FEATURED Kapirasong Kritika

Botong Protesta sa Eleksyong 2016


Botong protesta kontra sa kasalukuyang rehimeng Aquino ang nakaraang halalan. Samantala, nakapagpalakas muli ang progresibong mga puwersa, habang lalong nailantad nila ang kabulukan ng sistemang elektoral ng bansa.

Botong protesta laban sa gobyerno ni Pang. Noynoy Aquino. Ito ang isa sa pinakamatibay na paliwanag sa pagkapanalo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang pangulo sa eleksyong 2016. Kung paano, iyan ang magandang bigyan ng masinsing paliwanag.

Ilang hinala: Una, sa lahat ng tumakbong pangulo, si Duterte ang pinakamatalas sa paglalarawan sa kasalukuyan ng bansa bilang negatibo, bilang may kakulangan: malaganap ang krimen at paglabag sa batas, at iba pa. Ikalawa, sa lahat ng tumakbong pangulo, at marahil hindi lang sa eleksyong ito kundi maging sa mga nauna, siya ang nagbigay ng pinakamatapang na mga pangako: paparusahan ang mga kriminal at lumalabag sa batas, at iba pa. Sa diagnosis at prognosis na ito nakasuporta ang track record niya bilang mayor ng Davao City.

Ikatlo, sa lahat ng tumakbong pangulo, siya ang tuluy-tuloy na tumuligsa sa inendorso ni Aquino na si dating Interior and Local Government Sec. Mar Roxas at kay Aquino mismo. Ang tatlong nabanggit ang ibinalot sa pakete ng “Tunay na Pagbabago” na ipinangako niya. Ikaapat, ginawa niya ang lahat ng ito sa paraang mauunawaan at matatandaan ng masa: matapang laban sa masasama, may malasakit sa mahihirap, may kapasyahan sa pamumuno, at pana-panahong kengkoy.

Hindi nagsimulang malakas ang kampanya ni Duterte. Pero mayroon ito, simula’t sapul, ng pursigidong makinarya mula sa samu’t saring pwersang pampulitika: mga tagasuporta sa Davao at Mindanao, loyalista ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, loyalista ni Sen. Bongbong Marcos, seksyon ng militar at pulisya, grupong kontra-krimen, at iba pa.

Naging gasolina ng makinaryang ito ang mga pinasok na kontrobersya – positibo at negatibo – ni Duterte sa panahon ng kampanya. Minaksimisa nila ang social media at ang masayang tawaging “daldal media” – iyung tinatawag na “word of mouth” na sinasabing nananatiling pinaka-epektibo sa pagbebenta ng kalakal – para ikampanya si Duterte.

Sa paglakas ng popularidad ni Duterte, at sa mga pahayag niyang pabor sa malalaking negosyo – kasabay ng minsan ay direktang kakontrang mga pahayag pabor sa maralita – bumuhos ang suporta ng malalaking kapitalista. Sa dulo, nakikipagtagisan na siya sa mga kalaban sa dami ng patalastas sa midya ng mga burges-komprador. Sa dulo, panay na ang pahayag ng malalaking kapitalista na kahit sino ang manalo sa eleksyon ay tatanggapin nila at patuloy na “uunlad” ang bansa. Ang pagsuportang ito ng mga burgesya-komprador ang malinaw na repleksyon ng pagsuporta, bagamat nahuli at napilitan lang, ng imperyalismong US sa kanyang kandidatura.

Malinaw na inihanda ng rehimeng Aquino ang makinarya at elektronikong pamamaraan para ipandaya si Roxas. Nagsikap itong gawing kapani-paniwala ang pinaplano noong pandaraya sa pamamagitan ng opensiba sa propaganda. Pero masyadong huli na ito sa tinakbo ng kampanyang elektoral, abstrakto (diktadura bersus demokrasya), at elitista (disente bersus bastos). Hindi na nito nagawang itaas si Roxas sa mga sarbey para maging kapani-paniwala ang pandaraya pabor sa kanya.

Sa ganitong kalagayan, malakas ang naging dating ng mga pagbabanta ng iba’t ibang grupo, kasama ang Kaliwa, laban sa pandaraya – na walang iba kundi pandaraya laban kay Duterte. Gayundin ang napakalaking pagtitipon ng mga tagasuporta niya sa Luneta noong Sabado na bisperas ng eleksyon. Naging malinaw sa lahat na mananalo lang si Roxas sa pamamagitan ng pandaraya, at si Duterte ang pangunahing biktima. Sa dulo, hindi na nagawang nakawin pa kay Duterte ang pagkapanalo bilang pangulo ng bansa.

Hugo Chavez, yumaong presidente ng Venezuela: Anti-imperyalista. Wikimedia Commons

Dito mahalagang ilugar ang pagpapalutang ng Communist Party of the Philippines ng posibilidad kay Duterte na maging isang Hugo Chavez – pangulo ng Venezuela na noong una’y nagpatupad lang ng mga makabuluhang reporma para sa maralita at mamamayan at paglao’y mulat nang lumaban sa pinakamasasahol na diktang neoliberal at militarista ng imperyalismong US sa kanyang bansa. Bilang pangulo, naging kampeon siya ng masa, kakampi ng Kaliwa at kalaban ng mga naghaharing uri at ng imperyalismong US.

Nanalo si Duterte dahil sa paglawak ng kanyang popularidad sa hanay ng masa at mamamayan, dahil sa pagbabantay at pagbabanta nila laban sa anumang pandaraya laban sa kanya. Noong una’y tila direktang tutol ang mga naghaharing uri at ang imperyalismong US sa kandidatura niya, pero nitong huli’y napwersa na silang sumuporta.

Malinaw rin ang mga pahayag ni Duterte: “tunay na pagbabago” ang pangako niya, bagamat sa balangkas ng namamayaning sistemang panlipunan. Aniya, siya ay “sosyalista,” siya ang magiging unang pangulo ng Pilipinas na “maka-Kaliwa,” at ang ipapatupad niya kung manalo ay halaw sa “sosyalismo.” Hindi rin niya itinago ang matagal na niyang ugnayan sa Kaliwa, hanggang sa mismong CPP at New People’s Army.

Anuman ang pagtanggap sa mga pahayag na ito ng malawak niyang tagasuporta, malinaw namang pagbabago ang sigaw nila. At ito ang mabigat na presyur ngayon kay Duterte. Ngayong nanalo na siya, ibibigay ba niya ang tunay na pagbabagong ipinapanawagan ng malawak na masa at mamamayang nagtiwala sa kanya?

Kung oo, kailangan niyang sumandig sa masa at mga mamamayan at sa Kaliwa mismo. Tiyak na lalabanan siya ng mga naghaharing uri at imperyalismong US. Tiyak na kakasangkapanin nila ang bise-presidente, Senado, at Kongreso laban sa kanya. Kung hindi naman, malalantad at mahihiwalay siya sa malawak na mamamayang bumoto sa kanya, gayundin sa Kaliwa na prinsipyadong pumupuri kapag may dapat purihin at tumutuligsa kapag may dapat tuligsain.

Hindi nangangahulugan ang pagkapanalo ni Duterte na walang pandaraya sa eleksyon sa pagkapangulo. Sa naging resulta, pumangalawa si Roxas, pumangatlo si Sen. Grace Poe, pumang-apat si Bise-presidente Jejomar Binay, at pumanglima si Sen. Miriam Defensor-Santiago. Malaking anomalya ito kung ibabatay sa tinakbo ng eleksyon.

Ang hinala ko, at maging ng ibang napagtanungan, binawasan ang boto nina Duterte, Poe, at Binay para palabasing pangalawa si Roxas. Pinakamalaking binawasan si Poe, na konsistent na pinakamalapit na kalaban ni Duterte. Ang naging hudyat para palabasing kapani-paniwala ang paglipat ng mga botante ni Poe kay Roxas: ang panawagan nina Roxas at Aquino kay Poe na umatras. Nang tumanggi ang huli, pinalabas na masama siya, kaya naglipatan umano ang mga botante patungo kay Roxas – na malaking kasinungalingan. Hindi naman kumagat sa opinyong publiko ang paspasang pananakot nina Roxas at Aquino laban sa pagkapanalo ni Duterte, kaya imposibleng naging masama ang imahen ni Poe nang tumanggi itong umatras. Kaya imposibleng lumipat ang mga botante niya kay Roxas.

Bakit kailangang pumangalawa ni Roxas? Una, para sa dangal ng paksyon ng naghaharing uri na kinakatawan niya at ng rehimeng Aquino: mga lumang lahi ng komprador-haciendero-pulitiko, na hindi pwedeng basta ilampaso na lang ng dalawang bagong salta na sina Duterte at Poe. Matatandaan ang eleksyong 2010: hindi pinayagang maging pangalawa si Sen. Manny Villar, at kinailangang ilagay rito si dating Pang. Joseph Estrada. Ikalawa, para maging kapani-paniwala ang pagkapanalo ni Cong. Leni Robredo bilang bise-presidente.

Marami ang naniniwalang hindi man nagawang ipanalo si Roxas sa pamamagitan ng tambalan ng propaganda-pandaraya ay naipanalo naman si Robredo sa pamamagitan nito. Alam ng lahat na ang kapangyarihan, pondo, makinarya, at pamamaraan para mandaya ay hawak ng rehimeng Aquino.

Narito rin ang motibo para mandaya at iluklok na bise-presidente si Robredo: ang kagustuhang makaligtas sa pagpapanagot sa malulubhang krimen laban sa sambayanang Pilipino. Sa pagkakahalal ni Robredo, magkaroon ng pwersa sa gobyerno ni Duterte na hahadlang, o kahit paano’y pepreno, sa pagpapanagot kay Aquino at mga susing opisyal ng rehimen nito.

Ngayon, may dagdag pang pakinabang ang rehimeng Aquino sa pagpapanalo sa kanya: ang pasunurin si Duterte sa kanilang mga kagustuhan – sa galawan sa pulitika, patakarang pang-ekonomiya, patakarang panlabas, at iba pa – sa pamamagitan ng banta ng pagpapatalsik at pagpalit ni Robredo.

Mar Roxas at Leni Robredo: Pambato ng papaalis na rehimen.

Sa nakaraan, walang nagagawa ang bise-presidente kapag presidente na ang nagtulak ng hakbangin o patakaran. Ang kaibahan ngayon, hawak ng Liberal Party, kasama ang mga loyalista pa nga nina Aquino at Roxas, ang Senado at Kongreso. Maaaring mauso muli ang mga balimbing at maglipatan patungo kay Duterte; maaari ring hindi at maging mga kakampi ni Robredo.

Bakit posibleng si Marcos talaga ang nanalo sa eleksyon sa pagka-bise? Una, ang pangunahing penomenon ng eleksyong 2016 ay si Duterte at ang botong protestang kinakatawan niya. Si Marcos, higit pa nga sa katiket ni Duterte na si Sen. Alan Peter Cayetano, ang nakaangkas sa paglakas ni Duterte at sumakay rin sa naturang botong protesta: sa usapin ng mensahe ng kampanya, bagamat hindi direktang tuligsa sa rehimeng Aquino, at makinarya sa kampanya.

Ikalawa, may pagmumulan ng boto si Marcos: bukod sa solidong Norte ay ang Silangang Visayas kung nasaan ang mga kaanak niyang Romualdez at ang ilang balwarte ng mga kapanalig ni Arroyo. Bukod pa diyan, usap-usapan sa mga komunidad na matagal nang naglatag ang kandidatura ni Marcos ng makinarya: iba’t ibang paraan ng pagrerekluta ng mga lider sa barangay kapalit ng pera. Hindi kataka-takang maliban lang kay Roxas, lahat ng kandidato sa pagkapangulo ay nakipaglaro sa kanya.

Sa kabilang banda, naging kapani-paniwala ang paglakas sa mga sarbey ni Robredo at pagkapanalo niya. Siya ang kalaban na talagang tumuligsa kay Marcos – bagay na nagpatampok sa umano’y pagiging walang bahid niya ng korupsyon. Hindi gaanong nakaupak si Sen. Chiz Escudero, dahil naglingkod ang tatay niya sa diktadurang Marcos, bagamat hindi rin naman lumutang ang datos na ito.

Sa paglaban sa pagkapanalo ni Marcos, posible talagang lumipat ang mga botante mula kay Escudero patungo kay Robredo. Mas totoo ang pangamba, lalo na ng mga nasa panggitnang uri, sa pagkahalal kay Marcos kaysa sa pangamba sa pagkahalal kay Duterte na likha ng rehimeng Aquino. Nariyan, syempre pa, ang buong pondo at makinarya para sa pangangampanya ng rehimen para kay Robredo.

Muling pinatunayan ng resulta ng eleksyon sa Senado na iba ang paggalaw nito kumpara sa paggalaw ng eleksyon sa presidente at bise-presidente. Ang nanalo ay iyung matagal nang kilala o nakilala ng mga botante sa iba’t ibang dahilan at may pondo at makinarya para manalo. Tiyak ding ipinandaya ang mga kandidato sa pagkasenador na kakampi nina Aquino at Roxas. Hindi porke’t galing sa partido ni Aquino na Liberal Party ang karamihan ng nanalo ay hindi totoong may botong protesta sa presidente at bise-presidente. Mas maipagpapalagay na inaasahan ng mga mamamayan na susunod ang Senado sa sasabihin ng mahahalal na presidente.

Nanalong senador, matapos ang dalawang pagtatangka, si Cong. Risa Hontiveros ng pseudo-progresibong grupong Akbayan. Nakamit niya ang panalong ito sa pamamagitan ng tuluyang pagtanggal ng pagpapanggap na progresibo sa pagiging reaksyunaryo niya. Sa laki ng ginastos niya sa patalastas sa midya ng malaking kapitalista, imposibleng hindi galing iyun sa pondo ng gobyerno.

Lumiit ang botong natanggap ng Akbayan, naging mahigit 590,000 na lamang, bumagsak mula sa pangunguna sa eleksyong partylist noong 2010. Hindi naisalba ng malaking pondong galing sa gobyerno ang lalong pagkawala ng organisadong lakas nito. Sinong maralita at mamamayan nga naman ang mamumulat, maoorganisa, at mapapakilos para ipagtanggol ang rehimeng Aquino? Mas malamang din na ang mismong mga organisador nito ay nahatak na ng mga opisina ng gobyerno. Hindi rin naisalba ng dilawang ginto nito ang pagkakalantad nito bilang tagapagtanggol at tagapaglingkod ng rehimeng Aquino.

Ibig sabihin, malaking bahagi ng pagkapanalo ni Hontiveros ang nakasandig sa pondo ng gobyerno na biyaya ng rehimeng Aquino, gayundin sa makinarya ng huli. Pero para sa isang kandidatong todong nakasandig sa pondo at makinarya ng rehimeng Aquino, hindi naging loyalista kina Aquino at Roxas si Hontiveros. Hindi siya dumikit nang husto kay Roxas sa panahon ng kampanya at hindi siya naging asong tagaatake laban kay Duterte o iba pang kandidato sa pagka-presidente.

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares: Nagpatakbo ng masiglang kampanya sa kabila ng kakulangan ng pondo.

Natalo naman sa karera sa pagka-senador si Cong. Neri Colmenares ng Bayan Muna, kandidato ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Makabayan. Kapansin-pansin pa rin ang kawalan ng pondo ng kanyang kandidatura para makipagsabayan sa mga nangunang kandidato sa pagkasenador sa pangangampanya. At kahit ang mga natalo ay nagsigastos din nang malaki.

Sa kabilang banda, umabot ang kanyang boto sa 6.4 milyon, na makabuluhang pag-abante sa botong natanggap ng mga naunang kandidato sa pagka-senador ng Makabayan. Tumaas din sa 3.9 milyon ang botong natanggap ng lahat ng progresibong partylist sa ilalim ng Makabayan. Maipagpapalagay nang resulta na ang parehong numero ng pandaraya para bawasan ang boto. Anu’t anuman, sa ganitong bilang, pinagtibay ng Makabayan ang pagiging pinakamalakas na grupong elektoral ng Kaliwa sa bansa.

Tiyak na nakapagpalaki sa boto ng Makabayan sa eleksyong 2016 ang malakas na pagsusulong ng mga kaibigan nitong pambansa-demokratikong organisasyon sa mga laban ng sambayanan kahit sa panahon ng kampanyang elektoral. Ang mga susing salita: pension hike sa Social Security System, protesta para sa bigas sa Kidapawan City at buong Mindanao, paglaban sa panunumbalik ng pamilyang Marcos sa Malakanyang, kontraktwalisasyon, pandarahas sa kababaihan, mas mataas na sahod, at iba pa. Sa batayan ng mga isyung ito, lalong nailantad na kontra-mamamayan at naihiwalay sa sambayanan ang rehimeng Aquino.

Sa lalong paglalantad at paghihiwalay sa rehimeng Aquino, malaki ang naiambag ng pagsusulong ng mga pambansa-demokratikong organisasyon sa mga laban ng sambayanan sa naging resulta ng eleksyon sa pangulo at pangalawang pangulo.

16 Mayo 2016