PPP: Programang pangmayaman, pahirap sa pobre
Sa ilalim ni Pangulong Aquino, at dahil sa programang Public-Private Partnerships, lalong yumaman ang iilang mayayaman. Tumitindi naman ang pagtaboy sa mga maralita.

Maganda pakinggan ang pangalan ng programang ito ng administrasyong Aquino: Public-Private Partnership (PPP). Aakalain mo’y pantay na nakikipagtulungan ang pribadong sektor (mga negosyante) at ang publiko (gobyerno at mga mamamayan). Pero hindi.
Para kay Lourdes Bermas, 44, residente sa Sityo San Roque (North Triangle) Brgy. Pag-asa sa Quezon City, naranasan na nila ang tunay na kahulugan ng PPP. Ang kahulugan nito’y pagpapalayas sa mga maralita para bigyan-daan ang mga imprastraktura na gagamitin at pagkakakitaan ng malalaking negosyante.
“Papalayasin kami rito, tapos itatapon kami sa malayo na walang kabuhayan, malayo sa serbisyo. Sasabihin nila, para sa mga mamamayan din ang mga proyektong (PPP) iyan pero, bakit kami pinalalayas? Bakit kami dinadahas?” tanong ni Lourdes.
Para sa negosyante
Nananatiling pribatisasyon ang esensiya ng PPP sa mga proyekto ng gobyerno, partikular sa imprastraktura. Nangangahulugan ito ng pagpasok ng mga negosyante sa serbisyo na dapat gobyerno ang nagbibigay tulad ng serbisyong pangkalusugan, transportasyon, pabahay, at iba pa.
May obligasyon ang gobyerno na magbigay ng serbisyong ito dahil di-puwedeng mawalan ng akses dito ang karaniwang mamamayan—maykaya man o hindi.
Ngayon, may 15 proyektong PPP ang sumasailalim sa iba’t ibang yugto ng bidding na umaabot sa P549.9-Bilyon sa kabuuan. Ngayong 2015, nasa P57.2-B ang gagastusin ng gobyerno para sa PPP.
Hindi bago ang PPP o pagsasapribado bilang neo-liberal na polisiya na nagbibigay daan sa pagpasok ng mga pribadong kompanya at negosyante sa mga proyekto ng gobyerno. Pero mas pinaluluwag at pinasasahol lang ngayon ng PPP ni Aquino ang polisiyang ito para higit na makaenganyo ng mga dayuhan at lokal na negosyante.
Maliban sa pagbibigay ng mga proyekto sa mga dayuhan at lokal na negosyante, gagarantiyahan din ng gobyerno ang kita ng mga ito.
Kasama na rin dito ang pagbibigay ng regulatory risk insurance o proteksiyon sa mga negosyante mula sa anumang banta ng pangingialam ng gobyerno na maaaring kitain nito. Halimbawa ng pangingialam ang mga desisyon ng korte (tulad ng temporary restraining order) o regulatory body o ahensiya ng gobyerno. Kapag naglabas ang korte o ahensiya ng desisyon na makakapigil sa pagpaptuloy ng kita ng kompanyang sangkot sa proyektong PPP, gobyerno ang pupuno sa kita na nawala sa kompanya.
Taliwas sa sinasabi noon ni Aquino na walang gagastusin ang gobyerno sa PPP, nasa P902-B ngayon ang gagastusin ng gobyerno para sa mga garantiyang ito.
Isa sa mga halimbawa nito ang P69.4-B na LRT1 Cavite Extension Project na ginawad sa Ayala Corp. at sa kompanya ni Manny Pangilinan. Nasa P39.4-B ang gastos ng gobyerno. Makakakuha rin si Henry Sy—ang pinakamayan sa buong bansa—ng P1.6-B sa ilalim ng PPP para sa mga eskuwelahan.
Nasa P10.9-B halaga ng mga proyekto naman sa imprastraktura ang mapupunta kay Eduardo “Danding” Cojuangco. Kabuuang P34.7-B proyekto naman ang kay Pangilinan at Salim Group (mula sa Malaysia).
Pinakamarami namang nakuhang proyekto sa ilalim ng PPP ang Megawide Construction. Nakuha nito ang limang sinalihan na bidding. Pumapangalawa rito ang Ayala Corp. na nakuha ang tatlo sa apat na proyektong sinalihan para sa bidding.

Kabilang mukha ng PPP
Sa pagsulong ng mga proyekto sa ilalim ng PPP, demolisyon ang tiyak na kakaharapin ng mga maralita. Isa na rito ang sa Sityo San Roque sa Quezon City na makailang ulit nang nakaranas ng demolisyon sa ilalim ni Aquino.
“Isa sa ginagawa nilang dahilan ay road widening daw kaya kami idedemolis. Pero sa talagang gusto nila, itayo ang QC-CBD (Quezon City Central Business District) na pagmamay-arian ng mga Ayala. Inililipat kami sa relocation sites na wala namang kabuhayan. Walang tubig, kuryente. Babayaran mo pa ang pabahay nang mahal,” ani Estrelieta Bagasbas, lider-maralita sa San Roque.
Layunin ng QC-CBD na itayo ang bahaging ito ng lungsod bilang sentro ng kalakaran at mag-engganyo ng dayuhang mga negosyante. Bahagi na nito ang Vertis North ng Ayala Land.
Saklaw ng proyektong ito ang 340-ektaryang lupain ng gobyerno sa North at East Triangle, Veterans Memorial, at UP Science and Technology Parks. Sasakupin din nito ang ibang ahensiya ng gobyerno gaya ng Veterans’ Memorial Hospital at Philippine Children’s Medical Center.
Nasa 4,000 pamilya sa kasalukuyan ang naninirahan sa San Roque na nahaharap sa banta ng demolisyon.
“Hindi nawawala ang pangamba namin dito sa araw-araw. Patuloy pa rin ang pandaras at pananakot. Nilagyan nila ng guwardiya ang buong komunidad. Bawal na kasi ang magpasok ng materyales kahit na magre-repair ka lang. Kukumpiskahin nila,”ayon kay Bagasbas.
Samantala, nasa 27,000 pamilya ang maaapektuhan sa LRT Line 1 Extension mula Baclaran hanggang Bacoor, Cavite. Nasa 3,000 pamilya rin ang inaasahang maaapektuhan sa road widening na kasabay ng proyektong ito.
Sa, kabuuan, tinatayang 1.4 milyong maralita (sa NCR pa lang) ang gustong palayasin ng administrasyong Aquino sa kanilang tinitirhan, ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).
Kung kaya, palamutian man ng administrasyong Aquino ng magagandang salita at pangako ang PPP, madaling malantad sa mga maralitang katulad nina Lourdes at Estrelieta ang tunay nitong mukha.
Infographic: Tampok na mga proyektong PPP sa Kamaynilaan
