Babala: May spoilers sa rebyung ito.
Hindi lamang sa Comelec uso ang DQ (disqualification) kundi pati sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon.
Kasi ang Honor Thy Father na entry sa MMFF ay tinanggal sa Best Picture Category dahil diumano’y naipalabas na sa Cinema One Originals nitong Nobyembre at sa Toronto Film Festival noong Setyembre. Kapwa sa dalawang pagkakataon — na ang palabas ay by invitation only (ibig sabihin, hindi nagbayad ang mga manonood kaya hindi puwedeng gamiting dahilan sa disqualification)– umani ito ng papuri sa mga kritiko bilang seryosong de-kalidad na pelikula sa direksiyon ni Erik Matti.
Hindi nga ba’t iyan sana ang tunay na pakay ng MMFF–ang masuportahan ang industriya ng pelikulang Pilipino, lalo na ang maliliit na produksiyon na kahit hindi makatapat sa higanteng mga kompanya sa pelikula tulad ng Star Cinema (ABS-CBN) at GMA Films, ay makapagpapakita rin kung gaano sila kagaling?
Pero kapag ang mga higanteng ito sa pelikula ang kabangga, kahit ang ilang sinehan na para sa iba’y ibibigay pa sa kanila upang tumabo lalo sa takilya. Ito ang ipinahihiwatig na dahilan ng mga producer ng Honor Thy Father kung bakit inalis ito sa kategorya para sa Best Picture matapos ang unang araw ng palabas, at ang masakit binawasan pa ng mga sinehan. (Binawasan din ng sinehan ang pelikulang Nilalang ni Cesar Montano.)
Itatanong pa ba kung bakit? Namamayagpag, at sobra-sobra na ang kinikita ng My Bebe Love (P156 Milyon na noong Disyembre 27) at Beauty and the Bestie, pero walang balak magpartida ang mga producer nito sa kinikita. Paano’y nag-uunahan sila sa box office at sa awards. Kasi naman ang mga nananalo at napapasama sa Best Picture Category ay pinag-iinteresan pang lalo na panoorin ng masa at sa ganitong paraan man lang sana’y humabol ng kita ang Honor thy Father.
Sayang na hindi napanood ng marami ang Honor thy Father na kakaiba at hindi dinaan sa kilig. Sayang din na hindi nanalo ng Best Actor si John Lloyd Cruz (pero naging Best Supporting Actor si Tirso Cruz III dito.) Hindi matatawaran ang galing niya sa pag-arte na talagang tumingkad at maipagmamalaki mong mahusay na artista. Pumayag siyang magpakalbo, pumutok ang mukha at pumangit, madungisan at manuot sa mga tunnel bilang minero. Inangkin niya ang papel bilang isang karaniwan at tahimik na tao pero nang wala nang masulingan at masandal sa pader ay inilagay na ang batas sa kanyang mga kamay.
Hindi mo halos namamalayan ang transisyon ni John Lloyd sa iba’t ibang emosyon– naroon ang kaba, takot, awa, galit, pighati, paghihiganti, pagmamahal, pagdurusa; kahit sa mga eksenang kailangan niyang magpigil ay suwabe, focused at intense pa rin ang akting. Nakakasorpresa naman si Meryll Soriano bilang “Kaye” (asawa ni Edgar) sa pagdadala ng ligalig at tensiyon sa kanilang pamilya. Malaki rin ang naitulong ng supporting cast para magmukhang tunay ang mga eksena.
Magaling na direktor si Erik Matti at dapat lang talagang nanalo na Best Director. Pero hindi sumapat ito para magsaya siya at dumalo sa awards night. Sa halip, binasa ng kinatawanan niya ang kanyang protesta sa pag-DQ ng Honor Thy Father, na ni wala man lang due process. Isa pa’y alam na rin diumano ng executive committee ng MMFF na ipinalabas na ito sa ibang film festival bago tinanggap sa MMFF. Dahilan na rin ito para makisimpatya at maglabas ng pagtutol sa pangyayari ang Directors’ Guild kinabukasan.
Paano inatake ni Matti ang kanyang pelikula? Makinis at mahigpit ang tangan niya sa kanyang materyal. Nailantad niya ang iba’t ibang anyo ng kabulukan ng sistemang panlipunan sa Pilipinas sa natural na mga eksena–tulad ng investment scams, pagnenegosyo at pagkukunwari ng simbahan, pagkapanatiko ng mga relihiyoso, kainutilan ng pulisya at korte, buwis-buhay na kalagayan ng mga minero, sexual harassment, at iba pa. Mahusay ang pagkakalubid ng istorya at mga eksena, at hindi karaniwan ang paglalahad ng mga pangyayari; aantabayanan mo kung saan nga ba tutuloy ang susunod na eksena. Hindi rin gumamit ng flashback para alamin ang nakaraan ni Edgar; bagkus, dinaan ito sa simpleng pag-uusap at reaksiyon ng mga miyembro ng pamilya.
Sa kabilang banda naman, ipinakita rin ni Matti ang kahalagahan ng damayan ng magpapamilya sa harap ng karahasan, inhustisya at pagsasamantala. Kakaiba pa nga sa mga katutubo kasi walang pagtatanging sinuportahan nila si Edgar sa paglutas ng problema nito kahit minsa’y tumalikod na ito sa kanila. Baguio ang eksena ng pelikula, at Bontoc ang pinagmulan ng karakter ni Edgar. Kahit peligroso ang gagawin nila, sinamahan nila si Edgar na maghukay ng tunnel hanggang sa maabot at mabuksan ang kaha de yero ng simbahan. Sa ganitong paraan nila naisip na mailigtas ang asawa ni Edgar, na papatayin ng mga nabiktima ng scam kung hindi maisosoli sa kanila ang pera. (Biyenan ni Edgar ang pasimuno ng investment scam sa kanilang lugar, na pinatay, at pati ang asawa at anak ni Edgar ay pinaghigantihan ng mga nabiktima ng scam.)
Nagtagumpay naman sina Edgar na makuha ang pera ng simbahan, pero naging madugo ito sa iba’t ibang eksena at paraan. Nabawi man ni Edgar ang kanyang asawa, nalagutan din ito ng hininga sa inabot na parusa ng mga kumidnap dito.
Maaaring sabihin na bitin ang pagtatapos ng pelikula. Saan papunta si Edgar matapos niyang makapatay at mamatay din ang asawa? Marahil, hindi na ito layon pang sagutin ng pelikula. Sapat na marahil kay Matti na ipakita ang mga tunggalian sa sarili na dinaraanan ng isang indibidwal. Tapos na ang kuwento. Bahala na ang manonod na mag-isip.
At kung gayon, isang kongklusyon ang makukuha mula rito. Iiral at iiral ang vigilante justice hangga’t walang hustisya na makukuha ang mga inaapi mula sa mga institusyon ng lipunan. Kaya lang, iikot ang mundo nang walang malinaw na patutunguhan at aabot din sa pagkawasak ng mga pamilya at indibidwal. Sa ganito hinubog ng pelikula ang karakter ni Edgar, kaya naman ang naunang titulo ng Honor Thy Father ay Con-Man.
Mabigat sa dibdib ang pelikula, kung tutuusin, pero mapipilitan kang mag-isip, magtanong, mapukaw sa mga nagaganap sa iyong paligid.