#Throwback FEATURED

Nagbabagong kultura ng halalan sa bansa


Noong 2007, kinapanayam ng Pinoy Weekly ang mga gerilya ng New People’s Army. Kinuwento ng mga gerilya ang kanilang polisiya tuwing eleksiyon sa namamayaning sistemang pulitikal. Basahin ang eksklusibong ulat na ito.

Editor’s Note: Unang inilathala sa Pinoy Weekly ang artikulong ito noong Marso 2007, o walong taon na ang nakararaan. Panahon din iyon ng eleksiyong pambansa. Inilalathala muli namin ito para sa kaalaman ng publiko hinggil sa polisiya ng rebolusyonaryong kilusan hinggil sa eleksiyon ng dominanteng sistema sa Pilipinas. Gayunman, sa aming pagkakaalam ay hindi na tinatawag ng Communist Party of the Philippines o CPP na “Permit to Campaign” ang naturang praktika pangongolekta ng buwis sa tradisyunal at malalaking pulitikong tumatakbo sa halalan. Maaaring may pagbabago rin sa ilang polisiya nito hinggil sa pakikitungo sa tinatawag nitong “reaksiyunaryong” mga pulitiko. Alamin na lang sa kanilang mga pahayag kung ano ang mga ito. Samantala, ipinagdiriwang ng CPP ngayong araw ang ika-47 anibersaryo ng pagkakatatag nito.

Pabugsu-bugso ang ulan sa probinsiya ng Sorsogon. Minsan naman, iinit. Pero walang puknat ang pagsampal ng hangin sa niyugan. Dulo na ng Pebrero, pero alanganin pa rin kung mananatili ang taglamig, o kung sasapit na ang tag-araw. Pero sa lugar na ito, tulad marahil sa bawat lugar ng Pilipinas ngayon, ang tunay na kalagayan ng panahon ay di makikita sa lakas ng hangin, sinag ng araw o temperatura. Nakapaskil ito sa mga dingding. Nakasabit sa poste’t puno. Nakabuyangyang sa kalsada.

Panahon na ng eleksiyon.

Samantala, sa kabundukan ng probinsiya, malayo sa mga makukulay na karatula’t bandera na nakaladlad sa highway, abala rin ang rebolusyonaryong kilusan. “Paligsahan” man ng mga tinaguriang “naghaharing uri” sa lipunang Pilipino ang eleksiyon, batid ng naturang kilusan ang pangangailangang ipamalas ang “pampulitikang kapangyarihan” nila sa panahong ito. “Bulok” man ang sistema at walang makabuluhang pagbabago ang mapapala ng bayan sa halalan, desidido silang gamitin ang pagkakataong ito para lalong makapagpalawak ng hanay, makapagpasulpot ng rekurso para sa rebolusyon.

Isa si Ka Sergio sa mga itinalaga ng naturang kilusan sa mga gawaing may kaugnayan sa “burgis” na halalan. At bagama’t sa gitna siya ng gubat kumikilos, kaliwa’t kanan ang “appointment” niya. “Ang ibang pulitiko, matagal nang nakipag-usap. Noong nakaraang taon pa,” kuwento niya, nang kapanayamin ng Pinoy Weekly. “Pero marami pang dapat kausapin.”

Halos 390 ang kandidato tuwing halalan sa Sorsogon. Mula gobernador hanggang sa mga opisyal sa munisipalidad. Halos lahat ng ito, ayon kay Sergio, ay nagkukumahog na makipag-usap sa kilusan.

Sergio signs so-called campaign permits in Bicol in 2007. <b>PW File Photo/KR Guda</b>
Pinipirmahan ni Sergio ang tinaguriang campaign permits sa Bicol noong 2007. PW File Photo/KR Guda

‘Hindi simpleng permiso’

“Dalawa ang taktika namin sa paglahok sa eleksiyon,” paliwanag ni Sergio. “Una, ang paglalantad sa kabulukan ng eleksiyon. Nagagawa ito sa pakikipag-usap sa masa. Pagpapaliwanag sa tunay na katangian ng masa bilang ‘paligsahan’ ng mga naghaharing uri. Pangalawa ang paggamit sa panahon ng elekisyon bilang pagkakataon para makinabang ang rebolusyon.”

Sa madla sa lungsod, mas kilala ang polisiyang ito ng New People’s Army (NPA) bilang “permit to campaign” o PTC. Para sa Armed Forces of the Philippines (AFP), isang paraan ng “pangingikil” diumano ito sa mga pulitiko at negosyante para sa pagtustos ng isang kilusang naglalayong pabagsakin ang gobyerno. Nitong nakaraang halalang 2004, ikinampanya naman ng grupong Akbayan ang paglaban sa PTC. Inireklamo nila ang naturang gawain, lalo na’t hindi sila makapagkampanya sa mga lugar ng NPA dahil tumatanggi silang humingi ng “permiso” at binansagan silang “persona non grata” sa mga naturang lugar.

Ngunit kung tutuusin, ayon kay Sergio, isang pamamaraan lamang ang pangongolekta ng buwis sa pagpapakita ng pampulitikang kapangyarihan ng kilusan. “Tuwing eleksiyon, ang nais lamang ng mga pulitiko ay gamitin ang boto ng mga organisado nating masa. Kung kaya, isang paraan ang PTC ng pagpoprotekta sa ating kinikilusang mga mamamayan mula sa eksploytasyon ng mga pulitiko.”

Tumampok sa publiko ang PTC bilang paraan ng “pagbubuwis” ng NPA sa mga kandidato. Pero para kay Sergio, mas higit pa rito ang PTC. Sa kanyang pagkausap sa mga pulitiko, patakaran ng NPA na alamin muna ang bakgrawnd ng makakausap: ano ang naging paninindigan niya sa mga isyu (mula pambansang isyu tulad ng Charter Change, hanggang sa mga lokal na usapin, tulad ng pagmimina sa Matnog, Sorsogon). “Binabalikan din namin ang mga nagdaang pahayag niya: Nagsabi ba siya ng masama hinggil sa kilusan at rebolusyon? Pumabor ba siya sa militarisasyon? Mahalaga ito sa aming panimulang pagsusuri sa paninindigan ng pulitiko,” ani Sergio.

“May mga pagkakataong sa panimulang pagsusuri pa lamang, batid na namin ang pagiging sagad-sagaring reaksiyunaryo at militarista ng isang pulitiko. Kapag nangyayari ito, idinedeklara agad namin siya bilang ‘persona non grata’.”

Paliwanag pa ni Sergio, walang katotohanan ang balitang ipinapakalat ng AFP na nangongolekta ang NPA ng “permit to win” bukod sa PTC. Aniya, hinding hindi gawain ng NPA na mangampanya sa kanilang “baseng masa” para sa isang kandidato. Hindi sila lalahok sa ehersisyo ng halalan. Ang PTC lamang ay para sa pagpasok sa teritoryo ng NPA, hindi garantiya na ieendorso o ikakampanya ng mga rebelde ang kandidato.

Nagbabasa ng diyaryo ang isang gerilya ng NPA, noong 2007, sa kabundukan ng Sorsogon. <b>PW File Photo</b>
Nagbabasa ng diyaryo ang isang gerilya ng NPA, noong 2007, sa kabundukan ng Sorsogon. PW File Photo

‘Maayos na pakikipag-usap’

Ginagawa ang pagkausap sa pulitiko sa mismong “sonang gerilya” ng NPA. Mismong mga kandidato ang kumakausap sa mga emisaryong tulad ni Sergio. “Malaking bahagi ng pag-uusap ang hinggil sa mga paninindigan niya,” ani Sergio. Pagdating sa usapin ng pagbubuwis sa pagkampanya, bukas ang NPA sa negosasyon.

Sinabi niya na may “general na rates” sa bawat posisyon, pero “bukas na bukas” ito sa negosasyon. “Kung wala talagang pambayad, hindi natin mapilit. Ang nangungunang layunin natin sa kanila ay makabig sila sa pulitika.” Tutal, madali lang naman umano malaman ng NPA kung may kakayahan nga ang naturang pulitiko na magbayad: pampublikong kaalaman ang kabuhayan niya, mga pag-aari, mga koneksiyon.

“Minsan, kapag walang pera, tinutuuan pa naming dumiskarte. Halimbawa, kung wala siyang personal na pondo, pinapayuhan naming kumuha ng pondo sa kanyang partido. Tutal, di naman niya pera iyon. Madalas na perang kinurakot lang ito,” sabi pa ni Sergio. Mas madalas na payo nila ito sa mga kandidatong sinusuportahan ng malalaking mga partido, tulad ng Lakas, Nationalist People’s Coalition, LDP, atbp.

“Sa negosasyon, pagkakataon din para hikayatin natin sila na tumindig nang progresibo at maka-mamamamayan sa mga isyu,” dagdag pa ni Sergio.

Kuwento pa niya, may isang kandidato sa Sorsogon na dating opisyal ng militar. Dahil sa pagiging sagad-sagaring pasista noong aktibo siya sa militar, STK (shoot to kill) ang istatus niya sa NPA. Pero nang maging pulitiko na siya at nakiusap sa mga rebelde, hiniling ng NPA na humingi siya ng tawad sa publiko sa mga krimen niya noong militar pa siya. Ginawa ng naturang pulitiko. Iniatras ng NPA ang istatus niya. Ngayon, nakikipagnegosasyon siya para sa permisong magkampanya sa mga teritoryo ng dati niyang kalaban.

Sa mga nabibigyan ng permiso, ani Sergio, patuloy ang pagmonitor ng NPA sa kanilang kampanya. May ilang tagubilin ang mga rebelde sa pagpasok ng mga kandidato sa teritoryo nila: bawal manira sa kilusan, bawal mag-espiya, huwag na huwag manakot ng mga masa, at mahigpit na ipiangbabawal ang pagpasok ng mga armadong goon nang walang permiso. Puwede lang umanong magpasok ng bodyguard para sa sariling proteksiyon, pero di para manakot ng botante. Pati ang baril ng mga bodyguard ay kailangang irehistro sa NPA.

Matapos ang halalan, patuloy pa rin ang pagmonitor ng mga rebelde sa mga pulitiko: Tinupad ba nila ang mga ipinangako nila noong negosasyon? Naging mas progresibo ba sila sa mga isyu? Itinigil ba nila ang mga gawaing nakakasama sa mga mamamayan?

“Nagbabago ang istatus ng mga pulitiko, depende sa kung papaano nila tinutupad ang mga pangako nila. Kung noong nakaraang eleksiyon ay nakakuha sila ng permiso pero naging militarista pagkatapos, makakaapekto ito sa pagkuha nila ng permiso sa susunod na halalan,” paliwanag pa ni Sergio.

Para kay Sergio, malaki ang itinulong ng PTC sa pagbago sa kultura ng pulitika sa Sorsogon magmula nang unang ipatupad ang patakaran noong 1995. “Sa karanasan namin, napabuti ang ilang pulitiko matapos makipag-usap sa NPA. Naniyutralisa ang ilang dating sagad-sagaring kontra-rebolusyon. Marami din ang nahatak sa mas progresibong mga paninindigan. Hindi natin iniaasa sa eleksiyon ang pagbabago ng lipunan. Patuloy tayong nagpapalawak. Kahit sa mga miyembro ng naghaharing uri, nagsisikap tayong manghikayat.”

Mga gerilya ng NPA: Di lumalahok sa eleksiyon, pero kinikilalang pagkakataon ang panahon ng eleksiyon para magpaliwanag hinggil sa 'reaksiyunaryong' katangian ng eleksiyon. <b>PW File Photo</b>
Mga gerilya ng NPA: Di lumalahok sa eleksiyon, pero kinikilalang pagkakataon ang panahon ng eleksiyon para magpaliwanag hinggil sa ‘reaksiyunaryong’ katangian ng eleksiyon. PW File Photo

‘Walang aamin’

Inaamin ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at AFP na hirap silang mahikayat ang mga pulitiko na huwag nang magpasailalim sa PTC. Noong Pebrero, sinabi ni PNP Chief Oscar Calderon na sasampahan nila ng kaso ang sinumang kandidato na magpapasailalim sa PTC.

Naiintindihan ni Sergio kung hindi aaminin sa publiko ng mga kandidato ang pagsailalim sa PTC. Ilegal sa batas ng gobyerno ang armadong rebolusyon ng NPA, at anumang suportang ibinibigay nila sa NPA ay ilegal din. “Ayaw din nating mapag-initan sila ng militar,” sabi ni Sergio.

Sa panayam ng Pinoy Weekly sa dating alkalde ng Lungsod Sorsogon na si Fernando Duran, kailangan ng mga kandidato na magpasailalim sa PTC kung nais talaga nilang manalo sa halalan.

“Sa tingin ko, walang kandidato ang aamin. Maaring aminin nilang hinihingan sila, pero amining nagbibigay sila, mahirap siguro. Mapapasailalim ka sa imbestigasyon ng militar, gobyerno sa pagbigay ng suporta sa pagpapabagsak sa gobyerno,” ani Duran.

Sinabi rin ni Duran, dating aklalde ng lungsod mula 1988 hanggang 1998, na hindi na niya naabutan ang polisiyang ito nang aktibo siya sa pulitika. Gayunman, “Kaya hindi mo masisisi ang mga kanidato kung magpapasailalim sila diyan (sa PTC)….Kung wala kang akses sa mga lugar (ng NPA), siguradong dehado ka.”

Kung sakaling tatakbo siya at pamamasailalim sa PTC, ani Duran, maaring humingi siya ng konsiderasyon sa NPA. Tanggap niyang may mataas na panuntunan ang NPA sa pagkilatis sa mga pulitiko. “Kung tatakbo sana ako, dahil sa dating performance ko, tingin ko di naman nila ako tatangihan…Patunay nito ang track record ko, hindi ko pinagsamantalahan ang posisyon ko,” aniya.

Para kay Duran, senyales ang PTC ng pagbabago ng mga panahon. Sa paglakas ng impluwensiya ng NPA sa probinsiya ng Sorsogon, mistulang esensiyal na komponent na ng pagwawagi sa halalan ang pagpayag ng NPA na kumampanya sa kanilang teritoryo.

Masasabing nababago ng PTC ang kultura ng halalan sa bansa sa pamamagitan ng pagtulak sa mga pulitiko na gumawa ng mga paninindigang itinuturing ng NPA na magbebenepisyo sa mga mamamayan. “Senyales ito ng pagbabago ng panahaon,” pagtatapos ni Duran.