Linangin Natin

Ang RA 11203 at ang RIDA


Sinalanta ng rice tariffication ang milyun-milyong magsasaka at manggagawang bukid sa mga palayan.

Lumalakas ang panawagan ng mga magsasaka, manggagawang agrikultural, manggagawangbukid, konsyumer at mga stakeholders sa industriya ng bigas para ibasura ang Republic Act 11203.

Hindi nakatulong, sa halip ay lubhang nakasama sa mga magsasaka at kanilang mga pamilya ang rice tariffication o liberalisasyon sa industriya ng bigas na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Pebrero 14, 2019.

Anim na buwan makalipas na aprubahan at ipatupad ang taripikasyon o Rice Liberalization Law (RLL), ramdam na ramdan ang masahol na epekto nito sa kabuhayan ng mga magsasaka at sa seguridad sa pagkain ng mamamayan.

Sinalanta ng rice tariffication ang milyun-milyong magsasaka at manggagawang bukid sa mga palayan. Lubhang naapektuhan din ang libu-libong rice millers na nagsara at natigil sa operasyon sa bansa dahil sa RLL. Apektado rin ang rice mill workers at retailers. Dahil ang bigas ay pangunahing pagkain sa Pilipinas, naapektuhan din ng rice tariffication ang higit 100 milyong Pilipino.

Mistulang kamatayan na ipinataw sa lokal na industriya ng bigas at sa kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka ng palay at mamamayan ang todo-todong liberalisasyon ng agrikultura ng bansa.

Unang naging direktang epekto nito ang higit pang pagbagsak ng presyo ng palay. Lalong binabarat ng mga malalaking trader ang presyo ng palay sa mga Baryo. Umaabot na lang sa Php10 – Php12 ang average na presyo ng palay. Kahit sa Gitnang Luzon na rice producing region mas mababa pa o halos Php6-7 na lang kada kilo ng palay. Sobra na ang pagkalugi, lalong nabaon sa kahirapan at pagkakautang ang magsasaka.

Ang pagpayag ng gobyerno sa walang taning o unli-rice imports ay lalo pang nagpalakas sa kontrol ng mga pribadong traders at kartel sa suplay at presyo ng bigas. Gaya ng inaasahan, nagdudulot ng delubyo sa lokal na agrikultura at ekonomiya ang rice tariffication. Inaalisan nito ng kabuhayan ang mga magsasaka at maliliit na traders habang inilalagay ng buung-buo sa kamay ng kartel sa bigas at oligarkiya ang kontrol sa industriya ng bigas ng bansa.

Wala ring direktang pakinabang at walang garantiya na mapupunta sa mga magsasaka ang P10 Bilyong Rice Competitiveness Enhancement Funds. Nawawala pa ang P4-B na pondong inilabas ng gobyerong noong 2018. Pakitang tao at pampalubag-loob lang ng rehimeng Duterte ang PhP 1.50B na ipapautang sa piling magsasaka sa palay, sa ilalim ng SURE-aid. Kahalintulad nito ay “patak ng ulan sa malawak na kabukiran o karagatan.”

Gayundin, walang katiyakan na ligtas at walang kontaminasyon ang mga papasok na imported na bigas dahil sa kawalan na ng kontrol at regulasyon ng gobyerno sa pagpasok ng malalaking bolyum ng rice imports.

Isang malaking kamalian na ang isang bansang agrikultural gaya ng Pilipinas ay aasa na lamang sa imported na bigas para sa pagtiyak ng suplay ng bigas para sa mga mamamayan, sa halip na ang tuon ay food self-sufficiency.

Giit ng mga stakeholder sa industriya ng bigas: kagyat ng ibasura ang RA 11203 at sa halip ay isabatas ang Rice Industry Development Act (RIDA) o House Bill 477 na panukala ng blokeng Makabayan sa Kongreso. Layunin ng RIDA na mapaunlad ang pambansa at lokal na industriya ng bigas sa bansa; pagtiyak ng sapat at abot-kayang bigas para sa mga konsiyumer; pag-abot sa likas kaya at nakasasapat sa sarili na industriya ng bigas at tunay na rice self-sufficiency; pagtigil ng dependence o lubhang pag asa sa importasyon ng bigas; at pagtitiyak sa pananatili at karapatan sa lupa ng mga magsasaka, sa balangkas ng Tunay na Reporma sa Lupa at pagtigil sa land-use conversion.

Karapatan ng mga mamamayan ang kasapatan sa pagkain, dapat natin itong sama-samang ipaglaban at protektahan. “Save the Philippine Rice Industry” Abot kayang presyo ng bigas, sapat at ligtas para sa taong bayan.