FEATURED

Ang landas ng paglilingkod ni Neri Colmenares


Halos pitong taon na bilang kinatawan ng Bayan Muna sa Kamara ang abogadong si Neri. Ngayong darating na eleksiyon, lumalakas ang panawagan mula sa kilusang masa na suungin niya ang hamon ng pagtakbo sa pagkasenador.

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares <b>PW File Photo</b>
Bayan Muna Rep. Neri Colmenares PW File Photo

Ngayon pa lang, abala na ang tradisyunal na mga partido pulitikal sa paglalako ng mga pambato nito para sa eleksiyong 2016. May nag-aastang oposisyon, at may nangangakong ipagpapatuloy ang “daang matuwid” ni Aquino. Pero sa panahon ng kasalukuyang rehimen, may isang bloke sa loob ng Kamara na nagpakita ng tunay na paglaban para sa mga mamamayan at tumitindig bilang tanging tunay na oposisyon sa Kamara.

Ito siyempre ang tinaguriang Makabayan bloc. Binubuo sila ng mga party-list na Bayan Muna, Kabataan, Anakpawis, ACT Teachers at Gabriela. Pinangungunahan sila ngayon ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, na tumatayo ring Senior Deputy Minority Leader sa Kamara.

Sa halos pitong taon nang nakaupo sa Kamara si Neri. Kahit mga katunggali niya sa Kamara, hindi maitatangging maningning ang kanyang rekord sa pakikipaglaban sa korupsiyon, taas-presyo ng kuryente, tubig, gasolina, bigas at iba pang pangunahing bilihin, gayundin ang laban sa

paglabag sa mga karapatang pantao, panghihimasok ng gobyernong US sa Pilipinas, at pagyurak ng Tsina at iba pang dayuhang kapangyarihan sa integridad,

teritoryo at kasarinlan ng bansa. Pinatunayan ni Neri na siya ay tunay na matapat, marangal, makabayan.

Pinagmulan

Ipinanganak si Neri noong Disyembre 4, 1959 sa Libertad, Bacolod City.

Si Rene Colmenares ang kanyang tatay na nakatungtong ng ikatlong taon sa kolehiyo, pero agad na nakapagtrabaho sa isang bangko. Samantala, sekretarya naman ang nanay niyang si Lolita Javier at nagtrabaho sa City Council bilang clerk. Panganay si Colmenares sa limang magkakapatid.

Noong bata siya, mistulang inampon ng isang tiyahin si Neri. Maalwan ang naging buhay niya sa tiyahin. Pero hindi naman ipinagkait sa tunay na magulang si Neri. Walong taong gulang siya nang mamatay ang kanyang Tita Luz, at kinuha siya ng kanyang ina para muling makasama ang pamilya.

Sinanay ni Neri na hindi siya nag-iisa, dahil may apat na nakababatang kapatid na sina Loren, Tess, Rene Jr. at Jovanni. Lumaki silang magkakapatid na nagpapahalaga sa papel ng kababaihan sa pamilya. “Matriyarkal kami,” kuwento ni Neri. “Ang aking Tita Luz at ang Mama Lolita ay malalakas ang loob, mapagpasya at dumidiskarte.”

“Mabait ang aming mga magulang,” dugtong ni Neri, “Bagamat tahimik ang aming Papa Rene, nakuha namin sa kanya ang pagiging tapat at matapang. Kapag ginalit mo si Papa, lalaban ‘yun lalo na na kung siya ang nasa tamang katwiran.”

Si Neri at ang kanyang hilig na larong chess.
Si Rep. Neri at ang kanyang kinahihiligan na larong chess.

Estudyante’t aktibista

Nag-elementarya si Neri sa La Consolacion College. Hindi man siya outstanding sa akademya, laging “best in good moral character” at religion siya. Dahil tahimik si Neri, naging interes niya ang musika. Bata pa lang, nakasama na sa isang banda na tinawag nilang “The Peaches” na inaanyayahan sa probinsiya tuwing may kampanyang elektoral.

Naghayskul naman siya sa St. Joseph High School. Unang taon niya rito nang ideklara ni Pangulong Marcos ang Batas Militar. Ramdam na noong mga panahong iyun ang kakaibang sitwasyon. Tahimik ang mga bahay, laging walang pasok, at limitado ang mga palabas sa TV.

Sa unang tingin, inakala niyang mas tahimik ang bansa dahil sa Batas Militar. “Hindi ko akalain na ang binabanggit kong lipunan ang siya ring magdadala sa akin sa loob ng piitan,” alala niya. Palabasa ng libro si Neri, lalo na iyung tungkol sa batas. Ngunit nainip si Neri sa pag-aaral, kaya ibinaling niya ang sarili sa mga palaro. Naging football player siya at nakasama sa varsity ng paaralan.

May pagkarebelde rin siya. Hindi raw basta sumusunod si Neri sa mga patakaran kapag hindi niya ito nakikitang wasto. Sumasagot siya kapag hindi siya kumbinsido sa sinasabi ng kanyang guro. Lumipat si Neri sa West Negros College, pero tinapos niya ang hayskul sa La Castellana High School. Di niya nadaluhan ang graduation dahil lumahok si Neri sa isang chess competition sa Maynila.

Namulat si Neri ng isang kamag-anak na aktibista sa La Salle-Bacolod.

“Lagi kaming nagdidiskusyon. Kahit pagtingin sa ulan, pinaguusapan namin. Dahil sa haba ng aming pag-uusap tumatakbo na kaming pauwi para huwag abutan ng curfew. Kasi, huhulihin ka at ayaw namin na magupitan ng buhok ng Philippine Constabulary,” aniya.

Mulat na si Neri nang tumuntong ng kolehiyo. Una siyang pumasok sa University of Negros Occidental Recoletos. Taong 1977, naging tagapangulo siya ng Student Catholic Action (SCA)-Visayas at nagtayo sila ng Students for Democratic Rights (SDR). Sumunod na taon, nahalal siya sa National Council ng SCA. “Inihayag namin ang represyon sa bayan at pangangailangang isulong ang tunay na reporma sa lupa. Noon pa man, itinataguyod ko na ang karapatang pantao,” paliwanag ni Neri. Taong 1978, sa Negros ay naghirap at nagutom ang mga magsasaka, kung kaya’t nagtanim sila sa malalawak na lupain. Nagalit, siyempre, ang mga asendero. Nang mapag-alaman ito ni Obispo Antonio Fortich, sinikap niyang maglunsad ng diyalogo na dinaluhan ng 100 katao. Pero di pa nag-uumpisa, dumating ang mga militar. Kinulong ang lahat ng dumalo sa loob ng dalawang buwan at dumanas sila ng tortyur. “Nais kong tulungan ang mga nahuli, pero pinag-initan din ako at hinuli. Labing walong taon pa lang ako nang unang nakulong at tulad ng iba’y nakaranas ng iba’t ibang porma ng tortyur na umabot nang anim na araw. Dalawang buwan din ako sa kulungan. Nang makalabas, tumuloy ako kay Tita Zenaida na kapatid ng aking ama at muli akong nag-aral ng isang semestre sa kursong Engineering,” kuwento pa ni Neri.

Pero natigil uli dahil muli siyang mag- organisa.

Nang bumalik ng Negros para dumalaw sa pamilya, muling dinampot si Neri sa kasong rebelyon, at nakulong pa ng isang taon. Nakalaya siya at na-dismiss ang kaso sa tulong ng abogadong si Francisco Cruz ng Free Legal Assistance Group. Dalawang buwan matapos makalaya, tumimo sa isip ni Neri ang isang eksena. “Minsang sumama ako kay Mama Lolita sa Plaza. Nakita ko ang isang batang nagbebenta ng yosi, tumatawid at muntik nang nasagasaan. Naisip ko: anong lipunan ito na hinahayaang mapasama ang mga bata?” aniya.

Ito ang nagtulak kay Neri upang bumalik sa kilusang masa. Nagpunta siya ng Maynila at muling nag-organisa sa loob ng dalawang taon. Kasabay nito, nabuksan sa kanya ang gawaing internasyunal at unang nakahalubilo ang mga estudyanteng Iranian. Matapos ang dalawang taon, nakita ni Neri ang kahalagahang bumalik ng probinsiya. Kaya unang bahagi ng 1983, nag-organisa naman siya sa Ilocos at tumulong sa pagtatayo ng mga konseho at mga pahayagan ng mag-aaral. Muli, sinampahan ng kasong rebelyon si Neri sa Cagayan at nakulong. Nakalaya lang siya matapos ang pag-aalsang EDSA noong 1986.

Sa kabuuan, limang taon siyang nakulong sa ilalim ng Batas Militar.

Pinakiusapan si Neri ng kanyang Mama Lolita na magtapos ng kanyang pag-aaral. Taong 1986, pumasok siya ng isang taon sa Philippine Christian University, nagtayo ng chapter ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) doon, at nag-organisa rin sa San Beda. Gayunman, noong 1987 hanggang 1992, nagpasya si Neri na isabay sa pagkilos ang kanyang pag-aaral at nagtapos siya ng Bachelor of Arts in Economics sa San Beda.

Sa yugtong ito, tumuloy si Neri sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman para sa abogasya. Gumradweyt siya noong 1996 at agad na kumuha ng bar exam noong 1997. Nakasabayan pa niya sina Miro Quimpo at Neil Tupaz na ngayon ay kapwa niyang mga kongresista.

Abogado ng masa

Pagkapasa sa bar, kasama ng mga kaibigan, itinayo ni Neri ang ‘Los Lobos’ o ‘The Balloons.’ Ito’y isang law firm na tumakbo ng dalawang taon.

Taong 1999 nang maging bahagi si Neri ng pagtatayo ng Bayan Muna; noo’y tatlong taon pa lang siyang abogado, pero naging kauna-unahang legal counsel siya ng Bayan Muna. Liban sa pagdepensa sa Bayan Muna sa Commission on Elections, nakita rin ang talas at talino ni Neri sa mga oral argument para idiskuwalipika ang Lakas-NUCD, NPC, LDP, NP, Liberal Party kabilang ang National Federation of Sugarcane Planters, Mamamayang Ayaw sa Droga (MAD) at iba pang pekeng party-lists.

“Isang major challenge ito. Umabot ng limang oras ang aking pakikipag- argumento (natin) pero nanalo pa rin tayo sa ating posisyon at na-disqualify ang halos 150 pekeng party-lists noong 2009. Umani rin halos ng 1.7 milyong boto ang Bayan Muna,” aniya. Kinalaunan, nahirang si Neri na umupo na bilang isa sa mga kinatawan ng Bayan Muna sa Kamara.

Sa Kamara, pinangunahan niya ang pagpapanalo ang kaso ng kompensasyon para sa Martial Law victims. “Nagpunta ako ng Hawaii; hindi natin sinang- ayunan ang pagbibigay ng $150-Milyong settlement sa pamilyang Marcos malinis lamang ang kanilang pangalan. Hindi matatapatan ng anumang halaga ang dignidad ng mga biktima ni Marcos,” sabi pa ni Neri.

Dahil sa ipinakitang galing sa laban para sa Marcos compensation, inimbitahan si Neri sa Australia upang magsalita,

at binigyan ng grant para sa Doctor of Philosophy (PhD). Pero hindi niya ito natapos dahil bumalik siya sa Pilipinas at binuhos ang buong panahon sa pagtatanggol sa Bayan Muna laban sa sistematikong pagpatay sa mga lider at kasapi nito na umabot ng higit 130, tangkang pagdiskuwalipika at pampulitikang panunupil ng administrasyong Arroyo.

Mahalaga rin ang papel ni Neri sa pag-oorganisa ng mga abogadong aktibista. Nang tumindi ang extra-judicial killings, kasama si Neri sa nagtatag ng Counsels for the Defense of Liberties (Codal) noong 2005. Sinundan ito ng pagkakatatag ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) noong 2007 at nahalal siya rito bilang pangkalahatang kalihim. Libreng serbisyo ang ibinibigay ng mga abogado sa mahihirap sa mga isyung katulad ng demolisyon, illegal dismissal sa trabaho, at iba pang kaso ng mga inaapi at mahihirap.

Kasama ang kanyang asawa at anak: Si Rep. Neri para sa pamilya at sambayanan.
Kasama ang kanyang asawa at anak: Si Rep. Neri para sa pamilya at sambayanan.

Buhay-pamilya, para sa bayan

Kasama ni Neri Colmenares sa buhay ang kabiyak na si Shalimar Vitan na tubong Punta, Sta. Ana, Manila.

Kapwa manggagawa ang magulang ni Shali. Dating nagtrabaho si Shali sa nongovernment organization na Oxfam pero nagretiro na siya para magtayo ng sariling negosyo. Unang nagkasama at nagkakilala si Neri at Shali sa isang kumperensiyang kontra US Military Bases noong 1991. Umabot na sa 23 taon silang namumuhay nang simple kasama ang anak na si Bien Carlo, 9.

Hindi umano malaking bagay ang paggampan ni Neri ng gawaing bahay lalo ang pagluluto.

“Paborito kong ulam ang adobong baboy. Sa katunayan, ‘yan ang specialty kong lutuin. At ang gawaing bahay, naku, ine-enjoy kong gawin ‘yan basta may oras,” aniya. Hilig din ni Neri ang magmaneho ng sasakyan, kumanta, manood ng mga pelikula at maglaro ng chess.

Sa pagtatapos ng kanyang termino bilang kinatawan ng Bayan Muna sa Kongreso, lalong naging mahalaga kay Neri ang kilusang masa.

Anuman ang gawin ng progresibong mga kinatawan sa Kongreso, kung walang tugon ang kilusang masa, wala ring mararating ang pagdadala nila ng mga isyu. Kaya sa kilusang masa pa rin siya humahalaw ng lakas at inspirasyon. Sa masa rin niya nakukuha ang tamang posisyon sa mga isyu.

“Kapag nahiwalay ka sa masa, sa kalagayan at interes nila, hindi mapagkakaiba ang ating tindig sa makitid at sakim na interes ng iba,” ani Neri.

Para sa kanya, 10 taon mula ngayon, pangunahing dapat pagtuunan ng pansin ang pagkakamit ng pambansang industriyalisasyon. “Pangarap ko ito para sa bayan. Hindi nga simple, pero kaya ito kung gugustuhin. Mahirap, dahil dapat baguhin ang sistema at maraming sanga- sangang isyu ang nakaugnay dito tulad ng problema sa lupa at iba pa. Marami pang progresibo ang dapat makaupo sa Kongreso, pero wala rin kaming magagawa kung wala ang malakas na kilusang masa,” paliwanag pa niya.

Sa bahagi ng kilusang masa, maugong ang panawagang muling subukan ng Makabayan ang paglahok sa eleksiyon para sa Senado. At siyempre, walang ibang nangungunang posibleng kandidato para sa kanila kundi si Neri.

Mabigat, magastos, masaklaw, at kumplikado ang labanan patungo sa Senado. Pero walang imposible kapag ginusto ng masa. At walang pag- aalinlangan si Neri kung ito ang gusto ng masa. Ang kailangan na lang ay ipaalam sa pinakamarami na may isang Neri Colmenares na maaasahan ng masa na magtataguyod sa interes nila.

At kapag ginusto ng masa, sila na mismo ang gagalaw para dalhin si Neri sa Senado.