Komentaryo

Buksan ang Ating Puso


“Dahil ang pag-ibig ay isang hakbangin ng kagitingan, hindi ng pagkaduwag, ang pag-ibig ay pananagutan sa iba. Saanman matatagpuan ang mga inaapi, ang hakbangin ng pagmamahal ay pananagutan sa kanilang layunin — ang layunin ng paglaya.”

Napakaraming namamalimos ngayong Kapaskuhan. Kung sumasakay ka ng jeep o bus, wala kang kawala. Mga batang hamog, bulag, katutubo, estudyanteng may paninda, mangangaral ng relihiyon, kaanak ng namatay o naospital, at iba pa — lahat sila, nagbabakasakali sa 13th-month pay, napamaskuhan, o simpleng kabutihan ng marami.

Hindi ito kataka-taka, kahit pa dumami ang mga naghahain ng buffet meals para sa maykaya, ang ukay-ukay at murang paninda kahit para sa mahihirap, at mga mall, condo, casino at iba pang artipisyal na patunay ng “kaunlaran.” Patuloy na dumarami ang walang trabaho, ayon sa Ibon Foundation. Ganoon din ang tumuturing sa sarili na mahirap at hirap-sa-pagkain, ayon sa Social Weather Stations.

Ang tugon ng mga awtoridad, laman ngayon ng balita: Paalala ng NCR Police Office na, ayon sa batas, bawal magbigay ng limos sa kalsada. Inaalam na rin daw ng pulisya ang posibleng pagkakaroon ng sindikato sa likod ng pamamalimos ng mga katutubo.

Wow! Mayamang bansa na ba tayo? Kahit sa mayayamang bansa nga, hindi bawal mamigay ng limos. Sa bansa pa kaya nating dagsa ang mahihirap at pulubi? At kailangan pa ba ng sindikato para mamalimos ang mga katutubo? Hindi pa ba sapat ang matinding kahirapan at pagpapalayas sa kanilang lupain?

Kapansin-pansin tuloy na ang haba-haba na ng paliwanag ng mga humihingi ng tulong ngayon. Kesyo lumapit na sa PCSO at DSWD, kesyo naghanap naman ng trabaho kaso na-endo, kesyo may tumangay sa perang naipon, at iba pa. May mga umiiyak pa nga. Para bang hindi pa sapat na nilunok nila ang dangal nila bilang tao at namalimos.

Ang masama, may mga karaniwang Pilipinong nagsasalita kontra sa mga namamalimos. Ilang diskusyon na rin sa jeep ang nasaksihan ko. Iyun pang mga hindi nagbibigay ang mapagmataas at nangangaral ngayon. “Ipambibili lang iyan ng shabu,” sabi ng isang lolo. “Kaka-piso ninyo, nakaka-ilang libo sila isang araw,” sabi naman ng isang mukhang batang
ama.

Kapag nakakarinig ako ng ganitong pananalita, ang una kong hinahanap ay ang baller. Dahil ang unang sinisisi ko sa lalong paglaganap ng ganitong pananaw ay ang presidente, si Rodrigo Duterte. Nagpapalaganap siya ng
kawalang-malasakit, galit, at pagiging malupit laban sa iba’t ibang grupo ng tao, lalo na sa mahihirap.

Paulit-ulit siya: “Kapag sinisira ninyo ang bayan ko, papatayin ko kayo.” Pero ang libu-libong bumulagta sa gera kontra-droga niya ay iyung unang sinisira ng droga, ang mga adik, at hindi ang mayayamang drug lord. Hindi ito ikinakaila ni Duterte: sabi niya, natural ito dahil ang shabu ay droga ng mahihirap; ang mayayaman, may pera at may isip, kaya sa ibang bagay naaadik.

Balewala na ang proseso ng batas sa pagdating sa mga suspek sa krimen. Balewala na rin ang panukalang ituring ang adiksyon na sakit at hindi krimen — na dapat gamutin; ang mga adik, dapat kalingain at pagalingin. At lalong balewala ang mga hakbangin para pawiin ang kahirapan na siyang nagtutulak sa mahihirap na malulong sa droga para harapin ang mundo. Patay lang nang patay.

Bukod sa mga adik, malupit siyang magsalita sa mga itinuturing niyang kaaway — taong-simbahan at tanggol ng karapatang pantao, aktibista at rebelde, kababaihan at katutubo, at kahit mga pulitiko at dayuhang tumutuligsa sa mga hakbangin niya.

Noon, sa mga inuman lang maririnig ang ideyang pagpapatayin ang mga adik at kriminal; ngayon, pambansang patakaran na ito. Maraming problema ang bayan, pero ang tugon ni Duterte ay isisi ito sa iba’t ibang grupo ng tao at magbigay ng madaliang solusyon laban sa kanila. Ang dala niya, madaling solusyon para sa mga simpleng mag-isip, na hindi naman talaga tunay na solusyon.

Ang iba pang balita: igigiit ng AFP na walang tigil-putukan sa mga rebeldeng Komunista, kahit pa ito talaga ang matagal nang kagawian. At nagpiyansa si Sen. Antonio Trillanes IV, kritiko ni Duterte, mula nang matanggap ng kapulisan ang arrest warrant laban sa kanya. Walang tigil na pag-atake sa mga kritiko, kahit Kapaskuhan.

Ang midya ang isa sa pinakamalakas ang tinig kapag Kapaskuhan. At may panahon namang naging kritikal sila sa mga nangyayari sa bansa. Hindi siguro malabis na asahan silang magpahayag, kahit bahagya, tungkol sa madilim na lagay ng bansa sa ilalim ni Duterte.

Pero nakakadismaya ang tema ng Kapuso at Kapamilya ngayong Pasko. Iyung isa, “Family is Love,” at tampok pang ipinagdiriwang iyung pamilya ng mga sundalong nagpapatupad ng kalupitan ni Duterte. Iyung isa naman, “Puso ng Pasko.”

Pareho silang umiiwas, hindi sumasangkot, sa mga isyu ng lipunan. Sa halip na labanan o padaplisan man lang ang kasamaan ni Duterte, pinapalampas nila ito. Ang suma-tutal, mulat man sila o hindi, tinutulungan nila ang rehimen sa pagpapasaya at pagpapalimot sa mga mamamayang inaatake nito.

Kapag napag-uusapan ang Kapaskuhan, na tradisyon ng mga Kristiyano, at ang mga pulubi, lagi kong naaalala ang pangangaral ni Bro. Eli Soriano ng Ang Dating Daan. Hindi ako miyembro at hindi ko alam ang iba niyang doktrina, na posibleng hindi ko sasang-ayunan, pero pagdating sa mga pulubi, sang-ayon ako sa kanya. Sabi niya, “Ang sabi ko sa mga miyembro ko: Kapag ikaw ay pinuntahan sa bahay mo ng pulubi — pinuntahan ka na, ikaw, sa bahay mo, ng pulubi — at hindi ka pa nagbigay, ititiwalag kita!” Siguro, sa ibang kasalanan, mas kumplikado ang pagharap niya. Pero sa ganitong kalagayan, malinaw ang tindig niya, siyang ipinagmamalaking kabisado ang Bibliya.

At masarap sumang-ayon. Ano nga naman ang pagiging Kristiyano kung hindi ang pagmamalasakit sa kapwa, lalo na sa nangangailangan? Hindi ba’t nagkatawang-tao si Hesukristo para sa kaligtasan ng lahat, mahirap man o mayaman? Hindi ba’t ipinanganak siya sa mga magulang na mahihirap, sa sabsaban, at nakipagkaibigan sa mga anakpawis, hampas-lupa, at puta? Kung buhay siya ngayon, siguro’y mangangaral siya sa mga nagsa-shabu at kapitbahay nila, hindi sa mga nag-uutos na patayin sila.

Mas mahalaga, hindi ba’t napakaraming pangangaral sa Bibliya tungkol sa pagmamalasakit sa mahihirap? Makikita natin si Hesukristo, sabi niya, hindi sa pagtingin sa ating pamilya o sa ating sarili, kundi sa pinakamahihirap nating kapwa-tao.

Bilang aktibista, sinasabi ko ba sa mga tao na magbigay sa mga namamalimos? Mas kumikiling ako sa pagbibigay kaysa hindi pagbibigay. At sa hindi pagsasalita laban sa mga namamalimos kung hindi rin naman makakapagbigay. Pero hindi dito dapat magtapos. Dapat magmula iyan sa mas malalim na pag-unawa. Sabi ni Raymond Williams, Marxistang intelektwal na Ingles, “Ang sentral na sosyalistang pagpapahalaga ay isang ideya ng pagbabahaginan o sharing.”

Pero, aniya, hindi ito ang simpleng pagkakaroon ng mapagkalingang Estado o welfare state, o pagtulong at kawanggawa sa mahihirap na bansa sa Ikatlong Daigdig — o ang pagbibigay sa mga namamalimos. Ang kailangan, aniya, ay pagbabahaginan ng “ating pagpapasya (decisions) at ating kabuhayan (livelihoods),” na walang iba kundi ang sosyalismo.

Ang sinasabi ko, buksan natin ang ating puso sa ating kapwa, lalo na sa mahihirap, na siyang pinakamarami. Magmalasakit tayo sa kanila, mamuhi tayo sa kalagaya nila. Alamin ang sistemang panlipunan na dahilan ng paghihirap nila. Kumilos tayo para baguhin ang sistemang ito at magluwal ng mas makataong sistema kung saan walang mapupwersang mamalimos, maging adik, o maghirap.

Pinapadali ni Paulo Freire, progresibong intelektwal na Brazilian, ang pag-uugnay: “Dahil ang pag-ibig ay isang hakbangin ng kagitingan, hindi ng pagkaduwag, ang pag-ibig ay pananagutan sa iba. Saanman matatagpuan ang mga inaapi, ang hakbangin ng pagmamahal ay pananagutan sa kanilang layunin — ang layunin ng paglaya.”

Naghahari ang kadiliman at kalupitan sa ating bayan. Family is Love? Damhin ang Puso ng Pasko? Sa ganitong kababaw na mga mensahe, lalabas nang progresibo, at nagbubukas sa mas radikal, ang posibleng panawagan ng mga Kristiyano at aktibista ngayon: Buksan ang ating puso. Makiisa sa paglaban ng mahihirap.