Husgahan Natin

Sierra Madre at Kaliwa Dam

December 14, 2020

Bagamat marami sa kanila ang tumututol dito, lubhang nakapagtataka dahil nitong huling bahagi ng 2019 ay binigyan ng Department of Environment and Natural Resources ng Environmental Compliance Certificate ang Kaliwa Dam.

Dahil sa trahedyang dulot ng mga nagdaang bagyo sa isla ng Luzon, hindi maiwasang tingnan ang kakulangan ng pansin ng kasalukuyang pamahalaan sa papel na ginagampanan ng bundok ng Sierra Madre bilang natural na panangga at proteksyon sa mga rumaragasang bagyo.

Ang Sierra Madre ang pinakamahabang bundok sa Pilipinas. Sa haba nitong higit 500 kilometro, ito ay dumadaan sa hindi bababa sa 10 probinsya, kabilang na ang probinsiya ng Cagayan hanggang Quezon. Tinatantyang umaabot sa 1.4 milyong hektarya ang lawak nito.

Ang nasabing bundok, kasama na ang kagubatan nito, ay nagsisilbing likas na panangga sa mga dumarating na unos o bagyo. Ang Sierra Madre din ang nagsisilbing tahanan sa ibat-ibang uri ng ibon, hayop, puno, bulaklak, isda, pati na ang mga katutubo. Ito ang dahilan kung bakit ang malaking bahagi nito ay dineklarang protected area ng pamahalaan.

Ngunit hindi natin mapagkaila na sa kabila ng lahat ng ito, unti-unting nasisira ang bundok ng Sierra Madre. Sinasabing may 1,400 ektaryang gubat ang nasisira sa Sierra Madre tuwing taon dahil sa illegal logging activities. Sanhi rin sa pagkasira ng bundok ang pagmimina o ang mining at quarrying activities na ginagawa rito. Ang nakakasama pa rito ay may mga proyekto ang pamahalaan na inaasahang lalong makakasira sa bundok ng Sierra Madre.

Panahon pa ng diktadoryang Marcos ng simulang pag-aralan ang paglalagay ng dam sa lalawigan ng Quezon upang mabigyan ng solusyon ang kakulangan ng tubig sa Metro Manila. Ang proyektong ito ay hindi natuloy sa mga sumunod na administrasyon sa iba’t-ibang dahilan, ngunit pagdating ng administrasyong Duterte ay itinuring na priority project ito.

Sa ngayon, inaprubahan ng kasalukuyang administrasyon ang proyektong ito na tinawag na Kaliwa Dam Project o New Centennial Water Supply Project.

Ito ay may halagang P12.189 Bilyon at inaasahang matatapos sa taong 2023.  Poponduhan ito sa pamagitan ng Official Development Assistance mula sa bansang Tsina at bahagi ng Build, Build, Build program ng administrasyong Duterte.

Ang nasabing dam ay gagawin sa bayan ng Gen. Nakar at Infanta, lalawigan ng Quezon at ang tunnel nito ay aabot sa lalawigan ng Rizal. Sinasabi ng gobyerno na ang proyektong ito ang magbibigay ng solusyon sa krisis sa tubig ng Metro Manila at karating lalawigan sapagkat inaasahang magluluwal ito ng 600 na milyong litro ng tubig araw-araw.

Sa kabila nito, patuloy ang pagtutol ng mga progresibong sektor sa proyektong ito ng administrasyong Duterte. Una, ang proyektong ito ay sisira sa Sierra Madre, ang pangunahing sanggalang ng Luzon laban sa malalakas na unos at bagyo.

Mahigit 12,000 na ektarya ng kagubatan ang maaapektuhan ng pagtayo ng nasabing dam dahil ito ay pumapasok sa sa watershed forest reserve ng Sierra Madre. Halos 300 ektarya naman ang lulubog sa tubig. Isipin natin na sa ilalim ng Proclamation No. 573 na nilabas noon pang Hunyo 22, 1968, ang bundok ng Sierra Madre ay dapat alagaan.

Ang nasabing proyekto ay makakasira din sa tirahan ng maraming endangered species na naninirahan dito, kabilang na ang pinagmamalaki nating Philippine monkey–eating eagle. Siyempre, ang mga heavy equipment at mga sasakyan na kailangan upang magdala doon ng mga construction materials ay dagdag na makakasira sa kagubatan at tiyak na makakapekto sa kanyang papel bilang tagasangga sa bagyo galing o papunta sa Pacific Ocean.

Kapag natuloy ang nasabing proyekto, hindi malayong mauulit ang dinanas natin sa bagyong Ulysses. Isa pa, ang nasabing proyekto ay matatagpuan sa loob ng Philippine Fault Zone at Valley Fault System. Maaring maganap rito ang matinding lindol na magiging sanhi ng pagkasira ng dam na gagawin dito. Kung ito ang mangyari, sayang lang ang pondong lulustayin ng pamahalaan sa nasabing proyekto.

Ang Kaliwa Dam ay makakapekto rin sa ancestral lands ng mga indigenous cultural communities tulad ng mga Agta, Dumagat at Remontado na nakatira sa nasabing lugar. Higit kumulang 1,000 pamilya sa Tanay, Rizal at 500 pamilya naman sa Gen. Nakar, Quezon ang apektado ng nasabing proyekto.

Ayon sa Republic Act No. 8371 o ang Indigenous People’s Rights Act, kailangan ang kanilang free, prior and informed consent (FPIC) upang matuloy ang nasabing proyekto. Bagamat marami sa kanila ang tumututol dito, lubhang nakapagtataka dahil nitong huling bahagi ng 2019 ay binigyan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang Kaliwa Dam.

Ayon sa mga katutubo, hindi pa kumpleto ang proseso ng pagkuha ng kanilang free and informed consent nang ibigay ng DENR ang nasabing ECC para sa Kaliwa Dam. Nakapagtataka rin kung paano sila nagkaroon ng Resolusyon sa Pagpayag sa nasabing proyekto samantalang mayorya sa kanila ang tutol dito.

Naglabas na ang Metro Manila Sewerage System (MWSS) ng notice to proceed para matuloy ang Kaliwa Dam Project. Nagreklamo naman ang mga lider ng katutubo kayat napilitang tanungin ng Commission on Audit (COA) ang MWSS tungkol sa mga anomalya na nabanggit.

Hanggang sa ngayon ay iniimbestigahan pa ang bagay na ito. Mahirap isipin ngunit umabot na sa pamemeke ng dokumento ang kanilang ginagawa matuloy lamang ang Kaliwa Dam Project na ito.

Samantala, patuloy naman ang kampanyang No To Kaliwa Dam ng mga environmentalist at grupong simbahan laban sa Kaliwa Dam Project ng administrasyon.

Magtatatagumpay kaya ito? Magtatagumpay lamang ito kung kasama tayo, mga mambabasa.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.