Editoryal

Militarisasyon sa Cebu


Nakakabahala na walang natutunan sa pandaigdigang krisis pangkalusugan ang gobyernong Duterte. Nakakabahala na wala itong ni katiting na pagtugon sa mga lehitimong panawagan at inihahaing solusyon ng mga mamamayan. Basta para sa kaniya at kanyang mga heneral, pasaway kasi ang mga Pilipino kaya kailangang sindakin, parusahan, at patayin.

Hindi natin alam kung anong silbi ng kagila-gilalas na aerial inspection ni Gen. Guillermo Eleazar, kumander ng Joint Task Force Covid Shield, sa Cebu. Pero ang malinaw, nainilarawan nito kung gaano kainutil, kapalpak at utak-pulbura ang tugon ng administrasyong Duterte sa pandemya ng coronavirus disease-2019 (Covid-19).

Noong Hunyo 16, ibinalik sa enhanced community quarantine ang Cebu City matapos magtala ng papataas na bilang ng positibong kaso ng Covid-19. Itinalaga ang dating heneral na si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu bilang tagapangasiwa ng pagtugon ng Cebu sa Covid-19.

Nagpadala ng bata-batalayong Special Action Forces, karagdagang sundalo, armored vehicles, at drones para sugpuin ang pagkalat ng sakit. Ipinagmalaki ni Eleazar na ito raw ang “tried and tested formula” sa pagpapatupad ng community quarantine gaya ng ginawa nila sa Metro Manila sa nakalipas na mga buwan. Gusto pa nga niyang magpatupad ng “total lockdown” sa ilang lugar sa lungsod.

Pero ang subok daw na militaristang tugon ng gobyerno sa pandemiya, pinasisinungalingan ng aktuwal na datos. Sa kabila ng pagpapatupad ng isa sa pinakamahaba at pinakamahigpit na lockdown sa mundo, umaabot na sa 36,000 ang naitalang kaso ng Covid-19 sa bansa at nadaragdagan pa ng hindi bababa sa halos 400 bagong kaso kada-araw.

Ayon sa World Health Organization, Pilipinas na ang may pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa Silangang Pasipiko na kinabibilangan din ang Tsina na mismong pinagmulan ng pandemya.

Simula pa lang ng pandemya sa bansa, marami nang nananawagan ng solusyong medikal hindi militar. Iginiit ng WHO at iba’t ibang eksperto sa siyensiya at medisina na ang kailangang gawi’y malawakang testing at pagpapalakas ng healthcare system ng bansa.

Pero sa nakalipas na apat na buwang pagpapatupad ng militaristang community quarantine sa bansa, hindi pa rin naabot ang target ng Department of Health na bilang ng mga naisasagawang test. Matindi pa rin ang kakulangan ng mga kagamitan ng mga ospital lalo na ng mga personal protective equipment ng mga manggagawang pangkalusugan. Mas marami pa ang nahuling “quarantine violators” kesa natest na mga indibiduwal. Sa kabila ito ng ibinigay nang emergency powers para kay Duterte at sa harap ng trilyong piso nang nautang ng gobyerno para sa pagtugon sa Covid-19.

Nakakabahala na walang natutunan sa pandaigdigang krisis pangkalusugan ang gobyernong Duterte. Nakakabahala na wala itong ni katiting na pagtugon sa mga lehitimong panawagan at inihahaing solusyon ng mga mamamayan. Basta para sa kaniya at kanyang mga heneral, pasaway kasi ang mga Pilipino kaya kailangang sindakin, parusahan, at patayin.

Pero iba ang mga Pilipino. Natuto na tayo sa tried and tested formula ng militaristang lockdown ni Duterte na nagdulot ng pagpatay sa mga gaya ni Winston Ragos, sa pagtortiyur at iba pang abuso at paglabag ng PNP at AFP sa karapatan ng mga binabansagan nilang “pasaway”. Natuto na tayo na huwag hayaang gamitin ni Duterte na sandata ang mga kuwarantina para supilin ang papalawak na galit at paniningil ng mga mamamayan sa kaniyang huli, palpak at utak-pulburang pagtugon sa krisis.

Di kailangan ng mga mamamayan ng Cebu at bansa ang pagpoposturang action star ni Eleazar.

Ang kailangan pa rin ay mass testing, mahusay at makamasang serbisyong pangkalusugan at nakabubuhay na ayuda. Uulitin natin, solusyong medikal hindi militar.