FEATURED

Hindi trabaho lang


Rebyu ng miniseries na On The Job (2021). Tampok sina Joel Torre, Joey Marquez, Piolo Pascual, Gerald Anderson, Angel Aquino, Leo Martinez, Michael De Mesa, John Arcilla, Dennis Trillo, Dante Rivero, Christopher de Leon, at marami pang iba. Mapapanood sa HBO Go.

“Trabaho lang, walang personalan.”

Ito ang madalas na banggitin ng taong may gagawing masama – para bigyang katwiran ang gagawin niya. Sa pelikula at seryeng On The Job (OTJ), ginagampanan ng mga karakter ang “trabaho nila” bilang tagapagpatupad ng bulok na sistema. At iyung mga karakter na “pinersonal” ang kanilang trabaho, sila iyung kumakawala sa sistema, nagtatangkang baguhin ito, o gumawa man lang ng tama.

Makikita ito kapwa sa pelikula at serye. Taong 2013 nang ipalabas sa mga sinehan at ilabas sa bidyo ang pelikulang bersiyon nito, na isang dalawang-oras na obra hinggil sa isang sistema ng asasinasyon ng mga militar at pulisya (at pulitiko) na gamit ang binabayarang mga preso sa mga kulungan. Noong panahong ito, nakakagimbal na ang kuwento, at di maikakailang may bahid ng katotohanan.

Abante sa taong 2021, at muling inilabas ang On The Job. Sa pagkakataong ito, serye na ito sa HBO Go (pero alam mo na rin kung paano mapapanood kung walang akses sa HBO Go). Dinirehe ni Erik Matti at sinulat ni Michiko Yamamoto, tinilad at pinahaba ang orihinal na pelikula para gawing dalawang episode. Dinagdagan ito ng ilang eksena at storyline na hindi naisama sa orihinal na pelikula.

Pero higit dito, pinalawig din nina Matti at Yamamoto ang palabas para sa anim na episode. Pagtuntong ng pangatlong episode, nagpokus ang kuwento sa bagong tagpuan: La Paz, di natin tiyak kung anong probinsiya (hindi tiyak kung iyung sa Tarlac ito). Tulad ng maraming lokal na mga kaharian sa mga probinsiya sa Pilipinas, pinaghaharian ang La Paz ng isang pulitiko na matagal nang nakaluklok sa poder.

Sa bagong mga kuwento, pinakikita ang iba pang mga “trabaho” sa buong bulok na sistema: ang trapo na meyor, ang kurap na mamamahayag, ang kurap na mga pulis, at ang mga tirador na preso. Makikita rin ang mga karakter na “pinersonal” ang epekto sa kanila ng bulok na sistema: ang lumalabang mamamahayag, ang dinahas at unti-unting namumulat na tirador.

* * *

Pinakikilala ng pangatlong episode si Sisoy (John Arcilla), mamamahayag na matagal nang nakurap ng kanyang pagiging malapit sa meyor ng La Paz na si Pedring Eusebio (Dante Rivero). May-ari, editor at tagapagtatag ng La Paz News (LPN) si Arnel (Christopher de Leon), na matagal nang matalik na kaibigan ni Sisoy.

Kritikal sa pamamalakad ni Manong Pedring ang LPN. Ginagamit ng alkalde si Sisoy para ipresyur si Arnel at ang diyaryo na maglabas ng paumanhin sa isang artikulong nagsisiwalat diumano sa katiwalian ni Pedring. Samantala, pinakikilala rin ang dalawang preso sa lokal na kulungan na ginagamit ng mga pulitiko bilang tirador.

Ipinakita rin na may kaugnayan ang bulok na sistema ng La Paz sa pambansang antas, sa mga karakter (ng naunang OTJ na pelikula) nina retiradong heneral at ngayo’y DILG Sec. Eduardo Año Pacheco (Leo Martinez) at ng kanyang mga kakuntsaba. Sa pagitan ni Pedring at Pacheco, naroon ang mga pulis at tauhan ng BJMP, tumatayong middlemen ng mga transaksiyon, tumatanggap ng mga suhol sa pangangasiwa ng mga tirador na mula kulungan.

Siyempre, kasama sa munting kapangyarihang pinararaya sa kanila ang pag-aaktong hari sa mga kulungan. Sa isang eksena sa episode 4 (Pedring), pinagsamantalahan ng mga guwardiya ng preso ang nobya ng isang tirador – dahil maaaring nabigay sa kanya ang cellphone na ninakaw ng tirador mula sa bangkay ni Arnel.

* * *

Maestilo ang editing at pagkululay ng OTJ, at pati ang opening credits na tila pagbabalik-alaala sa blaxploitation, noir at lumang action films. Pero kung sa saklaw naman, maaalala ang mga pelikula ni Martin Scorsese, Alejandro Gonzalez Iñarritu at lalo na ni Steven Soderbergh, mga prominenteng direktor. Partikular na maaalala rito ang pelikula ni Iñarritu na Amores Perros (2000), 21 Grams (2003) at Babel (2006), gayundin ang kay Soderbergh na Traffic (2000) at Contagion (2011).

Sa nabanggit na mga pelikula, ipinapakita ang pagkakaugnayan ng iba’t ibang karakter, na may iba’t ibang kuwento, sa iisang industriya, penomenon o pangyayari. Sa Traffic, halimbawa, ipinakikita ang pagkakaugnay ng iba’t ibang karakter sa buong sistema ng ilegal na droga sa Amerika. Sa Contagion, ipinakikita ang iba’t ibang karakter sa konteksto ng isang pandemya. Minsan, ang tawag sa klase ng pelikulang ito’y “hyperlink films”.

Sa OTJ, sa serye at naunang pelikula, may iba’t ibang karakter din. Pinag-uugnay sila ng buong sistema ng korupsiyon, pamamaslang at panunupil. Si General Pacheco, may kaugnayan sa pagkamatay ng tatay ni NBI agent Francis Coronel Jr. (Piolo Pascual, sa pelikula at Episode 1 at 2). Samantala, bilang tagasuporta ng Presidente, sangkot din siya sa paglaban sa mga posibleng kalaban ng nakaupong rehimen, tulad ni Pedring (Episode 4 at 5). Dahil hindi pa tapos ang serye sa pagkakasulat nito, hindi pa naipapakita ang kaugnayan ng imbestigasyon ng partner ni Coronel na si Bernabe (Rayver Cruz) sa iba pang kuwento, tulad ng kina Arnel at Sisoy.

Ang mainam sa “hyperlink films”, naipapakita kahit papaano na isang buong sistema ang problema. Hindi lang si Pacheco o Pedring ang kurap. Hindi lang sina Tatang Mario (Joel Torre), Daniel (Gerald Anderson) at Roman (Dennis Trillo) ang mamamatay-tao. Magkakaugnay sila, at magkakasabwat sa pananatili ng mapang-api at mapanupil na sistema. Ang mga pulitiko tulad ni Pedring, produkto lang ng madugong giyera kontra insurhensiya (dating lider daw siya ng kontra-komunistang grupong paramilitar na “Alsa Bayan”).

* * *

Sa konteksto ng madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, parang kapos ang pinakikitang saklaw ng mapanupil na sistemang ito. Sa ilalim ni Duterte, hindi na kailangang itago ng mga militar at pulisya ang pamamaslang, o gumamit ng mga preso. Lantaran din ang pag-utos ng Pangulo sa mga pagpatay. Mga pulis ang kadalasang itinuturong salarin sa extra-judicial killings. May palusot nga lang na “nanlaban” ang mga pinatay.

Pero kahit pa, positibo ang lantay na pagbatikos ng OTJ sa sistema ng panunupil at pamamaslang ng Estado. Positibo ang pagpapakita sa mga “trabaho” ng mga nasa kapangyarihan bilang kurap at walang pakundangan sa pandarahas sa mga mamamayan. Kahit sa mga ekstra o may trabahong cameo, makikita ang tindig ng OTJ: Kilala sina Bibeth Orteza, Carlitos Siguion Reyna, Agot Isidro at Mae Paner bilang mga artistang personal na kritikal sa kasalukuyang rehimen.

Nasa panig ng mga mamamayang “namemersonal” ang OTJ – silang pumipiglas mula sa kanilang lugar o “trabaho” sa mapang-aping kalakaran.