Laban para sa hustisya, tuloy pa
Sa araw ng sentensiya sa dating employer ni Erwiana Sulistyaningsih, may isang lokal na lumapit sa amin at di-ngumingiting nagtanong, “bakit kayo nandito?” Akala ko mapapa-away kami. Kaya kahit paalis na, tumigil kami at sinagot ang tanong niya. Sa tindi, lawak at tagal ng panahong naging panlipunang usap-usapan ang kaso ni Erwiana, hindi malayo na […]
Sa araw ng sentensiya sa dating employer ni Erwiana Sulistyaningsih, may isang lokal na lumapit sa amin at di-ngumingiting nagtanong, “bakit kayo nandito?”
Akala ko mapapa-away kami. Kaya kahit paalis na, tumigil kami at sinagot ang tanong niya.
Sa tindi, lawak at tagal ng panahong naging panlipunang usap-usapan ang kaso ni Erwiana, hindi malayo na makaka-engkuwentro ng isa o ilan na may pagtinging tulad ng sa gobyerno ng Hong Kong na nagsabing isolated na kaso lamang ang kay Erwiana; o kaya naman ay sumisimpatya kay Erwiana pero hindi naniniwalang malala ang sitwasyon ng foreign domestic workers; o, mas matindi, ang sinasabi ng makikitid ang isip na ang mga katulad ni Erwiana ay naghahanap lang ng pera kaya ginagawan ng kaso ang employer.
Kung maaalala, bumulaga sa Facebook at kumalat ng mabilis sa iba pang mga media ang kaso ni Erwiana, isang Indonesian na FDW, noong Enero ng nakaraang taon. Ang larawan ng isang babaeng halos hindi makatayo sa kanyang upuan habang naghihintay ng kanyang flight na puwersadong ginawa para sa kanya, sugatan, puno ng pasa at halatang dumaan sa hindi mo maisip na torture at pang-aabuso, ay nagpaliyab ng galit sa laksang migranteng manggagawa sa Hong Kong.
Matapos ang lampas isang taon ng imbestigasyon at prosesong legal, napatunayang guilty sa 18 sa 20 kaso ang dating employer ni Erwiana na si Law Wan-tung. Bagamat hindi convicted sa dalawa pa, ito ay dahil lamang sa hindi napatunayan beyond reasonable doubt ang krimen. Sumunod dito ang sentensiya — anim na taong pagkakulong at HK$15,000 multa.
Sa buong panahon imbestigasyon at bista ng kanyang kaso, kinakitaan ng tatag si Erwiana kahit pa nga kasabay nito ay sumasailalim sya sa pagpapagamot at recovery hindi lang sa pisikal na sakit kundi maging emosyonal at mental. Hindi biro ang walong buwan ng pambubugbog, kawalan ng kahit isang day-off, kawalan ng sapat na pagkain, tulog na tatlo hanggang apat na oras, at iba pang porma ng pang-aabuso na kanyang dinanas.
Ang internal na lakas at determinasyon ni Erwiana ay tinumbasan ng gayunding antas ng suporta ng kapwa-FDWs at ibang sektor sa Hong Kong at sa labas.
Kaya dun sa nagtanong kung bakit kami nandun, sinagot na lang namin na naroon kami para sumuporta kay Erwiana. Naroon kami para ipakita na ang isyu ni Erwiana ay isyu rin ng lahat ng FDWs. Sapagkat ang sitwasyon na nagpalala sa kalagayan ni Erwiana — na kinilala rin ng mismong huwes sa kanyang kaso – tulad ng mandatory live-in employment arrangement, at ang kawalan ng epektibong aksiyon para matigil ang pagsasamantala ng mga recruitment at financing agencies — ay nananatili.
Naroon kami dahil nakamtan man ni Erwiana ang hustisya sa ginawa sa kanya ng dati niyang employer, ang pakikibaka para makamtan ni Erwiana at ng lahat ng FDWs mula sa gobyerno ng Hong Kong ang hustisya ay patuloy pa rin.
Matapos ito, nginitian kami ng babaeng nagtanong at sinabing marapat lang ang aming ginagawa.
Nalimutan kong sabihin na ang ngiti at suporta ng tulad nya ay isa rin sa mga dahilan kung bakit naroon kami.