20 taon ng Beijing Platform for Action: PH bigo sa pagsulong sa karapatan ng kababaihan

January 27, 2015

Ang mga kakabaihang nagsayaw ng One Billion Rising  matapos ang porum hinggil sa Beijing Platform and Action.  Macky Macaspac

Ang kakabaihang nagsayaw ng One Billion Rising matapos ang porum hinggil sa Beijing Platform for Action. Macky Macaspac

Walang pagbabago sa kalagayan ang kababaihang maralita, sa kanayunan man o kalunsuran,  sa buong mundo–20 taon matapos ang pagpapatupad ng Beijing Platform for Action.

Ito ang sinabi ng mga grupong kababaihan na Gabriela at Center for Women’s Resources (CWR) sa isang porum kamakailan.

Resulta ang Beijing Declaration and Platform for Action ng ginawang United Nations Fourth World Conference on Women noong Setyembre 1995 sa Beijing, China. Layunin nito na alisin ang di-pagkakapantay-pantay ng kababaihan sa 12 kritikal na larangan.

Ninais ng Beijing Plaform na maging malaya ang kababaihan sa buong mundo, galangin ang kanilang mga karapatan sa kalusugan, mabuhay nang hindi nakakaranas ng anumang karahasan, makapag-aral, magkaroon ng patas na sahod at lumahok sa pampulitikang ehersisyo. Muling itong irerebyu sa 59th pagpupulong ng Commission on Status of Women ng United Nations sa Marso 9, 2015 sa New York.

20 taon matapos

Ayon sa Gabriela, makalipas ang 20 taon, wala o katiting lang ang pinagbago sa kalagayan ng kababaihan.

Sabi ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, mayorya pa rin ng kababaihan at kanilang mga pamilya ang nabubuhay sa matinding kahirapan. “Patunay ang malaking bilang ng naghihirap sa Pilipinas, hindi rin naibababa ang bilang nito sa nakaraang 10 taon,” aniya.

Sa hiwalay na ulat ng CWR hinggil sa Beijing Platform, napag-alamang hindi kailanman masasakatuparan ang deklarasyon ng Beijing+20 hangga’t ipinagpapatulogy ng mga gobyerno ang mga patakarang neoliberal na nagkakamal daw ng malaking tubo para sa iilang mayayaman at mga dayuhang negosyante. 

Ayon sa grupo, sa loob ng sampung taon, walang sigpikanteng pag-unlad o pagbabago sa kalagyan ng kababaihan sa Pilipinas.

Hindi rin daw dapat na ipagyabang ng gobyerno ang mga nakamit nito na nakasaad sa ulat ng gobyerno sa 59th Session ng Commission on Status of Women. “Nanatiling nasa 25 porsiyento ang poverty incidence ng kababaihan, kahit pa ipinatupad ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa ilalim ng iskemang Conditional Cash Transfer,” sabi pa ni Jojo Guan, executive director ng CWR.

Sa ulat ng CWR, napag-alaman ding anim sa 10 kababaihan ang nasa sektor ng serbisyo, at 69 porsiyento sa kanila ang tumatanggap ng arawang sahod na mas mababa sa minimum wage na PhP270.

Kahit sa datos ng sangay ng gobyerno na Bureau of Labor and Employment Statistics, ipinapakita na tatlong milyong kababaihan na nasa agrikultura ang tumatanggap ng PhP150 kada araw. Mayroon ding apat na milyong kababaihan na walang sapat na sahod o tinaguriang mga self-employed tulad ng mga vendor, beautician, labandera at iba pa.

Gayundin na mahigit dalawang milyon o 16 porsiyento ng kababaihan ang nabibilang sa unpaid family workers.

Sabi pa ng grupo, 50.5 porsiyento lang ng kababaihan ang kasama sa labor force, at nitong nakaraang taong 2014 ay bumaba ng 6.62 porsiyento ang bilang ng may trabaho at 5.36 porsiyento nito ang kababaihan.

“Kung isasama natin ang aabot sa tatlong milyong walang trabaho at ang pitong milyong underemployed, mahigit 10 milyong workforce ang walang trabaho, o di naman kaya ay nahihirapang maghanap ng desente at may seguridad na trabaho,” paliwanag ni Guan.

Sinabi rin ng CWR na isa sa mga patakarang nagpapahirap sa kababaihan ang kontraktuwalisasyon. Laganap daw sa kahit anong sektor ng paggawa ang iba’t ibang iskema ng kontraktuwalisasyon. Tulad ng nagaganap sa mga manggagawa sa loob ng economic zones. “Bawal ang mag-unyon, karamihan mga kontraktuwal o agency hired na ang mga manggagawa,” sabi pa niya.

Isa pa sa kabiguan ng gobyerno sa kababaihan ang usapin ng kalusugan. Sabi ng CWR, nanatiling mataas ang maternal mortality rate na nasa 221 kada 100,000. “Ang solusyon ng gobyerno, pribatisasyon sa 72 pampublikong ospital, kasama na ang mga maternity hospital, pagbawal sa home birthing at iba pa,” ani Guan. Taliwas daw ito sa kagalingan ng kababaihan.

Si Shao Magsulat ng TAG, kasama ang mga miyembro ng Gabriela. Macky Macaspac

Si Shao Magsulat ng TAG, kasama ang mga miyembro ng Gabriela. Macky MacaspacBejing 

Kontraktuwal na kababaihan

“May mga kasamahan kami na manganganak na pumapasok pa rin, o di naman kaya ilang linggo lang pagkapanganak papasok, no work/no pay kasi sa amin,” kuwento ni Shao Magsulat, tagapagsalita ng Talents Association of GMA (TAG). Dahil kontraktuwal ang karamihan sa mga manggagawang nasa likod ng mga kamera, wala silang benepisyo tulad ng maternity at sick leave pero ang turing sa kanila ng manedsment ay mga talent.

Kada taping din ang bayad sa kanila. “PhP2,500 ang taping/episode ng show kada linggo. Ang iba, tumatanggap ng mas maraming shoot para makarami, kaso walang pahinga,” sabi ni Magsulat.

Kahit daw namatayan ang isang kontraktuwal o talent, walang ayuda ang management. “Nag-aambag-ambag kami para sa tulong sa namatayan,” kuwento ni Magsulat.

Madalas na sinasabing kung ikukumpara sa ibang sektor sa paggawa tulad sa garments at manufacturing, tila maganda pa raw na nasa midya na mga tulad ni Magsulat. Pero ang totoo, kasing-sahol din ang kalagayan nila ng iba pang kontraktuwal. “Sabi nila, fabulous ang nasa midya o network. Nakakasalamuha kasi namin ang mga artista. Pero ang turing sa amin, second class citizens,” aniya.

Sabi pa ni Magsulat, nakakalungkot daw na isiping maraming nasa manedsment, hosts at executives sa mga network ang babae, pero karamihan naman sa kababaihang nasa likod ng kamera ang kontraktuwal o talent.

Mababa pa rin ang pagtingin

Ayon pa sa CWR, sa loob daw ng 20 taon na ipinapatupad ang Beijing Platform, hindi nagbago ang pagtingin sa kababaihan bilang isang produkto. Laganap pa rin sa mga palabas, komersiyal at mga babasahin at midya ang kababaihan bilang isang mahinang bagay at inilalarawan bilang isang sex object lamang.

“Kasama din sa critical concern ng Beijing Platform ang violence against women. Pero nakakalungkot na sa kabila ng pagkakaroon ng 37 batas para sa kababaihan, nagpapatuloy ang pag-abuso,” dagdag pa ni Guan.

Ayon kay Guan, kada 55 minuto, isang babae o batang babae ang sinasaktan, at kada isang oras at 21 minuto’y may babaeng o batang babae ang ginagahasa.

Ang masaklap, 75 porsiyento sa mga biktima ay menor-de-edad, ang ilan sa kanila, pinapatay pa,” aniya. Mas bulnerable raw sa abuso ang mahihirap na kababaihan. Ang kawalan ng opurtunidad sa ekonomiya ang naglalagay sa kanila sa posisyon para kontrolin ng mga may kapangyarihan, kasama na ang kanilang mga asawa.

Samantala, iginigiit ng Philippine Commission on Women (PCW) na marami naman daw ang nagawa ng gobyerno para matupad ang Beijing Platform. Kailangan lang daw na magtulungan ang mga grupo ng kababaihan at PCW para malakas na maipatupad ang mga batas para sa kababaihan.

“Pareho naman ang CWR at kami sa PCW sa pinagkuhanan ng mga datos at mekanismo ng ulat, sa tingin ko nagko-compliment ang kanilang ulat sa ulat ng PCW,” sabi ni Emmeline L. Verzosa, executive director ng PCW, sa Pinoy Weekly.

Paliwanag ng Gabriela, anumang tagumpay na nakamit ng kababaihan sa loob ng 20 taon ay dahil sa malakas na kilusang kababaihan.

“Dahil sa militanteng pagkilos ng kababaihan kaya tumampok ang iba’t ibang isyu at naipasa ang mga batas para sa kababaihan,” ani Salvador.

Tiniyak din ng grupo na mananatili silang mapagbantay laban sa diumano’y mapanlinlang na mga patakaran ng gobyerno na itinutulak ng patakarang neoliberal na pumapabor sa dayuhang mga negosyante. “Kahirapan ang nagbubunga ng di-pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae,” pagtatapos ni Salvador.