Editoryal

Bahag ang buntot

May 7, 2021

#DuterteDuwag ang sambit ng mga netizen na nagtrend sa social media matapos ang naging ‘pag-atras’ ng Pangulo sa debate.

Dismayado ang madla sa pag-atras ni Pangulong Duterte sa debate hinggil sa West Philippine Sea sa pagitan niya at retiradong Associate Justice ng Korte Suprema na si Antonio Carpio.

Inaantabayanan na sana ang debate na ang Pangulo mismo ang naghamon at mabilis na tinugunan ng dating punong mahistrado. Pero ayon sa Malakanyang, hinirang umano ng Pangulo si Presidential Spokesperson Harry Roque upang harapin si Carpio sa naturang debate.

#DuterteDuwag ang sambit ng mga netizen na nagtrend sa social media matapos ang naging ‘pag-atras’ ng Pangulo sa debate.

Kung anu-anong dahilan ang ibinoladas ng Palasyo at mga kaalyado kung bakit hindi natuloy ang debateng Duterte-Carpio. Kesyo wala umanong pakinabang ang mga mamamayang Pilipino mula sa naturang debate. Kesyo hindi raw magkalebel si Duterte at Carpio na isa lang “ordinaryong abogado”. Kesyo makakaapekto raw sa pampublikong polisiya ang anumang sasabihin ng Pangulo sa debate na maaaring saklaw ng executive privilege.

Pero sadya ang karuwagan ng Duterte at kanyang administrasyon. Hindi lang ito nakita sa naudlot na debate kay Carpio, kundi maging sa pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas lalo na sa West Philippine Sea.

Makailang beses na bang nilapastangan ng China ang teritoryo, mga rekurso at maging mga mamamayang Pilipino sa West Philippine Sea? Hindi ba’t napakarami na? Hindi malilimot ng 22 mangingisdang taga-Mindoro ang pagsagasa sa kanilang bangka ng barko ng China noong 2019 na magpahanggang ngayon ay wala pa rin kompensasyon mula sa China. ‘Wag nang isama ang iba’t ibang insidente pagtataboy sa mga mangingisda natin ng mga barkong pandigma ng China.

Sa lahat ng mga paglapastangang ito, hindi makikitaan ng mapagpasyang paninindigan ang Pangulong Duterte at tila kinukunsinte pa ang China.

Totoong ilang ulit ang lakas ng kakayahang makidigma ng China sa Pilipinas. Pero hindi ito dahilan para hindi ipaglaban ang mga teritoryo ng ating bansa. Maaaring igiit ang teritoryo ng Pilipinas sa paraang diplomatiko at iwasan ang giyera. Sa katunayan, tumitindig pa rin ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration ng United Nations na Pilipinas ang saklaw ng Pilipinas bilang exclusive economic zone ang West Philippines Sea at ipinawalang bisa ang pinagmamalaking “nine-dash line” ng China.

Pero sadyang isinantabi ito ng administrasyong Duterte simula pa noong 2016 para matanggap ang $22-24 Bilyong pautang at pamumuhunan mula sa China.

Bahag ang buntot ni Duterte sa debate laban kay dating Chief Justice Carpio dahil alam niyang wala siya sa katwiran at mailalantad ang kanyang tahasang pagtataksil sa soberanya ng Pilipinas. Bahag ang buntot ng Pangulo, bilang tuta, hindi dahil natatakot kundi dahil sa inaasahan nitong ganansiya at pakinabang nito sa China.

PW Staff