Husgahan Natin

Pagpapalit ng pangalan sa pasaporte

March 8, 2021

Sa Desisyon ng Korte Suprema, nilinaw nito na na sang-ayon sa Article 370 ng New Civil Code, ang isang babaeng kasal sa kanyang asawa ay may karapatang gumamit ng apelyido ng kanyang asawa o panatilihin pa rin ang kanyang apelyido sa pagkadalaga.

Isang babaeng Overseas Foreign Worker ( OFW) ang nagtanong sa inyong lingkod.

Sa kanyang passport daw ay apelyido ng kanyang asawa ang nakalagay.

Ngunit sa nakalipas na mga buwan, hindi na raw maganda ang kanilang relasyong mag-asawa at gusto na nilang makipaghiwalay sa isa’t isa.

Kaya ang tanong niya sa akin, pwede bang hingin niya na ang apelyido niya sa pagkadalaga ang gagamitin niya sa renewal ng kanyang passport at hindi ang apelyido ng kanyang asawa?

Nasagot na ng Korte Suprema ang katanungang ito sa kasong “Maria Virginia Remo vs. The Honorable Secretary of Foreign Affairs “(G.R. No, 169202)” na hinatulan nito noong March 5, 2010.

Sa nasabing kaso, gusto rin ni Ms. Remo na baguhin ang apelyido na nakalagay sa kanyang passport.

Siya noon ay nasa America at ang ginamit niyang apelyido sa kanyang passport ay ang apelyido ng kanyang asawa.

Dahil sa nag-expire na ang kanyang passport, hiniling niya na mabigyan siya ng replacement passport ngunit ang gagamitin dito ay ang apelyido niya sa pagkadalaga at hindi ang apelyido ng kanyang asawa.

Hindi pinayagan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kahilingan ni Ms. Remo.

Nag-apila sa Office of the President itong si Ms. Remo ngunit ganun pa rin ang hatol.

Umakyat sa Court of Appeals si Ms. Remo ngunit sinang-ayunan ng Court of Appeals ang pasya ng DFA at sinabing hindi talaga pwede ang hinihingi ni Ms. Remo.

Dahil dito, napilitang umakyat si Ms. Remo sa Korte Suprema.

Sa Desisyon ng Korte Suprema, nilinaw nito na sang-ayon sa Article 370 ng New Civil Code, ang isang babaeng kasal sa kanyang asawa ay may karapatang gumamit ng apelyido ng kanyang asawa o panatilihin pa rin ang kanyang apelyido sa pagkadalaga.

Binibigyan siya ng karapatan ng batas na mamili kung gagamitin ba niya ang apelyido ng kanyang asawa o ituloy pa rin ang pag-gamit sa kanyang apelyido sa pagka-dalaga.

Pinapayagan siya ng batas na gamitin pa rin kanyang apelyido sa pagkadalaga dahil sa kanyang pag-aasawa ay hindi naman napapalitan ang kanyang pangalan kundi ang kanyang civil status lamang.

Maliwanag sa kaso ni Ms. Remo na pwede siyang pumili kung alin ba sa dalawa ang kanyang gagamitin (apelyido sa pagkadalaga o apelyido ng kanyang asawa) ayon sa Article 370 ng New Civil Code.

Ngunit, sinasabi rin ng Philippine Passport Act (Republic Act 8239) na kapag pinili ng isang babae na gamitin ang apelyido ng kanyang asawa sa kanyang passport ay hindi na niya pwede itong baguhin.

Mababago lamang niya ito kung magkaroon nang pagtatapos ang kanilang kasal sa alin mang kadahilanan : (a) kamatayan ng kanyang asawa, (b) diborsyo nilang mag-asawa, o (c) pagpapawalang-bisa ng kanilang kasal.

Sa kaso ni Ms. Remo, maliwanag na legal pa rin at nagpapatuloy pa ang kanilang kasal.

Kaya, alinsunod sa Philippine Passport Act, hindi dapat mabago ang pangalang ginagamit ni Ms. Remo sa kanyang passport.

Dahil nasimulan na niyang gamitin ang pangalang Maria Virginia Remo sa kanyang pasaporte, dapat itutuloy niya ang pag-gamit sa pangalang ito hanggang nananatili siyang kasal sa kanyang asawa.

Kung papayagan nating maaring palitan ito alinsunod sa kagustuhan ng mga babaeng nabigyan ng passport, sabi ng Korte Suprema, ay magdudulot ito ng posibleng kalituhan o kaguluhan sa ating mga records.

Kaya dapat lamang na sundin natin ang nakasaad sa Philippine Passport Act.

Dahil dito, tinanggihan ng Korte Suprema ang apila ni Ms. Remo at sinang-ayunan ang hatol ng Court of Appeals.

Kaya, ang sagot natin sa OFW na nagtanong: Hindi.

Maaari lamang siyang magpalit ng pangalan sa kanyang passport pag wala na ang kanyang asawa o wala na ang kanilang kasal.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.