Kinatawan ng migrante, pamilya sa Kongreso, ipaglalaban sa 2016


Tuloy ang laban, ani Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante Party-list. Ito ang huling pagsisikap ng party-list na makapasok sa Kongreso matapos mabigo sa nakaraang mga eleksiyon.

Mga nominado ng Migrante Party-list, kasama ang kandidato sa pagkasenador ng Makabayan Coalition na si Rep. Neri Colmenares. Photo courtesy: <b>Migrante PL</b>
Mga nominado ng Migrante Party-list, kasama ang kandidato sa pagkasenador ng Makabayan Coalition na si Rep. Neri Colmenares. Photo courtesy: Migrante PL

Dalhin sa Kongreso ang interes ng mga migrante.

Ito ang umalingawngaw na mensahe sa convention ng Migrante Party-list, na dinaluhan ng mahigit 300 katao sa conference hall ng Philippine Independent Church, Taft Avenue, Maynila noong Setyembre 29.

Tuloy ang laban, ani Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante Party-list. Ito ang huling pagsisikap ng party-list na makapasok sa Kongreso matapos mabigo sa nakaraang mga eleksiyon.

Lalong may pangangailangan sa progresibong mga party-list tulad ng Migrante, ayon kay Regalado, para maipagtanggol ang migrante at sambayanan sa ibayong atake sa kanilang kabuhayan at karapatan. Mas masama pa nga ang kalagayan ngayon sa Kongresoo na pugad ng kurap, magnanakaw, mapanlinlang, mandarambong at makadayuhan, aniya.

Masaya, excited, at determinado ang mga dumalo na ipanalo ang Migrante Party-list. Nagmula pa sila sa iba’t ibang chapter ng Migrante Party-list na matatagpuan sa kalakhang Maynila, Southern Tagalog, Central Luzon, Benguet at ilang lugar pa sa Mindanao tulad ng Davao at General Santos City.

Sa saliw ng kantang “Stand by Me” ay nagpaabot din ng pakikiisa ang mga chapter ng party-list sa Netherlands, Italy, USA, Canada, Taiwan, UAE, Hong Kong, atbp.

Nagpahayag din ng suporta ang International Seafarers Action Center at ang Phildran na organisasyon ng mga Pilipinong mandaragat sa mga barkong Danish.

Naroon din at nakiisa ang pamilya ni Mary Jane Veloso at ang iba pang natulungan ng Migrante.

Nahalal na nangungunang nominee ng Migrante Party-list ang tagapangulo ng Migrante International na si Garry Martinez. Nangibang bansa si Martinez sa United Kingdom ngunit nagsabing babalik siya sa susunod na mga buwan para tuparin ang tiwala na ibinigay sa kanya ng mga migrante.

“Marami nang hirap at tiniis ang mga migrante, at dapat lamang na dalhin ang party-list nito sa Kongreso,” sabi ni Martinez, sa ipinadalang video. “Kailangang ipakilala ang Migrante Party-list sa bawat bahay, bawat kalye, bawat probinsiya ng Pilipinas.”

Samantala, nadagdagan pa ang galak ng mga migrante at kanilang pamilya sa pagdalo ni Rep. Neri Colmenares na kandidato ng Makabayan Bloc para sa Senado. Ayon kay Colmenares, naranasan niya mismo ang hirap ng mga migrante noong kanyang kabataan nang ipadala siya ng anim na buwan ng Student Christian Movement para magsalita sa iba’t ibang bansa.

“Ang baon ko noon ay $50 lang,” ani Colmeranes. “Kaya nag-sideline din ako bilang janitor sa Canada at madaling araw pa lang ay gumigising na. Naranasan ko ring maglinis ng inidoro. Sa South Korea naman, ang nag-host sa akin ay isang TNT na nakatira sa bahay na underground.

Inaasahan ni Colmenares na maging bahagi ang Migrante Party-list ng Makabayan Bloc sa Kongreso.

Masayang nagtapos ang convention. Nagparinig din ng makabayan at popular na mga awit ang Sining Bulosan, Tabakk, at Sining Kadamay.