Kapirasong Kritika Main Story

That Thing Called Drone


(1) Sa mga sulatin sa Internet, lumalabas na tinutukoy ng salitang “drone” ang mga makina na may kakayahang maglakbay nang walang lulang tao na nagmamaneho. May nagsasabing tinutukoy rin nito ang ganoong mga makina na naglalakbay sa mga anyong lupa at anyong tubig, pero mas madalas na itong ipareho sa UAV o “unmanned aerial vehicle.” […]

(1)

Sa mga sulatin sa Internet, lumalabas na tinutukoy ng salitang “drone” ang mga makina na may kakayahang maglakbay nang walang lulang tao na nagmamaneho. May nagsasabing tinutukoy rin nito ang ganoong mga makina na naglalakbay sa mga anyong lupa at anyong tubig, pero mas madalas na itong ipareho sa UAV o “unmanned aerial vehicle.” Kung hindi paniniktik sa mga target, ginagamit ito para maglunsad ng atake laban sa kanila. Maaaring may dala itong missile o wala. Maaaring may dala itong kamera o wala. Maaari itong “minamaneho” ng isang tao sa isang lugar na malayo sa target liparan; ang drones na lumipad sa Iraq at Afghanistan, halimbawa, ay “minaneho” mula sa Nevada, USA. Maaari ring pre-programmed na ang direksyong tatahakin nito.

Partikular sa drones na pang-atake, matagal na ang paggamit ng militar ng US, pero naging malaganap sa ilalim ni Pres. Barack Obama. Ayon kay Marjorie Cohn, propesor sa batas sa karapatang pantao sa daigdig, ipinagpatuloy ni Obama ang gera ni George W. Bush sa Iraq at Afghanistan pero binawasan ang mga tropang Kano na nakatalaga sa mga bansang ito. Ang pinalawak ni Obama, iyung “nakatarget na pagpaslang (targeted killing),” kasama ang paggamit sa drones. Ayon sa isang sanggunian, panandang-bato ang mga taong 2009-2010 sa US, kung kailan mas maraming “screen pilots” ang sinanay kumpara sa mga nakagawiang piloto at mas maraming “eroplanong walang piloto,” na mas mura, ang binili kumpara sa mga nakagawiang eroplano.

Bagamat ginamit sa Iraq at Afghanistan ang drones, ayon sa Bureau of Investigative Journalism, umaabot na nitong Pebrero 2015 sa mahigit 2,464 katao ang napatay ng “drone strikes” sa mga bansang walang deklaradong gera ang US tulad ng Pakistan, Yemen, at Somalia. Independyente ang naturang bureau, dahil nababalot ng paglilihim ang paggamit ng gobyernong Obama sa drones. Sa paggamit sa mga ito, malinaw na lalong totoo ang sinabi ng pilosopong si Paul Virilio noong 1983: “Ngayon, alam ng militar ang lahat tungkol sa mga sibilyan, pero walang alam ang mga sibilyan tungkol sa militar [Pure War].”

Isang US attack drone. (U.S. Air Force photo by Paul Ridgeway / Wikimedia Commons)
Isang US attack drone. (U.S. Air Force photo by Paul Ridgeway / Wikimedia Commons)

(2)

Lumalabas ding malaki ang papel ng drones, pero mas iyung paniktik, hindi iyung pang-atake, sa bantog na ngayong operasyon ng Philippine National Police-Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25. Masasabing ang papel nila ang pinakamalinaw na patunay ng pagsangkot ng gobyerno ng US sa naturang operasyon laban sa mga inaakusahang teroristang sina Zulkifli bin Hir alyas Marwan at Basit Usman. Taliwas ito, syempre pa, sa tahasan at hindi kapani-paniwalang pagtanggi ni Philip Goldberg, ambassador ng US sa Pilipinas, sa partisipasyon ng US at ng drones nito sa naturang operasyon.

Ayon sa isang ulat, nagsimulang liparan ng drones ang Mamasapano mahigit isang linggo bago ang operasyon ng PNP-SAF. Sabi ng mga residente sa lugar, pinakamatagal ang paglipad noong Enero 24, gabi bago ang aktwal na operasyon. Maingay ang mga ito at kumukutitap sa dilim ng gabi. (Ayon sa parehong ulat, noon pa mang Enero 2005, mayroon nang bidyo na kuha ng isang drone sa nabigong operasyon ng Armed Forces of the Philippines para arestuhin ang Indonesian at pinaghihinalaang teroristang si Dulmatin sa Tukanalipao, barangay ng Mamasapano.) Dito, lumalabas na ginamit ang drones na paniktik para tiyakin ang kinaroroonan ni Marwan at aralin ang kalupaan na paglulunsaran ng operasyon.

Kailangang idagdag, sa usapin ng pagtukoy sa lokasyon ni Marwan, na ayon sa isang pang ulat, nakuhanan ng bidyo sina Marwan at Usman ng isang tao ilang araw bago ang operasyon laban sa kanila. Ligtas na ipagpalagay na katambal ang pagkuhang ito ng bidyo ng pagtukoy sa kanilang lokasyon gamit ang drones.

Ayon naman sa isa pang ulat, ginamit ang drones sa pagmonitor sa mismong paglulunsad ng operasyon. Nakuhanan ng bidyo ng isang kagawad ng assault team ang paglipad ng drones habang nagaganap ang operasyon. Ang mas matinding impormasyon ay galing sa isang kinapanayam: naging mahalaga ang drones sa magkaibang sinapit ng assault team at blocking force. Nakaligtas umano ang assault team – na sinasabing nakapatay kay Marwan at nakakuha ng daliri niya – dahil sinubaybayan ito ng drone habang marami ang namatay sa blocking force dahil walang drone na sumubaybay rito. Sa isa namang ulat, malinaw ang pormulasyon ni Director Getulio Napeñas, hepe ng PNP-SAF: nakasama ang US sa paniniktik pero hindi sa bakbakan – nakamasid, hindi nakipaglaban.

Pabalat ng librong "Theory of the Drone" ni  Grégoire Chamayou
Pabalat ng librong “A Theory of the Drone” ni Grégoire Chamayou

(3)

Sa US at ibang bansa, marami nang tumuligsa sa drones, partikular sa tampok na porma nito, ang drones na pang-atake. Mababanaag ang mga tuligsang ito, gayundin ang kalakasan at bentahe ng drones, sa pagtatangol ni Jamie Holmes, komentarista ng isang maka-Kanang institusyon sa US: “Kasama sa listahan ng mga armas na minsang itinuring na ‘duwag’… hindi lang ang submarines ng World War I ngunit maging ang pana at palaso at ang baril… Ang punto ng bawat isa sa mga teknolohiyang ito ay pareho: ang magkamit ng asimetrikong bentahe kumpara sa kalaban at bawasan ang mga panganib.”

Madaling makita kung bakit itinuturing ng gobyerno ng US ang drones na hulog ng langit. Ito ang sagot sa kanilang phobia, trauma, complex o iba pang pagkayanig na pinangalanang “Vietnam” – kung saan maraming sundalong Amerikano ang namatay, bagay na nag-udyok ng paglakas ng kilusan laban sa imperyalistang gera sa loob ng US mismo. Sang-ayon sa sinabi ni Holmes, binibigyan ng drones na pang-atake ang gobyerno ng US ng kakayahang pumatay, maglunsad ng opensiba, o mandigma saanmang panig nang mundo nang minimal ang posibleng pinsala, at wala pa ngang pinsala kung sundalong patay ang pag-uusapan.

Madali at epektibong opensiba nang minimal ang pinsala, nang walang sundalong patay – sa pamamagitan ng drones na pang-atake, makakamit ang maksimum sa dalawang layuning ito. Maksimum sa puntong marami ang nagsasabing binabago ng drones ang mismong konsepto ng digmaan. Ayon nga sa pilosopong Pranses si Gregoire Chamayou, sa pamamagitan ng drones, maaaring pumatay nang hindi nagiging lantad sa posibilidad na mapatay. Kaya nga, aniya, ang paggamit ng drones na pang-atake ay mas kahawig ng pagha-hunting sa mga hayop, higit pa sa pagdidigmaan sa pagitan ng mga tao. Mahirap ding labanan ang drones ng mga biktima nito, at iyan ay kung malalaman nilang target nga sila ng mga ito.

Sa kamay ng imperyalismong US, ang malawak na kakayahan ng drones na pang-atake ay ginagamit para labagin ang maraming bahagi ng internasyunal na makataong batas na sumasaklaw sa mga gera. Una, ginagamit ang naturang drones para lusubin ang mga target sa kanilang tahanan, na hindi dapat saklaw ng lugar ng labanan o battlefield. Ito ang isa pang punto ni Chamayou, na binabago ng naturang drones ang pakahulugan ng digmaan bilang kumprontasyon sa isang lugar ng labanan ng dalawang pwersa. Ikalawa, ginagamit ang drones na pang-atake para sa operasyong sa esensya ay ekstrahudisyal na pagpaslang; pinapatay ang mga target kahit walang hatol ng korte. Sa praktika ng US, ayon sa isang balita, ang nagpipinal ng listahan ng mga target patayin gamit ang drones ay si Obama mismo, sa gabay at pagpapayo ng Central Intelligence Agency tuwing “Terror Tuesday.”

Ikatlo, bagamat ipinagmamalaki ng US ang pagiging eksakto ng pag-atake ng drones, sa aktwal ay maraming nadadamay na sibilyan at hindi target ng operasyon. Bukod pa rito ang praktika ng US, ayon kay Cohn sa itaas, ng pagpuntirya sa mga nagliligtas sa mga tinamaan ng drones at maging sa mga naglalamay sa mga bangkay ng mga napatay nito. Ikaapat, dahil pamilyar na ito sa mga mamamayang tinatarget nito, kahit ang paglipad ng drones na pang-atake ay isang porma na ng terorismo laban sa kanila. At ikalima, dahil malaya itong naglalabas-masok sa iba’t ibang bansa, nilalabag nito ang soberanya ng maraming bansa.

Isang control room ng US drones. (Gerald Nino, CBP, U.S. Dept. of Homeland Security/Wikimedia Commons)
Isang control room ng US drones. (Gerald Nino, CBP, U.S. Dept. of Homeland Security/Wikimedia Commons)

(4)

Sa isang magandang sanaysay, pinaksa ni Firmin DeBrabander, propesor ng pilosopiya, ang kaugnayan ng paggamit sa drones na pang-atake sa demokrasya, prinsipyong pormal na pinapahalagahan ng mga mamamayang Amerikano.

Aniya, dahil sa drones, mas madaling magpasya ang iilan sa iilang namumuno sa US na maglunsad ng atake saanmang bahagi ng mundo. At dahil hindi ito ramdam ng mga mamamayan, bunsod nga ng kawalan ng sundalong patay, mas walang pagkabahala sa hanay nila hinggil sa paglulunsad ng atake ng gobyerno. Dahil minimal ang panganib sa US, pwedeng bawasan ng mga mamamayang Amerikano “ang pagiging mapagbantay sa mas maiitim na tendensya ng ating mga lider, mga di-sinasadyang resulta ng kanilang mga aksyon, at kuntento na tayong magpalulong sa mga pribadong usapin.” Aniya, senyales ang paggamit sa mga drones ng lalong pagkawala ng karapatan ng lipunang Amerikano na matawag na demokrasya.

Kahit umano si Niccolo Machiavelli, pilosopong pampulitika na kilala sa islogang “The end justifies the means” at nagbibigay-katwiran sa pagdidigmaan ng mga bansa, ay hindi sasang-ayon sa “pakikidigma” gamit ang drones na pang-atake. Para kay Machiavelli, aniya, mahalaga ang responsibilidad at ang pagkatuto at pagkapanday sa kabutihang sibiko o pangkomunidad (civic duty) ng mga mamamayan sa isang digmaan, bagay na hinahadlangan ng paggamit ng drones na pang-atake.

US Pres. Barack Obama bilang "drone warrior". Cover ng Agosto 2013 isyu ng The Atlantic Magazine.
US Pres. Barack Obama bilang “drone warrior”. Cover ng Agosto 2013 isyu ng The Atlantic Magazine.

(5)

Sa diwa ng pagsusuri ni DeBrabander, na naglugar ng drones na pang-atake sa ugnayan ng mga mamamayang Amerikano at ng gobyerno ng US, magandang suriin ang paggamit ng drones, sa pamamagitan ng lente ng nangyari sa Mamasapano, sa Pilipinas bilang bansa.

Madaling makitang sa simula pa lang, magiging kandidato ang Pilipinas sa mga bansang gagamitan ng drones ng US. Syempre pa, nananatili ang interes ng US sa Pilipinas bilang neokolonya na pagkukunan ng hilaw na materyales at ng murang lakas-paggawa at tambakan ng labis na produkto. May geo-pulitikal na interes ngayon ang US na tiyakin ang presensyang militar nito sa Pilipinas para hadlangan at labanan ang pagpapalakas ng kakayahang militar ng China, na nagpapakita ng papatinding pagtutol at pagsalungat sa mga dikta ng US. Ang interes na ito ang nasa ubod ng programang “Pivot to Asia” ng US.

Bukod pa diyan, mga Muslim ang pinupuntirya ng gobyerno ng US sa umano’y “gera kontra-terorismo” nito at may mga rebeldeng grupong Muslim sa bansa. Idinadawit din ang naturang mga grupo sa mga grupong terorista na kumikilos sa Timog Silangang Asya at kaugnay ng Indonesia. Bukod pa diyan, nasa Pilipinas ang isa sa pinakamatagal na armadong grupong Komunista sa buong mundo, ang New People’s Army. Matatandaang binansagan ito, at ang namumuno rito, ang Communist Party of the Philippines, na grupong terorista ng US.

Sa Pilipinas, may mga ulat na ng paggamit ng drones na pang-atake, bagamat tiyak na mas masaklaw ang paggamit sa drones na paniktik – gaya ng sinasabi ng mga pahayag ng mga yunit ng New People’s Army at ng mga balita tungkol sa drones na inaanod sa dalampasigan ng mga dagat. Sa kalagayan ito na si Noynoy Aquino, ang pangulo ng Pilipinas sa panahon ng pag-arangkada ng paggamit sa drones na pang-atake, ay sunud-sunuran sa mga dikta ng US kahit sa aspektong militar. Tampok na patunay ang pag-apruba sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA at ang paglalabas-masok ng mga barkong pandigma ng US sa bansa.

May implikasyong karugtong ang paggamit ng drones na paniktik sa pagtugis sa mga pinaghihinalaang terorista – ang paggamit sa mga armadong tropa, pulis man o militar. Kapag operasyon ng US, nangangahulugan ito ng pag-uunahan at pag-aagawan ng mga paksyon ng naghaharing uri – na nasasalamin sa mga posisyon sa gobyerno at militar at pulisya – sa namumunong papel sa operasyon.

Sa kaso ng Mamasapano, ang kinasabwat ay isang pangkatin sa loob ng dominanteng paksyon ng mga naghaharing uri na kinakatawan ni Aquino. Ang lumutang na dahilan ay ang paglilihim ng operasyon, dahil hindi umano mapagkakatiwalaan ang AFP. Pero tiyak na nangunguna sa mga tunay na dahilan ang pagkopo sa perang reward at iba pang premyo mula sa gobyerno ng US, kapwa materyal at pampropaganda, kasama na ang natsismis na Nobel Peace Prize para kay Aquino. Maaari sanang pinagana ni Aquino ang chain of command ng militar at pulisya, pero naging gahaman siya at ang pangkatin niya sa ganansya.

Sa kabilang banda naman, sa panig ng mga grupong rebelde na target ng mga drones, patuloy silang nabubuhay at nakakalaban dahil pumapabor sa kanila, bukod ang suporta ng masang maralita, ang tereyn, ang pagkagamay rito, at ang kanilang moda ng pagkilos. Maganda ang pagsusuri ni Gaston Gordillo, antropologong nagsusuri sa espasyo: Ang paglipad sa ere ng drones ay patunay na hindi lubos na kontrolado ng Imperyo, ng imperyalismo, ang kalupaang madalas ay tinatanaw ng mga ito. Kailangang lumipad ng mga pwersa ng imperyalismo sa ere dahil delikado sila sa lupa.

Ani Gordillo, ipinapakita rin ng mga drones ang “pang-espasyong hangganan at kalabuan (opacities) na nahaharap [ng karahasan ng Imperyo] sa gitna ng mga pulitikal at materyal na pagkakakurba-kurba (striations) ng pandaigdigang tereyn.” Aniya, nananatiling totoo ang “isang sinaunang prinsipyo ng pakikidigmang gerilya:… ang paggamay sa kalupaang may matinding pagkakakurba-kurba (kabundukan, kagubatan, espasyong urban) ng mga pleksible at makilos na pwersa ay nagpapahintulot sa kanilang makatakas sa pagkakahuling biswal (visual capture) ng estado at, sa matagalan, pagurin at gapiin ang mas makapangyarihang mga militar.”

Nakakakumbinsi ang argumento ni DeBrabander kung paanong ginagawang mas dahop ng paggamit ng drones ang demokrasya sa US – na isang sentral na usapin kapag sinusuri at pinag-uusapan ang bansang iyan. Sa panig ng mga bansang tulad ng Pilipinas na pinaggagamitan ng drones, ipinapakita ng nangyari sa Mamasapano na ang usapin ay mas pundamental, ang usapin ng buhay. Sobrang pundamental ito sa puntong inilalantad ng pagdanak ng dugo na nananatiling ilusyon lamang ang anumang sinasabing demokrasya at kalayaan ngayon sa ating bayan.

21 Marso 2015