
Eleksiyon sa US: Ano’ng kabuluhan sa Pinas?
November 3, 2020
Sa papalapit na halalang pampangulo sa US, may inaasahan ba tayong makabuluhang pagbabago sa di-pantay na relasyon ng Amerika at Pilipinas?
Nagaganap na ngayon ang Presidential Elections sa Estados Unidos (US). Malalaman matapos ang botohan kung sino sa pagitan ni kasalukuyang US President na si Donald Trump at ni Joe Biden ang mananalo bilang punong ehekutibo ng US.
Magaganap ang eleksiyon sa konteksto ng matinding pinsala ng pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa, matinding rasismo at marami pang atake sa mga mamamayang may iba’t ibang lahi, paghihigpit ng batas at crackdown sa mga immigrant sa bansa at marami pang iba.
Kasama din sa sinusubaybayan ng mundo ang magiging tunguhin ng itinuturing na isa sa pinakamakapangyarihang bansa ang magiging polisiya nito sa pakikipagrelasyon sa iba pang bansa at mga tensiyong nilikha nito sa iba’t ibang rehiyon ng mundo.
Kaya naman mahalagang masubaybayan ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa ang magiging resulta ng eleksiyon sa US – kung ano ang magiging epekto nito sa diplomatikong relasyon sa Pilipinas at ang mga kaugnay na kasunduang di-pantay; ang at ang pagtrato sa mga migranteng Pilipino sa naturang bansa.
Si Trump, rasismo, at pandemya
Kumakandidato si Trump para sa kanyang ikalawang termino bilang presidente. Katambal nitong tumatakbo ang kasalukuyan din na bise presidenteng si Mike Pence sa ilalim ng Republican Party.
Naging kontrobersiyal ang panunungkulan ni Trump sa kanyang unang termino bunsod ng mga naging polisiya nito kaugnay sa pagtugon sa kasalukuyang pandemya, imigrasyon, heatlhcare at iba pang programang social welfare at ang foreign relations.
Maraming dismayado sa tugon ng administrasyong Trump sa pandemya. “Complete mishandling and an embarassment,” ani Claire Clift, isang holistic wellness educator sa New York, bilang komento sa kung paano hinarap ni Trump ang Covid-19 sa kanilang bansa. Naging episentro ng pandemya sa US ang New York 501,000 kaso at mahigit 33,000 na ang namatay.
Para sa iba naman, hindi pinahalagahan ng administrasyong Trump ang siyentipikong mga paraan, mga regulasyon sa kalusugan at kalikasan, at mga institusyong nagpapatupad nito laban sa Covid-19 sa US. Sa katunayan, minaliit mismo ni Trump ang pagsusuot ng face mask at mga requirement sa social-distancing at hinikayat ang kanyang mga tagasuporta na magprotesta laban sa mga patakaran ng lockdown. Kaya naman isang araw matapos ang campaign rally ni Trump sa Nevada noong Setyembre 13, na lumabag sa tamang bilang ng mga nagtitipon sa publiko, ipinasok sa ospital ang presidente matapos magpositibo sa Covid-19.
Para kay Clift, nakasubaybay umano ang mundo sa magiging tugon ng US sa pandemya ngunit “we failed to set a good precedence for the rest of the world,” aniya. Sa kasalukuyan, mayroong 225,000 namatay sa 8.74 milyong may kaso ng Covid-19 sa US.
Panggigipit sa minorya
Isa pang tampok na usapin sa administrasyong Trump ang paghihigpit sa mga imigrante sa bansa. Naging kontrobersiyal ang panukala ni Trump na pagtatayo ng pader sa mga hangganan ng Mexico, ang travel ban sa pitong mga bansang Muslim, malawakang deportasyon, pagraid at pag-aresto ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) sa mga itinuturing ng gobyerno ng US na mga “ilegal” na mga imigrante at ang ang pag-aresto sa mga tumatawid sa hangganan ng teritoryo ng US at Mexico at paghihiwalay ng mga nahuli sa mga anak nito.
Sa tingin naman ni Aj Santos, migranteng Pilipino at empleyado sa isang coffee shop sa New York, lumaganap ang rasismo nang maging presidente si Trump na aniya’y kaugnay ng pagtrato nito sa mga imigrante sa naturang bansa. “Nung nahalal siya, lalong lumakas ang loob ng mga rasista na lumantad,” dagdag pa ni Santos. Tinutukoy ni Santos ang pagdami ng mga grupong white supremacist tulad ng Proud Boys na aktibo sa pagpapalaganap ng rasismo tungo sa mga people of color o mga hindi puti ang kulay ng balat tulad ng mga Pilipino at iba pang asyano.
Kaya naman lumaganap ang protesta laban sa rasismo. Nitong nagdaang mga buwan, naging tampok ang malakas na protesta at panawagang #BlackLivesMatter bilang pagkondena sa pagkamatay nina George Floyd, Breona Taylor, Jacob Blake sa kamay ng mga pulis at sa rasismo sa naturang bansa.
‘Walang pinag-iba’
Katunggali naman ng tambalang Trump-Pence ang kandidato ng Democratic Party na si Joseph Biden, dating bise presidente nang nanungkulan si Barack Obama bilang presidente, at si Kamala Harris, kasalukuyang senador, bilang running mate.
Bago pa ang kampanya, si Senador Bernie Sanders ang malakas na nominado ng naturang partido sa pagkapangulo hanggang sa umatras ito sa nominasyon at nagpaubaya kay Biden. Maraming tagasuporta ng democratic party at ng mga progresibong organisasyon sa US na nanghinayang sa pag-atras ni Sanders na may astang sosyalista.
Pero dahil two-party system ang umiiral sa US, walang ibang pagpipilian ang mga botante kundi si Trump o Biden lang. At bunsod ng diskuntento sa administrasyong Trump, may mga nagsusulong ng panawagang “Vote Out Trump!”
Bilang imigrante, walang inaasahang pundamental na pagbabago si Santos kung sakali mang si Biden ang mananalo. Pero posible aniyang may kahit kaunting pagbabago sa polisiya sa imigrante mula sa ipinapatupad ni Trump.
Ayon sa kampo ni Biden aaksyunan umano nito ang pagbaligtad sa mga anila’y ‘horrific immigration policies’ na isinagawa ng administrasyong Trump. Sa kabilang banda naman ay sangkot din si Biden noong siya’y bise presidente sa record high na deportasyon ng 400,000 imigrante sa isang taon lang ng panunungkulan ni Obama.
Para kay Santos, walang pinag-iba sa esensiya si Trump at Biden. Aniya, nasa likod ng parehas na kandidato ang mga lobbyist at mayayaman. “Ang sistema dito sa America, kung sino ang may pera siya ang masusunod,” sabi pa ni Santos. Kaya aminado din siya na hindi ganoon kainteresado sa darating na eleksiyon sa US.
Malinaw kay Santos na Democrats o Republicans man ang manaig sa eleksiyon, hindi pa rin mapapanatag ang mga imigranteng katulad niya. “Mangyayari pa rin ang mga deportasyon at racism dito sa US kahit sino pa ang umupo kung hindi magbabago ang sistema ng bansa,” aniya pa.
Tinuligsa naman ni Clift ang kawalan ng pagpipilian sa ilalim ng two-party system sa US. “It’s a shame to democracy because there’s no real choice in America with the two-party system,” aniya.
Malakolonya pa rin
Hanggang kamakailan, may “maayos” na relasyon ang gobyerno ng Pilipinas ang US. Noong Abril 19, tumawag sa telepono mismo si Trump kay Pangulong Duterte pa diumano’y pag-usapan ang pandemyang Covid-19.
Naganap ang naturang pag-uusap ng dalawang pinuno ng bansa matapos iutos ni Duterte ang terminasyon ng Visiting Forces Agreement noong Pebrero bunsod ng pagkansela ng US sa visa ng alyado ng pangulong si Senador Ronald “Bato Dela Rosa. Ipinatigil noong Hunyo ni Duterte ang terminasyon ng naturang kasunduan.
Pinatunayan din ang malapot na relasyong US-RP sa pagbibigay kamakailan ng pangulo ng presidential pardon kay Joseph Scott Pemberton, sundalong Amerikano at sentensiyadong pumatay sa transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014. Usap-usapang kapalit ng pagpapalaya sa naturang sundalong amerikano ang bakuna kontra-Covid-19 mula sa US.
Krusyal pa rin para sa administrasyong Duterte ang suporta ng US, kahit pa may pagsandig ito sa Tsina, lalo na sa gitna ng krisis pampulitika na nalikha nito sa panunungkulan sa nagdaang mga taon at ang palpak na tugon sa pandemya sa bansa. Gayundin kanya-kanyang paraang ang bawat paksiyon sa hanay ng naghaharing uri upang maseguro ang basbas ng US sa darating na presidential elections sa Pilipinas sa 2022.
Bilang kapalit ang pagseseguro naman ng mga pang-ekonomiko at geopulitikal na interes ng US sa Pilipinas at sa rehiyong Asya-Pasipiko. Kung kaya’t asahang hindi magagalaw ang tumatayong mga di-pantay na kasunduan tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement, Mutual Logistics Support Arrangement at marami pang iba.
Kaya’t anuman ang resulta ng eleksiyon sa US, mananatiling malakolonya pa rin nito ang Pilipinas.