‘Walang coordination’ | #Link4Justice para sa katotohanan, pananagutan pinaharangan ng Palasyo
February 26, 2015
Batay sa maraming ulat, at batay sa pag-amin din mismo ng nakausap ng mga demonstrador na opisyal ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ng Philippine National Police (PNP), iniutos ng “mga nakatataas” sa kanila ang pagharang sa mga mananalangin at magsasagawa ng human chain — tinaguriang #Link4Justice — mula Kampo Crame hanggang EDSA Shrine.
Isang araw bago ang protesta, Pebrero 24, humingi ng pakikipag-usap ang hepe ng NCRPO na si Gen. Carmelo Valmoria sa mga organisador ng aktibidad. Sa naturang pulong, sinabi pa ni NCRPO Deputy Regional Director Gen. Diosdado Valeroso na di na kailangan ng permit ang mga demonstrador. Magpapapakat pa umano sila ng 200 pulis para lumahok sa human chain — kung papayagan ng mga superior nito.
Pero iba nga ang naganap. Madaling araw, inanunsiyo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na irere-route nito ang trapiko sa EDSA. Kinumand ng mga opisyal ng administrasyon at PNP ang pulisya na punuin ng bantay ang EDSA Shrine at harangan ang mga magsasagawa ng human chain. Dahil dito, katakut-takot na trapik ang naganap, lalo pa’t kaiba noong nakaraang mga taon, dineklara ng Palasyo na working holiday ang anibersaryo ng pag-aalsa sa EDSA nitong Pebrero 25.
Sa madaling salita, hindi agad na nakoordina sa NCRPO ang plano ng administrasyong Aquino na harangin ang mga protesta at pigilan ang interfaith rally at human chain — katulad ng “kawalan ng koordinasyon” ng lumusob na police commandos sa Mamasapano, Maguindanao eksaktong isang buwan ang nakakaraan.
“Ang pagharang ng pulisya ay bahagi ng masalimuot na plano ng gobyernong Aquino para limitahan ang daloy ng mga tao sa EDSA,” pahayag ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). “Hindi para sa pagprotekta sa publiko ang mga pagharang. Nilagay ito para protektahan ang Presidente at tanging ang Presidente.”

Tinatayang aabot sa 7,000 katao ang hinarang ng mga pulis sa Santolan, bago pa man makarating ng Kampo Crame, alas-tres ng hapon. KR Guda

Naglunsad na ng human chain ang ilang taong-simbahan, personalidad at lider-progresibo sa harap ng Kampo Crame. Pero dahil sa pagkaharang sa Santolan, sinubukan nilang sunduin ang mga demonstrador. Hinarang din sila ng mga pulis. KR Guda

Naggiit ang mga lider-progresibo at taong-simbahan para masundo sila at maituloy ang human chain. KR Guda

Nakipagtawanan si Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, kasama sina Satur Ocampo, Liza Maza at Lito Ustarez ng KMU, sa mga pulis, na nagsabing hindi raw nila gustong mangharang pero nautusan lang sila. KR Guda

Ipinaliwanag ni Mae Paner (a.k.a. “Juana Change”) kung paano sinalungat ng PNP ang salita nitong papayagan at susuportahan ang human chain. KR Guda

Nanawagan ang mga demonstrador, hindi lang para sa SAF 44, kundi pati sa mga Moro at sibilyang apektado ng pagdanak-ng-dugo sa Mamasapano. Macky Macaspac

Nag-alay ng awitin si Jess Santiago (gitna) at Heber Bartolome (kaliwa) sa mga demonstrador. KR Guda

Nanalangin si Bishop Broderick Pabillo para sa mga demonstrador, matapos ipaliwanag ng obispo ang naging negosasyon sa PNP NCRPO. KR Guda

Simula ng human chain, ng mga lider ng iba’t ibang grupo tulad ng Scrap Pork Network, at sina Teddy Casino ng Bayan, Liza Maza at Mae Paner. KR Guda

Muling nakipagnegosasyon si Fr. Ben Alforque (kanan) sa mga pulis, kasama si Dr. Carol Araullo (pangalawa mula sa kaliwa) ng Bayan at Nardy Sabino ng Promotion for Church People’s Response (pangatlo mula sa kaliwa). Pher Pasion