung makikita nila ang Papa. Sa sistemang panlipunan na nagpapanatili sa kanilang kahirapan, sa gobyernong di nila nakikitaan ng pag-asa, saan sila kakapit kundi sa relihiyon? “Kumapit ka lang sa Panginoon” ang bukambibig ng mga relihiyoso tuwing may matinding krisis sa buhay. Mayorya sa kanila, hindi pa naaabot ng mga organisasyong masa na may rebolusyonaryong bersiyon ng “Magandang Balita”. Karamihan sa kanila, tumimo ang turo ng simbahang Katoliko na “mapalad” silang mahihirap dahil mas malapit sila sa Kaharian ng Diyos. At kung di nila makuha ang hustiya na hangad sa mundong ito, makukuha nila ito sa kabilang-buhay.

Si Pope Francis sa World Meeting of Popular Movements sa Roma, Italya noong Oktubre 2014. Larawan mula sa publikasyong Vatican na  <b>L’Osservatore Romano</b>
Si Pope Francis sa World Meeting of Popular Movements sa Roma, Italya noong Oktubre 2014. Larawan mula sa publikasyong Vatican na L’Osservatore Romano

Hindi pa siguro nakakaabot sa kanila ang karagdagang turo ni Pope Francis: Hindi sapat ang maging banal para lumigaya sa kabilang-buhay; dapat ding makibaka para sa kabutihan ng kasalukuyang buhay. Kaya naman sinuportahan niya, halimbawa, ang pandaigdigang pagtitipon ng mga kilusang masa (tinaguriang World Meeting of Popular Movements, na naganap noong Oktubre 2014 sa Roma). Sa kanyang mga pahayag, lumalabas na mas sangkot si Francis sa mga problemang panlipunan kaysa sa nakaraang mga Santo Papa. Kinikilala niya ang pangangailangan ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagkilos (“arouse, organize, mobilize,” wika ng mga aktibsita) para makamit ang mas makatungan at maunlad na lipunan. Siyempre, hindi pa rin binibitiwan ni Pope Francis ang dating mga turo ng Simbahan. Pero madalas, mas madiin siya sa nabanggit na “bagong” turo.

Sa kabila ng progresibong mga pahayag ni Pope Francis, hindi mapipigilan ang milyun-milyong Pilipino na maging mapamahiin sa pagbisita niya. Hindi nito mapipigilan na pagkakitaan ng malalaking negosyante, kasama ang nasa media networks, ang Papal Visit—na labag sa mismong mga pahayag ni Pope Francis kontra sa pagsasamantala sa mahihirap. Pero habang nakatipon ang milyun-milyong Pilipino na umaasa sa milagro sa kanilang buhay kapag nakita nila ang Kabanalan, pagkakataon na ng mga grupong progresibo na maabot ng kanilang “Magandang Balita” ang mga Katolikong nananampalataya. Habang tigil ang mundo ng mga Katolikong Pilipino, at gamit ang mismong mga turo at salita ni Pope Francis, pagkakataon na para maihayag sa kanila ang mensaheng ito:

Hindi sapat na maging Banal at masilayan ang Kabanalan. Kailangan ding aktibong lumahok para sa pagbabago ng mundong ito.