FEATURED

APEC sa Pilipinas, at ang benepisyo sa imperyo


Sa loob ng 26 taon ng Asia-Pacific Economic Cooperation o APEC, lalong sumahol ang buhay ng mga mamamayang Pilipino. Ito’y dahil dominado ito ng imperyalistang mga bansa sa pangunguna ng Estados Unidos.

PABEBE WAVE? Finance ministers gather for a photo-op at the APEC Finance Ministers' Meeting in Cebu last September.
PABEBE WAVE? Nagtipon ang finance ministers para sa isang photo-op sa APEC Finance Ministers’ Meeting sa Cebu noong Setyembre.

Sampung bilyong piso.

Ito ang halagang ginagastos ngayon ng administrasyong Aquino para sa mga imprastraktura na gagamitin nito bilang host ng Asia Pacific Economic Conference (APEC) Economic Leaders’ Meeting ngayong Nobyembre 18 at 19. Higit sa doble pa ito sa buong panukalang badyet ng isang departamento, Department of Trade and Industry, para sa taong 2016, sa P4.1-B. O halos triple pa sa badyet ng Department of Tourism sa sunod na taon, sa halagang P3.6-B.

Kabilang sa pagkakagastusan ang pagsasaayos ng mga imprastraktura gaya ng mga paliparan, daan, at iba pa sa sampung siyudad sa bansa.

Ang katwiran ng gobyerno, pangmatagalan naman daw ang imprastrakturang pinagawa para sa APEC. Isa pa, pangmatagalan din ang epekto sa turismo at ekonomiya ng bansa ng paglulunsad ng isang malaking internasyunal na kumperensiya tulad ng APEC.

Taong 1996 huling inilunsad ang APEC sa Pilipinas. Sa 19 taong naglipas, marami na ang nagbago sa ekonomiya ng daigdig. Tumindi ang kahirapan, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong Asya-Pasipiko.

Pero tuloy pa rin ang paglulunsad ng APEC para mapag-usapan at maitulak ang sinasabing “neoliberal” na mga polisiya sa ekonomiya—mga polisiyang pinakikinabangan ng iilang monopolyo-kapitalista (marami’y nakabase sa US) at nagpasahol sa buhay ng mahihirap na mga mamamayan.

Dikta ng mayayaman 

Pero tuloy pa rin ang pagtatambol ni Aquino sa darating na Economic Leaders’ Meeting ng APEC. Inaasahan na darating ang 21 pinuno ng mga bansang kasapi nito.

Ano ang APEC? Isa itong porum o regular na pagtitipon ng 21 gobyerno ng mga bansa sa Pacific Rim (o magkabilang bahagi ng Pacific Ocean) para maitulak ang pagpapatupad ng “malayang kalakalan” sa Asya-Pasipiko.

Binubuo lang noon ng 12 bansa ang APEC nang magsimula ito noong 1989 sa Australia. Itinatag ito sa panahong nagbabago ang kalagayan ng pandaigdigang ekonomiya dahil sa unti-unting pagkalusaw ng Soviet Union at pagpasok ng China sa pandaigdigang sistemang kapitalista.

Sa unang bahagi nito sa pagitan ng mga taong 1989 hanggang 1997, naging masigla ang pagsulong ng interes ng kapitalistang mga bayan, lalo na matapos ang pagkabuwag ng Berlin Wall sa Germany.

(“Neoliberal ang mga polisiya na naglalayong hayaan ang kalakalan sa pagitan ng mga negosyante ng mga bansa at huwag makialam ang mga gobyerno.)

Kaya kasabay nitong isinusulong ang mga patakaran gaya ng liberalisasyon o pagtatanggal ng hangganan kung ano lamang ang ipapasok sa bansa at kung gaano karami. Nadodominahan ng mga dayuhang kalakal ang mga produkto ng Pilipino at unti-unting pumapatay sa lokal na industriya.

Dahilan din ito kung bakit umaasa ang Pilipinas sa pag-aangkat ng mga produkto na maaari namang nitong likhain. Nakatuon din ang hilaw na materyales para i-export o ipadala sa ibang bansa sa halip na pakinabangan ng mga Pilipino at makalikha ng sariling industriya. Layunin din nitong pababain o tanggalin ang buwis sa mga kalakal o produkto na pumapasok sa bansa.

Nariyan din ang deregulasyon o hindi pakikialam ng gobyerno sa presyo ng produkto. Gaya ito ng Oil Deregulation Law na nawalan ang kontrol ang gobyerno sa presyo ng langis.

Pribatisasyon naman ang pagpapasok ng mga negosyante sa mga serbisyong ibinibigay dapat ng gobyerno sa kaniyang mamamayan gaya ng edukasyon, pangkalusugan, pabahay, at iba pa, para pagkakitaan.

Pagbabasura sa APEC bilang institusyon ng imperyalismo ang panawagan ng progresibong mga organisasyon. <b>Kontribusyon</b>
Pagbabasura sa APEC bilang institusyon ng imperyalismo ang panawagan ng progresibong mga organisasyon. Kontribusyon

Revival

Nagkaroon ng pagbagal ang APEC sa taong 1998 hanggang 2008. Dahil ito sa matinding krisis ng sistemang kapitalista, partikular sa US kung kailan pumutok ang mga bubble o ampaw nitong paglago sa ekonomiya. Isang itinuturong dahilan  din dito ang matinding gastos ng giyera kontra-terorismo ng US matapos ang pag-atake rito noong Setyembre 11, 2001.

Mula 2009 hanggang sa kasalukuyan, muling nabubuhay ang pagsulong ng neoliberal na mga polisiya na naglalayong ibukas ng mga bansa ang kanilang mga ekonomiya o pagkakaroon ng malayang merkado.

Dominado ng US ang APEC, kasunod ang Japan. Dinadaluhan ito ng mga bansa kahit na walang kasunduan o binding agreements na iniluluwal ang kumperensiyang ito. Pinalalambot nito ang sitwasyon para mas madaling maipatupad ang polisiya na isinusulong ng kapitalistang mga bansa.

Sitwasyon ngayon

Sa gitna pa rin ng krisis pang-ekonomiya ang US, itinutulak ng mga pinuno nito ang paglipat ng lakas-militar at ekonomiya ng naturang bansa sa Asya para kumpetensiyahin ang China.

Tinatawag na “Pivot to Asia” ang policy shift o pagbabago ng polisiya ng US na ito. Nitong huling tatlong taon, naipuwesto ng US ang presensiyang militar nito sa Vietnam (na naging kaibigan na ng US, ilang dekeda matapos halos wasakin ito ng US sa digmaan) at Pilipinas (sa uri ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA). Nag-ambag naman ito sa pagpaypay ng tensiyon sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng pagpapalipad ng mga eroplano sa mga puwersang Tsino, kahit malinaw na wala itong plano na makipagdigma sa Tsina o protektahan ang Pilipinas sa pananakop.

Ngayon, sa pamamagitan ng APEC at Association of Southeast Asian Nations (Asean), pinalalakas naman ng US ang pagnenegosyo nito sa Pilipinas at iba pang bansa sa rehiyon.

Malaki ang interes dito ng US (gayundin ng Europe at Japan, at siyempre, China) dahil malaking bahagi ng ekonomiya ng daigdig ang nasa APEC. Binubuo ang rehiyon ng 40 porsiyento ng populasyon ng daigdig, 50 porsiyento ng internasyunal na kalakalan, at 60 porsiyento ng gross domestic product (o lokal na kita) ng daigdig.

Protesta ng kabataan kontra sa APEC.
Protesta ng kabataan kontra sa APEC.

APEC sa Pinas

Building Inclusive Economies, Building a Better World ang tema sa taong ito ng APEC.

Layunin ng kumperensiya na isulong ang mga usapin na nakatuon sa ekonomiya at pagnenegosyo. Gustong bigyan-pansin daw ng APEC ngayong taon ang problema ng pagbabago sa klima (climate change), gayundin ang small, micro and medium enterprises (maliliit na negosyo), at migrasyon (o pagtawid ng mga tao sa ibang bansa, kalimita’y para magtrabaho).

Pero ayon sa progresibong mga tagasuri, wala sa balangkas ng paglulutas sa problema ng pagbabago ng klima ang APEC—dahil US at iba pang imperyalistang bansa rin ang pinakamalaking maysala sa greenhouse gas emissions na dahilan ng pagbabago sa klima. Anila, target naman ng APEC na suportahan ang maliliit na negosyo hindi para paunlarin ito at umambag sa industriyalisasyon ng mga bansa nila kundi para umambag sa pagpapalago ng kita ng malalaking kompanya ng imperyalistang mga bansa.

Samantala, gusto ng US na gawing mas episyente ang migrasyon para sa murang lakas-paggawa na maglilingkod sa kanilang interes.

Sumahol 

Sa halos 20 taon mula nang ilunsad ang APEC sa Pilipinas, walang nabago ang mga polisiyang itinutlak dito para sa buhay ng ordinaryong mga Pilipino.

Sa datos ng Ibon Foundation, isang progresibong institusyon ng pananaliksik, totoong tumaas ang taunang average ng paglago sa ekonomiya ng bansa mula 2% (1980s), 2.8% (1990s), 4.6% (2000s), patungong 6.3% (2010 hanggang 2014). Ang huling limang taon ang pinakamabilis na paglago matapos ang 7.1% noong 1950s. Lumaki rin ang foreign investment mula sa US$2.3 Bilyon noong 1980s (nasa 6.2% ng GDP) tumaas ito sa US$32.5 Bilyon noong 2013 (nasa 12% ng GDP).

Pero bumagsak ang produksiyon ng bansa sa simula ng dekada ‘80. Binubuo ito ng mga sektor ng agrikultura, manupaktura, construction, at pagmimina ang produksiyon ng bansa. Nasa 60% ng GDP ang kabuuan nito bago ang globalisasyon sa dekada ng dekada ‘50, ‘60, at ‘70. Bumagsak ang produksiyon ng mga sektor na ito sa 57% (1980s), 52% (1990s), at 48% (2000s). Sa pagbabago ng pamantayan sa kasalukuyang kinikita ng bansa, bumaba pa ito sa 42% (2000s) at 39% sa mga taon mula 2010 hanggang 2014.

Sa datos na nakalap ng Kabataan Party-list, inaasahang magkakaroon ng P61,205 utang ang kada Pilipino sa Disyembre 2015 dahil sa P6.2 Trilyong (P4.25-T sa lokal at P1.96-T sa dayuhan) kabuuang utang ng Pilipinas.

Sa taong 2014, nasa 11.2 milyong Pilipino ang unemployed at underemployed. Umaabot naman sa 23.7 milyong Pilipino ang mahihirap, ang pinakamataas sa kasaysayan, ayon sa Ibon.

Sa pagdating ng mga lider ng iba’t ibang bansa para sa APEC sa Nobyembre, marami ang pag-uusapan. Pero ang di-mababanggit, ang mistulang elepante sa kuwarto, ay kung bakit lalong sumasahol ang kalagayan ng mayorya ng mga mamamayan ng Asya-Pasipiko, lalo ng Pilipinas, sa kabila ng itinutulak nilang neoliberal na mga polisiya sa APEC.

Hindi man ito magpag-uusapan sa APEC, tiyak na ito ang magiging laman ng mga protesta sa kalsada.


INFOGRAPHIC: 26 years of APEC’s globalization
Ibon Foundation

IBON APEC26yearsmacro


Featured image: Detail from “Land Grab” (2011) by Federico Boyd Sulapas Dominguez