Main Story

Sustenableng transportasyon, saan, kailan, kanino?

,

Pinaparatsada na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malalaking proyektong pang-imprastruktura para sa sustenableng transportasyon. Pero kung nasa kamay ito ng pribadong negosyo, paano ang mga komyuter?

Isang lumang bisikleta ang nagsalba kay Jasper Abunyawan noong pandemya. Ngayon, isinasalba niya ang mga lumang bisikleta, para mapakinabangan ng iba.

Marso 2020, isinailalim sa Covid-19 lockdown ang buong Luzon. Bawal lumabas, wala o limitado rin ang pampublikong transportasyon. Pero nakakilos at nakapaghanap-buhay si Jasper dahil sa bisikleta.

“Ang kasama ko sa bahay noon, mga magulang kong senior [citizen]. Hindi sila puwedeng lumabas, mag-errands, bumili sa grocery. Ako lang ‘yong may ID. May nakatambak na lumang Japanese bike sa bahay, ‘yon ang ginamit ko,” aniya.

Nadiskaril din ng lockdown ang trabaho niya noon sa isang opisina sa University of the Philippines (UP) Diliman. Para kumita, rumaket muna siya ng “pasa-bike” at bike delivery.

“Kapag nag-grocery ako, tinatali ko lang ‘yong mga groceries sa bike. May mga kapitbahay na nakakita sa akin na gusto na ring magpasabay kaysa lumabas sila ng bahay,” aniya.

Doon na siya nagsimulang maging “bike commuter” o gumamit ng bisikleta bilang transportasyon. Araw-araw niyang pinapadyak mula sa kanilang bahay sa Culiat, Quezon City papuntang opisina sa UP Diliman.

Araw-araw niyang pinapadyak mula sa kanilang bahay sa Culiat, Quezon City papuntang opisina sa UP Diliman. Mas pinipili niya ang paggamit ng bisikleta papasok ng trabaho keysa ang magcommute dahil mas nakakatipid siya dito. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Hindi niya kailangang magmadali. Babaybayin ang Central Avenue, kakanan sa Commonwealth Avenue at tatawid ng overpass papasok ng UP. Kadalasang nasa 15 minuto lang ang buong ruta.

“Financially, mas nakakatipid. Sa health, ‘yong physical activity ko, covered na ng pagba-bike. Mas mahirap din ‘yong lilipat ka ng jeep, lilipat ka ng tricycle, kaysa ‘yong tuloy-tuloy ka lang na pumapadyak,” ani Jasper.

Dati gumagastos siya ng P100 sa pamasahe papasok sa trabaho. Inaabot din ng isang oras ang limang kilometrong biyahe niya dahil sa trapik, mahabang pila at paglipat-lipat ng sasakyan.

Sa araw-araw niyang pagpadyak, nakilala ni Jasper ang ilang jeepney driver na gumagamit ng mga tagpi-tagping bisikleta papunta sa terminal para pumasada.

Gamit ni Jasper ang railings para doon ay isasampa ang gulong ng bisikleta para mapadali ang pagbaba at pag-akyat ng footbridge. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

“Parang bina-band-aid lang ‘yong mga bike nila para makapasok sa trabaho. ‘Yong mga preno, may nakatali lang para gumana. Wala silang badyet pampagawa kasi ‘yong matitira sa boundary ang ipapakain nila [sa pamilya],” aniya.

Ganito rin ang mga nakilala niyang mga nagbibisikletang construction worker sa isang ginagawang gusali sa North Avenue.

“Kung ano ‘yong helmet nila sa construction, ‘yon na rin ang helmet nila sa pagba-bike,” sabi ni Jasper.

May iba pa siyang napansin—kasabay ng pagdami ng bisikleta sa daan, dumami naman ang natatambak na mga piyesang pinaglumaan o pinagpalitan ng mga bike shop at kapwa siklista.

Sitwasyon ng Bike Lane pag rush hour sa umaga sa kahabaan ng MacArthur Highway Caloocan. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

“Parang may disconnect. ‘Yong mga karaniwang manggagawa, walang pampagawa ng bike, kahit ‘yon ang gamit nila para magtrabaho. ‘Yong mga maykaya, nakakapag-upgrade sila tapos natatambak sa bike shop, anong gagawin do’n?” aniya.

Si Jasper na ngayon ang nagsasalba sa mga lumang bisikleta. Noong Mayo 2024, binuo ni Jasper ang CycleSavers, isang inisyatiba ng mga siklista para ipunin ang mga nakatambak na piyesa mula sa mga bike shop at kapwa siklista.

Kinukumpuni at ipinamimigay nila ang mga ito sa mga manggagawang “bike-to-work” pero walang pambili o pampagawa. Nagtuturo rin sila ng pagkumpuni at pangangalaga sa sariling bisikleta sa mga mga bike commuter at mga unibersidad.

Sa loob ng University of the Philippines Diliman, mahigpit na ipinatutupad ang pagbabawal sa mga motorized vehicles sa ilang bahagi ng campus upang mapanatili ang kaligtasan at katahimikan ng lugar para sa mga naglalakad at nagbibisikleta. Ang mga bisikleta ay isa sa pangunahing uri ng transportasyong ginagamit ng mga estudyante, faculty, at bisita, kasabay ng pagtangkilik sa mas environment-friendly na mobility. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

“Nabuo ang CycleSavers para mapagbuklod ang komunidad sa pamamagitan ng pagbibisikleta at pagkukumpuni,” ani Jasper.

Bukod sa tulong sa gastos ng mga manggagawang siklista, ambag din anila ito sa pagbawas ng carbon footprint o naiiwang polusyon ng lumalagong industriya ng bisikleta.

Sa ngayon, may 30 regular na kasapi ang CycleSavers at mahigit 100 pang boluntir. Nakakatuwang din nila ang ilang mga bike shop, organisasyong makakalikasan at mga grupong siklista sa pagkukumpuni at pangangalap ng mga piyesa.

Umaasa sina Jasper na maging daan ang kanilang proyekto para makahikayat ng mas marami pang Pinoy na magbisikleta.

Hindi lang si Jasper ang naisalba ng bisikleta. Noong 2022, tinatayang 4.46 tonelada ng carbon dioxide (CO2) emission o ibinubugang carbon sa hangin ang naiwasan dahil sa naitalang bilang ng nagbibisikleta sa ilang pangunahing lansangan sa National Capital Region (NCR), ayon sa Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC).

Sa huling Bilang Siklista ng Mobility Awards noong Nobyembre 2024, umabot sa 271,555 ang naitalang nagbibisikleta sa 138 lokasyon sa bansa. Tumaas ito ng 7.2% mula sa bilang noong 2023.

Nakapagtala ng 35.42 milyon toneladang CO2 emission noong 2022 ang sektor ng transportasyon sa Pilipinas, mas matas ng 12% kumpara noong 2021. Ito ang sektor na may pinakamamaraming ibinubugang greenhouse gas (GHG) o hanging nakakapagpainit sa temperatura ng mundo.

Ang mga footbridge ay kabilang sa mga pinakakaraniwang pampublikong estruktura sa Metro Manila, isang megacity kung saan ang mga kotse at motorsiklo ang nangingibabaw sa mga kalsada, at ang mga naglalakad ay napipilitang gumamit ng makikitid na bangketa—o mas malala pa, kailangang maglakad sa mismong mga linya ng kalsadang dinadaanan ng mabilis na sasakyan. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Target ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabawasan nang 75% ang GHG emission ng bansa sa 2030.

Sinimulan nang buuin ng Department of Transportation (DOTr) ang Active Transport Strategic Masterplan (ATSMP). Layon nitong itaguyod ang pagbibisikleta at paglalakad bilang pangunahing transportasyon. Magtatayo ng mga daang-tao (pedestrian path), bike lane at pasilidad para sa active transport.

Bahagi rin ito ng National Transport Policy (NTP) at Philippine Development Plan 2023-2028 ng administrasyong Marcos Jr. na nagtatakdang pedestrian at siklista ang may “pinakamataas na prayoridad” sa lansangan.

“Masakit na sa ulo ngayon, lalo na’t dumadami ‘yong kotse. Nakaka-bad trip na rin mag-bike, pero iniisip ko na lang din yung mabilis ako makakarating sa pupuntahan nang hindi gumagastos,” ani Jasper.

Bike Lane sa kahabaan ng Litex, Commonwealth na hindi na magamit dahil naging puwestuhan ng mga lokal na manininda. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Nadagdagan ng 1.1 milyon ang mga sasakyan sa NCR mula 2013 hanggang 2023. Noong Setyembre 2024, may 39,000 sasakyang naibenta sa buong bansa, 2.4% na mas mataas kumpara sa sinundang buwan.

May kabuuang 887.09 kilometrong bike lanes na sa 154 kalsada ng 27 lungsod sa buong bansa mula 2020. Pero 51 kilometro lang dito ang nakahiwalay sa mga de-makinang sasakyan at eksklusibong para sa mga siklista at pedestrian. Karamihan, pintura o pansamantalang harang lang sa kalsada.

“Kahit may bike lane, parang wala rin. Iba pa halimbawa sa Commonwealth [Avenue] at ibang parte ng [Quezon City] na may dedicated bike lane na may barrier. Pero kapag rush hour, ‘di mo rin magagamit,” sabi ni Jasper.

Nitong Peb. 5, ibinida ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ilang bahagi ng anila’y “inklusibo, nakasentro sa tao at sustenable” na Comprehensive Traffic Management Plan.

Ang plano, alisin ang EDSA Busway at ipagamit sa mga motorista ang bike lanes sa EDSA para “mabawasan ang aksidente sa kalsada,” sabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla.

Naaksidente si Jasper nitong Disyembre 2024. Nabundol siya ng humaharurot na kotse habang binababybay ang Central Avenue. Walang bike lane doon.

“Hindi isyu ang bus, hindi isyu ang bisikleta. Ang isyu, bakit dumadami ang sasakyan?” sabi ni Maria Golda Hilario, Director for Urban Development ng ICSC.

Rush hour sa umaga ng kahabaan ng MacArthur Highway sa Caloocan City. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Kahit prayoridad sa NTP at PDP, mabagal pa rin aniya ang pagpapaunlad sa pampublikong transportasyon sa bansa at hindi naaagapan ang pangangailangan ng mamamayan.

Bukod sa bumabang presyo ng mga sasakyan, marami pa aniyang ibinibigay na insentibo ang gobyerno para sa pagbili ng kotse.

Sa labas ng NCR, naitala ng ICSC na dumadami ang mga nagbibisikleta. Ani Hilario, nakatulong dito ang pamumuhunan ng ilang mga siyudad sa mga imprastrukturang pambisikleta.

“Sa Naga [City sa Bikol], maraming babae na gumagamit ng bisikleta. Anong nasa Naga na wala sa ibang lugar? Simple lang, build and they will come,” aniya.

Para sa ICSC, dapat ayusin ang kolaborasyon at koordinasyon ng mga ahensiya at pamahalaang lokal para maabot ang mga target sa sustenableng transportasyon.

Sa Abril 1 pa inaasahang masimulan ng DOTr ang Philippine Transport System Master Plan 2025-2055. Nangutang ang Pilipinas ng $44 milyon sa Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) ng China para dito.

Habang nagpaplano pa ang pamahalaan, patuloy ang pakikipagpatintero ni Jasper sa mga de-makinang sasakyan. Bawat padyak, pakikipaglaban para sa kapirasong espasyo sa kalsada.

Araw-araw nakikipaghabulan sa pagsikat ng araw si Jalyn Pahuwayan. Madilim pa, umaalis na siya ng bahay sa Sta. Rosa City, Laguna. Kailangan niyang unahan ang dagsa ng pasahero at sasakyan para hindi ma-late sa pinagtatrabahuhang real estate na kompanya sa Makati City.

Inaabot ng dalawang oras ang biyahe niya, kung hindi mabigat ang trapiko. Magpapalipat-lipat siya ng sakay sa tricycle, jeep at bus paluwas ng NCR. Pagbaba sa Magallanes, tatawirin niya ang EDSA at maglalakad pa nang tatlong kanto hanggang sa opisina.

Pagkatapos ng pagsakay ng Bus ay pagsakay naman ng jeep ang transportasyon ni Jalyn upang makauwi. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

“Aakyat ka sa footbridge ng Magallanes, ang taas-taas no’n! Kapag maulan binabaha pa ‘yong sa fountain. Maputik, mahirap,” aniya.

Basta maunahan ang bukang-liwayway, makakarating siya na may ilang minuto pa para mag-ayos at magmakeup.

“Mas nakakapagod pagpauwi, mas mahirap. Parang naubos na yung energy mo [sa trabaho]. Ang tagal-tagal, nagpupuno pa ‘yong bus, tapos ang traffic pa,” ani Jalyn.

Minsan, nag-o-overtime na lang siya para makaiwas sa siksikan at mabigat na trapik tuwing rush hour.

Jalyn 43, naninirahan sa Sta. Rosa Laguna at nagtratrabaho bilang isang Customer Care Specialist ng Real Estate Hub Company sa Makati. Nakatapos na ng isang maghapon shift at naghahanda na para maka-uwi. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Ayon sa survey ng Social Weather Stations, 94% ng mga Pilipino ang walang sariling sasakyan at umaasa sa pampublikong transportasyon. 

“Ang pinakamalaking challenge is access sa [public] transport,” paliwanag ni Hilario.

Hindi aniya sapat na magkakadugtong na imprastruktura. Kailangan ding konektado ang sistema ng pampublikong transportasyon.

“What makes transport system a system? Hindi puwedeng imprastruktura lang. That is to make intermodal transport using public transport system [na] connected, dapat reliable, kapag sinabing 7 a.m., 7 a.m. may sasakyan ka. Tapos, safe for everyone,” aniya.

Mga 10 minuto ang biyahe ng jeep mula sa sakayan hanggang sa pagbaba niya sa kanilang tirahan. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Pauwi si Jalyn isang gabi noong Nobyembre, naramdaman niya ang pagsiksik ng katabing lalaki sa bus. Mula sa Buendia, paulit-ulit nitong ipinapatong ang braso sa hita niya.

“Kahit ano pang suot mo, kahit ano pang itsura mo, kung ‘yong katabi mo sira ulo o manyakis, gagawa talaga sila [ng kamanyakan]. Imagine, [edad] 43 na ‘ko nakaka-experience pa ako ng gano’n. Lalo na ‘yong mga bata. Talagang iiyak na lang, parang feeling mo na-rape ka, lalo na ‘yong mga estudyante,” sabi niya.

Isa ang Pilipinas sa may pinamapanganib na sistemang pangtransportasyon para sa kababaihan. Ayon sa ulat ng Thompson Reuters Foundation, higit 80% ng mga babaeng gumagamit ng pampublikong transportasyon ang nakaranas ng pang-aabuso o harassment.

“No choice kundi makipagsiksikan. Lalakasan mo na lang loob mo. Nakakahiya kasi ‘pag nag-react ka ng malakas o sumigaw, feeling ko maja-judge ka pa ng iba. Lalo na ngayon sa social media, mamaya ma-video ka, ikaw pa bigla ang may kasalanan,” aniya.

Mahabang pila pasakay ng bus. Umaabot minsan ng mahigit isang oras ang paghihintay ni Jalyn sa pila para makasakay ng bus pauwi. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Natanggal siya sa dating trabaho sa isang mall sa Sta. Rosa noong pandemya. Sinunggaban niya ang trabaho sa Makati kahit malayo, magastos at mapanganib dahil ito ang unang tumanggap sa kanya.

Malaking bahagi ng sahod niya, napupunta lang sa higit P350 na pamasahe kada araw.

“Pagdating ng bahay, hindi ka na makakain sa sobrang pagod. Minsan nakakatulog na ako sa sofa, paggising ko madaling araw na,” sabi niya.

Hindi na sila halos nagkikita ng asawa at dalawang anak. Madalas, alas-diyes ng gabi na siya nakakauwi. Matutulog at gigising si Jalyn kinabukasan para muling makipaghabulan sa pagsikat ng araw.

Pangarap ng DOTr na manguna ang Pilipinas sa Sustainable Mobility sa Asya. Sa pulong ng High-Level 16th Regional Environmentally Sustainable Transport Forum in Asia noong Disyembre, sinabi ni DOTr Undersecretary Timothy Batan na susi dito ang multibilyong mga proyektong pang-imprastruktura.

Pero sa ICSC, kahit itinakda na sa NTP at PDP ng gobyerno ang pagsusulong ng sustenableng transportasyon, hindi naman ito nailapat sa lehislatura at sa inilaang pondo para sa pampublikong transportasyon sa ipinasang pambansang badyet ng Kongreso.

Access ramp na kadugtong ng isang footbridge sa kahabaan ng Commonwealth. Bagama’t layunin nitong magsilbing daan para sa mga estudyanteng may kapansanan, ang kalagayan nito ay malayo sa ligtas: sirang bahagi ng pader, nagkalat na basura, at buhol-buhol na kable ng kuryente sa itaas. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

“Malalaman mo kung seryoso o hindi kapag may funding. Kung mag-a-allocate ng pondo. Hindi naman puwedeng laway para mag-implement,” ani Hilario.

Bagaman “unconditional” ang mga komitment ng sektor ng transportasyon, maliit lang na bahagi ang balak nitong iambag sa pangkalahatang target na pagbabawas ng GHG emission ng bansa.

“Kapag sinabing unconditional ang commitments, our climate actions, then it should also be reflected na seryoso tayo in funding allocating it wisely sa ating budget to make it happen,” aniya.

Noong Peb. 21, humarap sa midya sa unang pagkakataon si bagong DOTr Secretary Vince Dizon. Sabi niya, unang direktiba sa kanya ni Marcos Jr. na pabilisin ang mga proyektong pang-imprastruktura na magpaalwan umano sa pagbiyahe ng mga Pilipinong komyuter.

Bike lane sa may Philippine Social Science Center sa kahabaan ng Commonwealth Avenue,ang halos natatakpan na ng mga damo habang ang paligid ay nagpapakita ng kakulangan sa pangangalaga. Sa kabila ng presensya ng mga palatandaan at marka sa kalsada, nananatiling hadlang ang kawalan ng maayos na implementasyon para sa kaligtasan at kaginhawahan ng mga nagbibisikleta. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Kabilang dito ang Metro Manila Subway, North-South Commuter Railway, EDSA Busway, EDSA Greenways, Cebu Bus Rapid Transit at Davao Public Transport Modernization.

“Our roadmap is really to privatize kasi ‘yon ang pinakamabilis. Kampante tayo na kapag nasa kamay ng pribadong sektor ang ating mga imprastruktura, maayos ang mga kontrata, protektado ang gobyerno, protektado ang mga pasahero, sigurado tayong mami-maintain at maayos ang pagpapatakbo ng mga facility na iyan,” sabi niya.

Makakatulong aniya ang pagpapalawak ng “tulungan” ng gobyerno at pribadong sektor para maging mas episyente ang sistema ng transportasyon sa bansa.

“Magiging episyente ang transportasyon para sa kanila lang. Dahil hawak ng pribadong sektor, sila ang magdidikta ng mga ruta ayon sa mga pangangailangan ng malalaking negosyante,” sabi ni Ibon Foundation executive editor at research head Rosario Guzman.

Mapait aniya ang karanasan ng bansa sa pribatisasyon. Nagdulot ng pagkabulok at pagmahal ng serbisyo ang pagsasapribado ng maraming imprastruktura sa transportasyon.

EDSA-Kamuning Footbridge sa Quezon City. Naging sikat ito dahil sa taas na nine meters (30 feet). Sa taas tinawag itong “Mt. Kamuning.” Cindy Aquino/Pinoy Weekly

“Katulad sa [Metro Rail Transit-3 (MRT-3)], nangutang sa lokal na bangko ang kontraktor na hindi na mabayaran. Ipinakarga sa gobyerno, nagtipid sa pagbili at pamumuhunan ng mga bagong bagon. Sinulit ng pribadong korporasyon ang pamumuhunan sa pagsingil ng mataas na pamasahe. Nangyari ang ilang breakdowns at aksidente, naglakad pa nga ang mga pasahero sa riles ng [MRT-3]. Naging napakalaking eskandalo,” ani Guzman.

Higit 10 pasahero ang nasugatan nang pumalya ang escalator sa Taft Avenue Station ng MRT-3 nitong Mar. 11 dahil sa palpak na maintenance. Sinibak na ni Dizon si MRT-3 general manager Oscar Bongon dahil sa mabagal aniyang pagtugon sa pagsasaayos ng escalator.

Nakatakda namang ipatupad ang P15 hanggang P20 dagdag pamasahe sa Light Rail Transit-1 (LRT-1) sa Abril 2.

“Totoo ang gastos, pero ang tanong ay kung sino ang dapat magbayad. Hindi dapat ang mga komyuter, lalo na kung para sa mas malinis na transportasyon,” sabi ni Hilario.

Ang Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) ay isang proyektong pang-imprastruktura na naglalayong magbigay ng mas mabilis at episyenteng transportasyon mula sa North Avenue, Quezon City patungo sa San Jose del Monte, Bulacan na may kabuuang gastos na humigit-kumulang ?77 bilyon. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Para kay Guzman, dapat tularan ng Pilipinas ang mga bansa sa Asya na may pinaunlad na “state-owned” na sistema ng transportasyon gaya ng Thailand, South Korea, Taiwan, Malaysia, Singapore at Indonesia.

“Maganda kung ang estado ang magproproyekto ng malakihang rail system, katulad ng inaatupag ng Thailand. Pinagsumikapan ng kanilang gobyerno na akuin ang pagpapahusay ng transport system,” sabi niya.

Susi aniya sa pagsasabansa ng transportasyon ang pagpapalakas ng mga lokal na industriya at ekonomiya para may pagkunan ng pondo.

“Ang pagpopondo ng isang sustainable transport initiative ay nakaangkla sa pagpapahusay ng lokal na ekonomiya, na lilikha ng lokal na rekurso para sa mga pampublikong yutilidad at serbisyo,” ani Guzman.

Isa sa pinakamalawak na lansangan sa bansa, ang Commonwealth Avenue sa Quezon City ay nagsisilbing pangunahing ruta ng libu-libong motorista araw-araw. Sa oras ng rush hour, tinatayang mahigit 200,000 sasakyan ang dumaraan dito, kabilang na ang mga pampasaherong jeep, motorsiklo, pribadong kotse, UV Express, at bus na patungo sa Quezon City Circle at iba pang bahagi ng Metro Manila. Sa kabila ng lawak nito, nananatiling hamon ang matinding trapik, lalo na tuwing umaga at gabi, na siyang nagpapabagal sa daloy ng ekonomiya at nagpapahirap sa mga commuter. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Maituturing naman aniyang “greenwashing” o pagpapanggap na makakalikasan ang mga niraratsadang proyekto para pagtakpan ang totoong lagim ng pribatisasyon.

“Ang bansa ay lubhang nakaasa sa fossil fuels. Ang kuryente na magpapagana sa mga infrastructure at transport projects na ito ay galing pa rin sa fossil fuels,” paliwanag ni Guzman.

Sinakyan pa aniya ng mga dayuhang korporasyon at mga “kroni” ni Marcos Jr. ang pagsusulong ng renewable energy para gawing negosyo.

“Naging bandwagon ang renewable energy. Ibang usapin pa na dagdag komisyon sa malaking oportunidad sa korupsiyon mula sa imprastruktura,” sabi niya.

Madalas, napapaisip rin si Jalyn na bumili ng kotse. Pero mas prayoridad niya pang gastusan ang edukasyon ng dalawang anak. Umaasa na lang muna siya na matugunan ng pamahalaan ang hirap, gastos at panganib niya sa pagbiyahe.

Si Jalyn ay may 2 anak na nasa kolehiyo ang isa at graduating naman ng K-12 ang bunso. Ang kanyang asawa ay isang sefearer ang trabaho. Nakakasama niya sa bahay ang kanyang Ina na nagiging katuwang niya sa bahay upang mag-asikaso ng mga gawaing bahay. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Itinuturing na kritikal ang 2025 sa pagusulong ng sustenableng transportasyon dahil itinakda ng United Nations ang taong 2026-2035 bilang Dekada ng Sustenableng Transportasyon ayon sa ICSC.

Ani Hilario, dapat bigyang pansin ng DOTr ang pagpapaunlad ng pampublikong transportasyon, lalo na ang aktibong transportasyon, na nakatuon sa mga komyuter gaya nina Jalyn at Jasper.

“At the end of the day, public transport is ang commuters ang nasa unahan. Half of the public transport is active transport. Imagine how commuters arrive at terminals, all these travels are done by foot or pedal,” ani Hilario.

Libo-libong commuter ang araw-araw nagsisiksikan sa mga loading bay patungong Commonwealth. Sa kabila ng pila at trapik, tuloy ang laban para makarating sa trabaho o eskwela. Tinatayang 15 hanggang 30 minuto na pag-aantay ang mga commuter para makasakay. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Marami pang pangarap si Jasper para sa CycleSavers. Plano nilang magtayo ng mga “pop-up” bike repair center sa mga kalsadang natukoy na maraming nagbibisikleta.

“Pay what you can sa may pambayad. Kahit wala, mahalaga makauwi silang wala nang iniisip na kailangang gastos sa pagpapaayos,” aniya.

Ang problema, wala pa silang mapagkunan ulit ng pondo. Natapos na kasi noong Disyembre ang pondong nakuha niya para sa proyekto. May inaayos siya ngayong tulong mula sa isang non-government organization na magbibigay ng bike repair tools.

Si Jasper, 31 na nakatira sa Culiat, Quezon City. Nagtratrabaho sa University of the Philippines bilang Project Technical Assistant sa UPSiklab. Makikita din ang gulong ng lumang bike na nagsalba sa kanya noong pandemya. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

“Hindi pera, kundi bike tools ang ipapadala sa amin. Sana makuha para tuloy-tuloy ang programa,” aniya.

Sa kanilang munting paraan, naipakita ng CycleSavers na kayang isulong mas malinis, sustenable at inklusibong transportasyon nang hindi nakasandig sa mga grandiyosong proyekto at pribadong negosyo, kundi sa pagkakaisa, pagtutulungan at sama-samang pagkilos ng mamamayan.