Ang Pagbabalik ng Pinoy Action Movie
Masasabing matagumpay ang pagpapalabas ng pelikulang On the Job o OTJ ni Erik Matti kung pagbabatayan ang ingay na nilikha nito sa social media. Kahit wala pang opisyal na tala sa kita ng pelikula, matatawag na ring relatibong tagumpay sa takilya ang pananatili ng OTJ sa mga sinehan lampas sa karaniwang isang linggo pagpapalabas. Kaiba […]
Masasabing matagumpay ang pagpapalabas ng pelikulang On the Job o OTJ ni Erik Matti kung pagbabatayan ang ingay na nilikha nito sa social media. Kahit wala pang opisyal na tala sa kita ng pelikula, matatawag na ring relatibong tagumpay sa takilya ang pananatili ng OTJ sa mga sinehan lampas sa karaniwang isang linggo pagpapalabas.
Kaiba ang pormula ng OTJ sa mga pelikulang Pilipinong kadalasang pumapatok sa takilya sa mga panahong ito. Comedy na pinagbibidahan ni Vice Ganda, romantic-comedy na idinirehe ni Cathy Garcia Molina, adultery drama at fantasy-adventure ni Enteng at ni Agimat ang karaniwang pinipilahan ng mga manonood. Matapos ang matagal na panahon ng pagtamlay ng pelikulang bakbakan o aksyon, muling tinangkilik ang madla ang ganitong tipo ng pelikula.
Naging sentro ng talakayan sa social media ang artistikong merito ng OTJ. Para sa ilang nagkagusto sa pelikula, ang hindi kombensyonal na estilo ng OTJ ang siyang sagot sa krisis ng industriya ng pagpepelikula sa bansa. Ngunit para sa ilang masusugid na tagatangkilik ng mga lokal na pelikula, marami nang bago at interesanteng pelikula nagawa nitong mga nakaraang taon sa labas ng mainstream na industriya ng Sineng Pinoy na hindi napapansin ng marami sa mga manonood.
Ang kalakasan ng OTJ bilang produksyon kumpara sa mga independent films o indie films ay ang pagpapasailalim nito sa sistemang mainstream. Para sa mga pangkaraniwang manonood, kakabit ng tatak na “indie” ang mga kakaiba at mga materyal na labas sa pormula ng pelikulang box office. Sa kabilang banda, mga tried-and-tested na mga materyal ang karaniwang ipinoprodus ng mga malalaking production company. Ang pagsasanib ng magkaibang pamamaraan na ito sa paggawa ng pelikula ang isang kritikal na aspeto sa naging tagumpay ng OTJ.
Upang matupad ni Matti ang kaniyang bisyon para sa OTJ na matagal na niyang inaalagaang proyekto, nakipagsosyo siya sa Star Cinema, ang pinakamalaking kumpanya ng pelikula sa bansa. Nagamit ni Matti ang mayamang rekurso ng kompanya para mapanday ng husto ang kaniyang obra. Kabilang sa mga bentahe ng pagpapasailalim sa Star Cinema ay ang pagkakaroon ng ng mga bankable na mga artista at agresibo at malawak na marketing at distribution ng pelikula.
Bagamat may ilang kompromiso (tulad ng paggamit ng mga pangunahing talents ng Star Cinema), napanatili ni Matti ang katapatan ng pelikula sa kaniyang bisyon para dito. Ito ang kakulangan ng mga iba pang pagtatangkang buhayin ang pelikulang bakbakan sa kasalukuyang panahon. Malaki sana ang potensyal ng Manila Kingpin ni Tikoy Aguiluz kung hindi ito nauwi sa pagiging vanity project lamang ni Jeorge Estregan, Jr.
Sa matagumpay na pagpapalabas ng OTJ, muling nabuhayan ng pag-asa ang mga tagatangkilik ng Sineng Pinoy sa pagbabalik ng pelikulang aksyon sa mga lokal na pinilikang tabing. Ngunit kung babalik man ang Pinoy Aksyon sa ating mga sinehan, malaki na ang pagbabago nito mula sa mga nakagisnang pelikulang bakbakan. Hindi tipikal na Pinoy Aksyon ang OTJ, maraming hiniram na estilo sa Matti sa iba’t ibang pelikulang dayuhan. Isa ring mahalagang aspeto ng pelikulang bakbakan ang wala sa OTJ–ang Pinoy Aksyon Hero na siyang magiging moral na giya ng pelikula tulad ni FPJ sa kaniyang mga pelikula.
Ang malaking potensyal ng Pinoy Aksyon sa takilya ay maaaring gawing inspirasyon para lumikha ng mas makabuluhan at mas kapanapanabik na mga pelikula, mapa-indie man o mainstream.