Maging handa sa pagbibisikleta
Ilang tips para maging handa sa pagbibisikleta
Nauso muli ang pagbibisikleta nitong nagdaang mga buwa. Dumami ang bisikleta sa kalye at ang iba nga, bumibiyahe pa nang malalayo.
Kaya may pangangailangan na alamin ang ilang esensiyal na kagamitan na kailangang dala ng isang siklista, bukod pa sa helmet at ilaw na nakakabit sa bisikleta. Narito ang lima:
1. Tubig o sports drink, at meryenda
Kailangang hydrated ka sa biyahe kahit pa may kalamigan ang panahon, kaya magbaon ng maiinom. Kailangan mo rin ng lakas kaya magbaon ng biskuwit, o energy bar o kahit tsokolate.
2. Personal na pagkakakilanlan (ID)
Kung sa kasamaang-palad at nagkaroon tayo ng disgrasya, mainam nang may ID na nakaantabay, lalo na sa pagkakataon na hindi ka maaaring makapagsalita. Kailangan rin ang ID sa pagkakataong pinara ka dahil sa traffic violation.
Sa pinaka-grabeng situwasyon, pinakamainam na dala mo rin ang impormasyon ng iyong insurance, kung mayroon ka.
3. Pera, at/o ATM card
Hindi natin alam kung kailan natin kakailanganin ng biglaang gastos sa daan, kaya mainam nang may dala tayong panggastos.
4. Cell phone
Sa modernong panahon, sino pa ang hindi nagkakaroon ng cell phone. Mabilis mong matatawagan o mabibigyan ng mensahe ang iyong mga kaanak o kaibigan kung may emergency. Bukod pa rito, maaaring gamitin ang camera ng cellphone upang kumuha ng litrato o video ng isang aksidente, na maaaring maging mahalagang impormasyon sa kalaunan
5. Repair and maintenance kit
Ito marahil ang pinakamahalaga, lalo na kapag nabutasan ka ng gulong. Ayusin ang mga sumusunod sa loob ng iyong bike bag: ekstra na inner tube, tire levers, patch kit, at mini-pump.
Mainam na may folding multi-tool. Kahit hindi ka bihasa sa pag-kumpuni ng flat na gulong, makakatulong na ang mga ito sa mabilisan at agarang pagsasaayos bago ka pa makakita ng isang pagawaan ng gulong. Ayusin lamang nang mainam nang hindi magkabutas rin ang ekstra na inner tube.